2024 Madrigal-Gonzalez Best First Book Awards in Filipino

PAGPUPUGAY SA MGA FINALIST ng 2024 MADRIGAL-GONZALEZ BEST FIRST BOOK AWARDS IN FILIPINO!

Nais naming kilalanin ang mga aklat ng mga bagong awtor na nagpapamalas ng kakaibang husay. Ngayong taon, narito ang anim na finalist:

“Sa Ika-Ilang Sirkulo ng Impyerno” ni Miguel Paolo Celestial

“Pilipinas kong Mahal with all the Overcoat” ni Eljay Castro Deldoc

“Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay” ni Carlo Paulo Pacolor

“Silang mga Nagmula sa Bumbilya” ni Buwan Sayajon

“Pamarapara” ni Arnold Matencio Valledor

Ating kilalanin ang mga finalist’s ng 2024 Madrigal-Gonzalez Best First Book Awards sa Filipino:

Miguel Paulo Celestial

Kasalukuyang nagtatrabaho si Miguel Paolo Celestial bilang clinical staff sa isang rehabilitation facility. Nagtapos siya ng BS Management Engineering minor in English Literature sa Ateneo de Manila University at master’s in business administration sa Hult International Business School. Pinarangalan ang Sa Ika-ilang Sirkulo ng Impiyerno, ang kanyang unang libro ng mga tula, ng Victor C. Valledor Prize for Best Book of Poetry in Filipino sa 41st National Book Awards.

Eljay Castro Deldoc

Si Eljay Castro Deldoc ay tubong Hagonoy, Bulacan. Nagtapos ng BA Communication Arts sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños at ng MFA in Creative Writing sa De La Salle University. Nakamit niya ang NCCA Writers Prize para sa Dulang Filipino noong 2021. Ilan sa kaniyang mga dula ay naitanghal na sa California, Canada, Germany, at Saudi Arabia. Siya ay miyembro ng Writers Bloc Inc. at isa sa mga tagapagtatag ng grupong panteatro na Tabsing Kolektib Philippines. Ang kaniyang unang aklat na inilimbag ng Balangay Productions ay nagwagi ng Gintong Aklat Award at naging finalist sa National Book Awards. Nagsusulat din siya ng mga sanaysay, teleplay, at kuwentong pambata.

Carlo Paulo Pacolor

Ako si Carlo Paulo Pacolor, at ako ay isang baklang nagsusulat ng kwento at gumagawa ng mga palabas.

Mula 2005 ay naisasa-antolohiya na ang mga maiikli kong kwento. Ang unang kwento kong naisalin sa Ingles ay “Ang Batang Gustong Maging Ipis” (The Arkansas International, 2020); pagkatapos ay naisama ito sa Ulirat: Best Contemporary Stories in Translation from the Philippines (Gaudy Boy, Singapore). No’ng 2023 naman ang “Silid I”, isang kwento mula sa Kompedio ng mga Imposibleng Bagay ay lumabas sa Two Line Press x Center for the Art of Translation (San Francisco). Inimprenta ng Everything’s Fine ang buong koleksiyon ng Kompedio noong 2022. Nakatanggap ito ngarud ng grant sa pagsasalin mula sa National Book Development Board, at no’ng July 2024, inilabas ng Everything’s Fine ang Selected Works from the Compendium na salin ng apat na kwento mula sa Kompedio.

Nakapagprodyus na rin ako ng mga independent printed matter, ang Handbook ng mga Bakla, 2019 (handbook para sa mga bakla sa katapusan ng daigdig) at 100 Aporismo, 2020 (mga talá no’ng kasagsagan ng pandemya).

Naitanghal na rin ang aking mga dula sa Virgin Labfest ng Cultural Center of the Philippines, 2008-2012. Bumalik ako sa paggawa ng palabas no’ng 2016 at bumuo kami ng mga kaibigan kong bakla, tomboy, at trans ng isang performance troupe, ang Tambay Times. Ilan sa mga trabaho namin ang Brujas, 2019 (isang traveling performance sa siyam na espasyo), Radyo Drama, 2021 (radyo drama tungkol sa pagka-trans), at ang Sisa variations, 2023-2024 (isang durational performance na nagpopook sa katauhang trans sa panahon ng pandaigdigang ligalig).

Buwan C. Sayajon

Si Buwan C. Sayajon ay nag-aaral ng BA Social Sciences (Anthropology-Sociology) sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio. Isa siyang alumnus ng Philippine High School for the Arts sa ilalim ng programang Malikhaing Pagsulat, at kasalukuyang iskolar ng Cultural Center of the Philippines. Lumaki sa pagitan ng Negros, Leyte, at Palawan, nagsusulat siya ng mga eksperimental na piyesa sa Filipino at Ingles.

Arnold Matencio Valledor

Si ARNOLD MATENCIO VALLEDOR ay Public Schools District Supervisor ng Panganiban District, Sangay ng Catanduanes. Naging fellow ng 10th Ateneo National Writers Workshop taong 2010. Nagsalin sa Bikol Norteng Catandungan ng ilang tweets ni Rolando B. Tolentino sa aklat na #Pag-ibig (2014) at ng ilang tula ni Allan Popa sa aklat na Hunos (2016). Napabilang ang tatlong tula sa aklat na An Satuyang Kakanon sa Aroaldaw na tinipon at isinalin sa Filipino ni Kristian Sendon Cordero taong 2015. Nalathala ang mga akda sa Liwayway Magasin, ANI, Lagda, Aksyon: Dagli ng Eksenang Buhay, Balintuna: Mga Kuwentong Kakatwa, Lakbay: Mga Tulang Lagalag, Katastropiya, Kasingkasing Nonrequired Reading in the Time of Covid-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4, Balligi: Mga Kuwentong Tagumpay at Pagpupunyagi, Katitikan, Luntian, Kawing, Alaala ng mga Pakpak, Kwentong COVID/Kwentong Trabaho, Santelmo, at iba pa. Nanalo ng Unang Gantimpala sa Gawad Obrang Literaturang Bikolnon, Mayo 31, 2020 sa Kategoryang Pinakamatanos na Parausipon at Ikalawang Gantimpala sa Kategoryang Pinakamatanos na Pararawitdawit na pinangunahan ng Kaboronyogan kan mga Artistang Bikolano. Isa sa mga nanalo sa patimpalak na Tula Tayo 2021 ng KWF sa kategoryang Tanaga. Inilabas ng Isang Balangay Media Productions ang kambal na aklat na PAMARAPARA at PAMALAKAYA noong 2023.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101