Si Hannah Pauline Pabilonia ay isang spoken word poetry artist o performance poet, nagsusulat at nagtatanghal ng kanyang mga tula sa iba’t-ibang istasyon ng radyo, telebisyon, at iba’t-ibang unibersidad mula 2016. Siya ay produkto ng 8th Angono Writer’s Workshop na ginanap sa Nemiranda Art Camp sa Angono noong 2023. Siya rin ang itinanghal na Gintong Makata 2023 na nagwagi sa Slam Poetry Contest ng TulaSalitaan PH. Ang kaniyang tulang “Ubas” at “The Mystery of Faith” ay mababasa sa zine ng Tulasalitaan PH, “Kalong-kalong na Kalungkutan”, na inilathala ngayong taon, 2024. Ang kolektibang kaniyang kinabibilangan, Tadhana Collective, ay naging parte rin ng mga artista’t manunulat ng Ivory Records noong 2017 at naglabas ng dalawang spoken word poetry album sa Spotify, iTunes, at Deezer na pinamagatang “Tadhana Tongue-Tide” at “Tadhana Tongue-Tide Volume II”. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Assumption Language Foundation bilang program manager at philanthropic development officer at tumatayo bilang Artistic Director ng kanilang kolektiba, Tadhana Collective.