Day 3, Workshop Session 4: “Dugo sa Bagwis ng Anghel” ni Ronnel Talusan, Fellow sa Nobela

Fellow: Ronnel Talusan
Moderator: Will P. Ortiz

Binuksan ang ikatlong araw ng ika-64 UP National Writers’ Workshop sa pagtalakay ng nobela ni Ronnel Talusan na “Dugo sa Bagwis ng Anghel” sa pangunguna ni Dr. Will P. Ortiz. Ipinakilala ni Dr. Ortiz ang “dugo” bilang primaryang talinhaga ng nobela ni Talusan. Inilarawan niya ang kabalintunaan ng magkaalinsabay na obsesyon at takot sa dugo sa poetika ng awtor. Malalim na nakaugat ang naratibo sa bayan ng San Rafael, Bulacan, sa madugo at kolonyal nitong kasaysayan, at sa nagpapatuloy na karahasan sa kasalukuyan. Tinukoy niya bilang mahahalagang lunan ang simbahan, munisipyo, at Angat Dam. Malinaw ang impluwensiya ng mga manunulat tulad nina Rogelio Ordoñez, Efren Abueg, Edgardo N, Reyes, at Gelacio Guillermo kay Talusan. Ang pulso ng kaniyang pagkukuwento ay nasa  karaniwang tao at sa patuloy nilang “pagtahak sa madilim na landas ng panganib at ligalig”.

Pagkatapos, binaybay mismo ni Ronnel Talusan ang  kaniyang poetika na inilarawan niya bilang “kumikiwal na dugo”. May pambihirang hila ang salitang “dugo” sa manunulat dahil sa pisikalidad nito at sa ideolohiyang lumulukob dito. Inisa-isa niya ang mga manunulat na nakaimpluwensiya sa kaniya (na marami ay miyembro ng “Mga Agos sa Disyerto”) na kapwa gumamit din ng metapora ng dugo. Ikinuwento niya ang presensiya ng dugo sa iba’t ibang mahahalagang yugto ng kaniyang personal na buhay at kung papaano ito dumaloy sa praktika ng kaniyang pagkatha. Inihalintulad niya ang panitikan sa katawan kung saan dumadaloy rin ang dugo upang magpatuloy ang buhay. Pinalawig niya ang kasaysayan ng San Rafael na sityo ng pinakamadugong labanan ng mga Katipunero at kolonyalistang Español at sa tila “sumpa ng dugo” na nakamarka rito.

Sa diskusyon ng nobela, pinuri ni Arnel Mardoquio ang vertical at horizontal na karahasan ng akda gayundin ang makapangyarihang paggamit sa folkore, primarya sa imahen ng puno ng duhat. Pero pinuna naman ni Dr. Emmanuel Dumlao ang estilo ng reportage o pag-uulat ng mga detalye na pinipreno ang pag-usad ng kuwento. Sumang-ayon dito sa Josh Paradeza at iminungkahing mas maging organiko ang pagtatala ng mga detalye, halimbawa sa pagpapakilala ng mga kilusan sa loob ng kuwento. Hinanap naman ni Khristian Pimentel ang protagnonista ng nobela at pinansing maraming tauhan ang hindi binibigyan ng pangalan bagaman mahahalaga ang kanilang dayalogo. Diniinan ni Dr. Luna Sicat Cleto ang halaga ng polyvocality sa nobela. Binigay niyang halimbawa si Rizal na may tuon sa iba’t ibang tainga at boses sa kaniyang mga nobela at ang estilo ni Patricia Evangelista sa “Some People Need Killing”. Pinayuhan niya si Talusan na ang itala ay hindi ang tigas ng galaw ng tao kundi nag eksaktong sandali ng kanilang mga pagdurusa.

Hinggil sa epekto ng kaniyang mga impluwensiya, naging kritik ni Dr. Romulo Baquiran ang kabiguanni Talusan na tumakas sa sensibilidad ng mga manunulat na ito. “If you mimic their voice, it becomes yours but it is not new,” paaalala niya. Pinalawig ito ni Dr. Rolando Tolentino sa paglalarawan sa “Mga Agos sa Disyerto” bilang grupong nagsulong ng naturalismo na bumangga sa namamayagpag na romantasismo sa panahong iyon. Binalikan niya kung papaanong nagtatapos sa trahedya ang karamihan sa mga kuwento nila pati na rin ang masculinist na diskursong nananalaytay sa mga ito. Sinalungguhitan niya ang pangangailangang i-contemporize ang likha. Hinggil sa estruktura, pinuna rin ni Dr. Tolentino ang problema sa daloy ng nobela. Hindi niya ma-locate ang posisyon ng mga kabanata na ipinabasa ni Talusan.

Bagaman naka-set ang nobela sa kasalukuyang panahon, hindi ito maramdaman ni Dr. Eugene Evasco. “Para itong naisulat noong 1960s,” puna niya at hinamon si Talusan na ipakita ang teknolohiya at modernidad sa kaniyang pagsusulat. Sinangayunan it oni Dr. Ramon Guillermo at inilarawan bilang claustrophobic ang lunan ng San Rafael sa nobela. Tila walang presensiya ng networked na teknolohiya at social media kaya parang gumagalaw sila sa nakasaradong espasyo. Iminungkahi niyang pag-isipian ang conflict ng teknolohiya at eksena. Hindi nakita ni Jade Capiñanes ang yaman ng bayan ng San Rafael na nauna ring pinuna ni Dr. Tolentino nang sabihing hindi nagamit ang bukal ng imahinasyon ng isang small town. Kailangan umanong dagdagan ang dimensionality ng espasyo.

“The piece doesn’t trust its readers enough,” sabi naman ni Laurence Lanurias. Marami ang pag-uulit ng mga detalye at overextended ang eksposisyon ng prosa. Huling nagpayo si Dr. Jun Cruz Reyes: “ang [socially conscious na] kuwentista ay dapat hanapin ang problema ng kaniyang panahon”. Kailangan niya, halimbawa, na kumprontahin kung ano ang mga anyo ng kapitalismo at pyudalismo sa kasalukuyan.

Tinanggap ni Ronnel Talusan ang mga puna. Aniya, ibang mga kabanata sana ang kaniyang ipinabasa upang maipakilala ang protagonista. Pag-iispan at pagninilayan niya ang mga komento upang paunlarin ang nobela.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101