Day 2, Workshop Session 2: “The Prodigal Daughters” ni Arnel Mardoquio, fellow sa Dulang Pampelikula

Fellow: Arnel Mardoquio
Moderator: Rolando B. Tolentino

Ipinosisyon ni Dr. Rolando B. Tolentino ang iskrip ni Arnel Mardoquio sa pelikulang “The Prodigal Daughters” sa continuum ng indie cinema. Binaybay ni Dr. Tolentino ang iba’t ibang panahon ng pag-angat at pagkalugmok ng sine Filipino at pinagtibay ang mga tagumpay na nakamit ng indipendiyenteng sine: mga likhang domumentaryo, short films, women’s films, LGBTQIA cinema, at indigenous/regional cinema.

Ipinakilala ni Dr. Tolentino ang ekstensibong karanasan ni Mardoquio sa industriyang pampelikula. Karamihan sa kaniyang mga pelikula ay napondohan sa ilalim ng mga grant-giving film festival at gumalugad sa mga tema ng digmaan sa Mindanao, mga Lumad, lokalidad ng Davao, at bayolenteng krimen. Ipinalabas ang trailer ng pelikulang “Ang paglalakbay ng mga bituin sa gabing madilim” ni Mardoquio.

Sa introduksiyon naman ni Arnel Mardoquio, ibinahagi niya ang kaniyang posisyonalidad bilang Mindanawon at ang adbokasiya niya sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagkilos upang mabago ang perspektiba sa Mindanao at mga mamamayan nito. Ipinakilala niya ang kaniyang “free” approach sa pelikula at ang pagbabalik sa kung ano ang “hiniram”. Sa unang pagkakataon, naging protagonista sa kaniyang isinulat na pelikula ang isang angkang mayaman at nagmamay-ari ng lupa. Ang iskrip ay tungkol sa pagguho ng kapangyarihan at sa pag-usbong ng bagong estruktura at kaayusan na may ugnay sa lupa at paggawa.

Sa pagtalakay ng iskrip, napuna ni Luna Sicat Cleto na mainam sana na gumagalaw ang mga tauhan sa halip na nagsasalita lamang. Iminungkahi niya ang mas accurate na artikulasyon ng pyudalismo bagaman nagustuhan niya ang metapora ng higantengt baboy-ramo at paghalaw sa folk imagination. “Uniquely Mindanawon” ang paglalarawan ni Jun Cruz Reyes sa akda. Pinuna niya na ang ilang reperesiya sa bibliya ay bumabangga sa rehiyonal o indigenous na sensibilidad. Ang pagka-Lumad ng materyal ay kailangang lumitaw, aniya. Pinansin ni Rolando Tolentino ang reperensiya ng iskrip sa pelikulang “Oro, Plata, Mata” (1982) ni Peque Gallaga na ipinakita rin ang mundo ng relasyon ng alipin at mga panginoong may lupa. Bagaman pinapahalagahan ni Eugene Evasco ang estruktura ng iskrip, iminungkahi niya na ipreserba ang piniling porma ng naratibo at ang sariling estetika na labas sa disenyong komersiyal. Hinamon niyang isulat ito ni Mardoquio hindi lang bilang “working script” kundi bilang panitikan. Pinansin ni Ramon Guillermo ang aspekto ng grotesque at comic sa iskrip. Tinanong niya kung hanggang saan niya nais tanganan ang grotesque at pinuna ang kawalan ng direksiyon ng tonong komikal. Diniinan niya ang problema ng pagkawala ng collective ties at ng presensiya ng komunidad. Para sa kaniya, ang resolusyon ay nararapat na magmula sa pagkakaugat ng mga karakter sa komunidad. Ibinahagi ni Elio Garcia na nabasa na niya ang kabuan ng iskrip at inilahad ang pagkakabuo ng metapora ng baboy-ramo sa Act 3. Itinampok niya ang alternatibong estetika ng oras sa iskrip, ng mga eksenang tila walang nangyayari. Ang espasyo ng Mindanao ay “disorienting” sapagkat may mga kuwentong nakabaon. “It demands patience”, sinabi ni Garcia. Pinagtibay ni Tolentino ang reyalidad ng mga antigong mansion sa mga rural na erya at ang “disjointedness” ng mga bagong henerasyon sa kanilang ancestral roots. Pinaalala niyang ang materyal na kondisyon ng pagsasaka ay kailangang maging integral sa pagkukuwento.

Nagpasalamat si Arnel Mardoquio at sinabing malaking hakbang ang palihan sa pagsasapelikula ng iskrip.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101