Naniniwala si Klara, isang transgender woman mula sa probinsiya ng Sorsogon, na ang pagkatha nang may tinatangang boses mula sa mga pinatatahimik na tinig ang pinakamahalagang responsabilidad ng manunulat. Dahil dito, palaging mayroong bakas ng pagiging bahagi niya ng LGBTQIA+ Community sa mga isinusulat niyang akdang pampanitikan. Si Klara ay nagtapos nang May Pinakamataas na Karangalan sa ilalim ng Humanities and Social Sciences strand. Bunga ng pagsusulat-sulat, naging finalists siya sa iba’t ibang pambansa’t rehiyunal na timpalak sa pagsulat kagaya ng Premyo Gualberto Manlagnit ng Ateneo de Naga Unversity, For You Pilipinas Essay Writing Contest ng Sibika.ph, at THE USI Façade’s Essay Writing Contest ng Unibersidad de Santa Isabel – Naga. Nagkamit din siya ng Ikatlong Gantimpala sa Gawad Palanca para sa Kabataan Sanaysay. Bukod dito, mayroon siyang nailathalang zine kagaya ng “Boses ni Nene: Mga Tulang Umiigpaw mula sa Buhok at Karanasan” at “Alamat ng Tranella: Mga Tula at Prosa”. Mababasa rin ang kaniyang mga tula at sanaysay sa iba’t ibang literary folio/publications kagaya ng Kinaiya: Mga Sining at Sulat mula sa LGBTQIA+, Beyond the Binary, at 8letters. Naging pinakabatang fellow siya sa Ikalawang Palihang Rene O. Villanueva taong 2024. Sa kasalukuyan, tinutugunan niya ang gampanin bilang mag-aaral sa ilalim ng programang Associate in Arts in Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Tanging hiling niya: kinabukasang wala nang batang transgender na manunulat ang matatakot na gamitin ang panitikan sa pagsusulong ng karapatan.