Review: Nanay Bangis

May dalang sindak ang Nanay Bangis (adaptasyon ni Rody Vera ng Mother Courage and Her Children ni Bertolt Brecht) sa mga manonood. Sa paglalapat ng naratibo, lahat ay nababahag ang buntot sa gerang walang sinuman ang nananalo. Nasukat ang pinakamabangis na puso/pulso ng pagiging isang ina sa gerang ang kabuhayan ay kamatayan.

Katulad ng bitbit na kariton ni Nanay Bangis, pasan ng mga kuwentista o mga aktor, o mga aktor na malay sa kanilang pagiging kuwentista, ang bigat at ugnayan ng kuwento sa tunay na buhay. Magandang may pagpapaalala sa mga manonood na ito ay isang dula sa porma ng estilo at adbokasiya ni Brecht: may pagbasag man sa sinasabing “fourth-wall” upang may hinga ang manonood, nag-iiwan naman ang dula na ito ng mga katanungan at pakiramdam hinggil sa unibersal na lingguwahe ng digmaan. Na ang gera ay hindi isang daan sa kapayapaan kundi sa isang nakabibinging katahimikan, ang wika ng mga hinagpis at iyak nilang mga naiipit.

Kawangis ng paglalakbay ni Nanay Bangis, may pag-iingat sa pagkukuwento kahit may talim ang kanilang kabangisan sa gusto nilang ipakita. Katulad ng dula, may pag-aalaga ngunit may pangangaral tungkol sa reyalidad ng mga tao kapag ang kapaligiran at ang klima ay hindi na tumutugma sa pamumuhay at ito na ay nakamamatay. Sa umpisa pa lamang ay talo na ang lahat, paano tayo mamumuhay sa pagkatalo? Kailangan bang dumaan sa pagkalagas para manalo?

Katulad ni Nanay Bangis, nangangalakal tayo ng mga danas upang mapatibay ang buhay, ngunit may pag-aalala at paglaban sa limot ng kanilang mga pinapasan. May pag-iwan man sa bangkay ng kaniyang mga anak sa mga sityo ng dahas, laging kasama ang kanilang danas sa pagpapabigat ng kaniyang mga dala. Ang bigat na iyon ay papasanin din ng mga manonood dahil katulad ni Bangis, wala silang magawa kundi manood sa karumal-dumal na pagkakataon na sinapit ng mga bidang hindi bida. May ngitngit dahil may pagsira sa imahinasyong pader ang mga karakter/ aktor sa dula, ngunit ang mga manonood ay walang ganoong kakayahan sa loob ng tanghalan. Sa kabilang banda, katulad ng mga biktima ng gera, may bakas ng pagpapatuloy kahit tila ang magagawa lamang ay manood o maging saksi sa gumuhong mundo.  Baka ang mahika rin ni Brecht at ni Nanay Bangis ay ang pagkilalang sa pagtatapos ng dula, nasa labas pa ang masalimuot na mundong pinagtiisan at hinahanapan ng buhay at kahulugan. Baka may pag-asa pa.

​Ang Dulaang Unibersidad ng Pilipinas ay kilala sa pagtatanghal ng mga obra maestra ng teatro sa Pilipinas at sa mundo ng teatro. Itinatag noong 1976 ng Pambansang Alagad ng Sining na si Tony Mabesa, sinusuportahan ng Dulaang UP ang mga akademikong programa ng teatro sa antas undergraduate at graduate. Nakikipag-ugnayan ito sa UP Playwrights’ Theatre (UPPT) at UP Dulaang Laboratoryo (Dulaang Lab). Ang UP Playwrights’ Theatre, na itinatag din ni Tony Mabesa noong 1986, ay itinatampok ang mga orihinal na dula ng mga Pilipino, samantalang ang UP Dulaang Laboratoryo ay nakatuon sa mga thesis production ng mga estudyante at mga espesyal na proyekto sa ilalim ng pangangasiwa ng guro sa teatro ng Unibersidad ng Pilipinas.

Sa ika-47 na taon ng Dulaang UP, tatalakayin nito ang mga tensyon sa klima sa pamamagitan ng temang “Amihan at Habagat.” Sinusuri nito kung paano nagiging sentro ang mga Pilipino sa mga lugar ng kawalang-katiyakan—sa politikal at ekolohikal na aspeto. Tulad ng amihan at habagat, ipinapakita ng mga pagtatanghal ngayong season ang paghila’t pagtulak sa mga kritikal na lugar sa Pilipinas sa kasalukuyan. Pinagsasama nito ang tradisyon at inobasyon sa pamamagitan ng dalawang bagong banner ng Dulaang UP: ang DUP Classics at DUP Innovate.

Ang Nanay Bangis ang magbubukas ng temang ito, isang adaptasyon ng Mother Courage and Her Children ni Bertolt Brecht, sa darating na Nobyembre 15, 2024. Pinangungunahan ito ni J. William Herbert Sigmund Go at isinalin ni Rody Vera. Ang dula ay nakatakda sa konteksto ng tunggalian ng Moro National Liberation Front at Philippine Army mula 1971 hanggang 1981. Sinusuri ng dula ang romantisadong pananaw sa digmaan bilang isang makabayan at marangal na pagkilos. Sa halip, inilalahad nito ang mga salimuot ng kuwento ng pakikibaka para mabuhay sa gitna ng digmaan.

𝐍𝐀𝐍𝐀𝐘 𝐁𝐀𝐍𝐆𝐈𝐒

Direksyon ni 𝐽. 𝑊𝑖𝑙𝑙𝑖𝑎𝑚 𝐻𝑒𝑟𝑏𝑒𝑟𝑡 𝑆𝑖𝑔𝑚𝑢𝑛𝑑 𝐺𝑜
Mula sa adaptasyon ni 𝑅𝑜𝑑𝑦 𝑉𝑒𝑟𝑎 ng
“Mother Courage and Her Children” ni 𝐵𝑒𝑟𝑡𝑜𝑙𝑡 𝐵𝑟𝑒𝑐ℎ𝑡
#DUPNanayBangis
Dulaang Unibersidad ng Pilipinas (DUP Official Page)

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101