Day 5, Workshop Session 8: “Alas kwatro ng hapon, ‘pag ‘di na mainit” ni Alec Joshua Paradeza, Fellow sa Maikling Kuwento

Fellow: Alec Joshua Paradeza
Moderator: Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr.

Sa isang maikling kasaysayan ng science at speculative fiction sinimulan ni Dr. Vim Nadera ang ikawalong sesyon ng UP National Writers’ Workshop. Mula sa Liwayway magazine hanggang sa nobelang Doktor Kuba (1933) ni Dr. Fausto J. Galauran, mga komiks ni Mars Ravelo, at sa organisasyong KATHA noong dekada ’80, binaybay niya ang mga panandang-bato ng mga kathang imahinatibo. Sa continuum na ito nakapaloob ang susunod na manunulat sa palihan. Sa pagtatapos ng lektura, matanghal na pumasok sa workshop erya si Alec Joshua Paradeza, fellow sa maikling kuwento.

Sa presentasyong “Ang Hangganan sa Libaba,” inugat ni Paradeza ang kaniyang poetika sa Barangay Libabá, Zambales. Ang dalawang kuwento niyang nakasalang ay nagmumula sa pagkabalisa niya sa hinaharap. Tinatanya na lalamunin ng tubig-dagat ang kaniyang barangay pagdating ng taong 2070. “Isinulat ko ang mga kuwento para sa napipintong pagwawakas ng mundo,” paliwanag ni Paradeza. Inilarawan niya ang aproksimasyon sa kategorya ng kaniyang panulat bilang “Queer Speculative Fiction.” Queer ang katangian hindi lamang ng kaniyang identidad kundi maging ng pagbabasa at pag-iral niya sa mundo. Ang mga konsepto ng queer time at queer possibilities ang nagibigay-disensyo sa kaniyang proyekto. Sinuma niya ito sa analohiyang “kuwit kontra tuldok”. Hinggil sa espekulatibong aspekto ng likha, sumipi siya mula “Cruising Utopia” ni Jose Esteban Muñoz, “The future is queerness’ domain.”

Ang bansag ng “queerness” ay naging primaryang punto ng diskusyon. “How can the work be read as a queer when the spirit of queerness is anti-normativity?” tanong ni Dr. J. Neil Garcia. Ang isang queer na katha ay may tangkang i-queer din ang wika. Ngunit sa pananaw ni Dr. Garcia, hindi queer ang lengguwahe ni Paradeza at bagkus ay normatibo at tradisyunal. Napuna rin ang nakakubling queerness ng dalawang babaeng karakter: “Queerness cannot be implied.” Hinamon ang claim sa queer time dahil hindi naitampok ang problematisasyon ng temporalidad. Sa kabila nito, nagustuhan ni Dr. Garcia mga katha— nga lamang ay huwag na raw bansagang queer. Sumangayon dito si Dr. Rolando Tolentino. Hindi niya mailalarawan bilang queer o speculative ang gawa pero baka hindi naman daw importante ang kategorisasyon. “Huwag pangunahan,” payo niya, “…saka na ang labels.”

“Malalabirinto” ang deskripsiyon ni Prop. Cris Lanzaderas sa pagbabasa kay Paradeza. Aniya’y pinapapasok ka ng akda ngunit hindi basta pinalalabas. Ang wika ay inihambing niya sa panghilod, magaspang, makanto, at nag-iiwan ng hapdi. Inapirma ito ni Kara Medina na apat na beses na binasa ang katha na nagresulta naman sa “malaking pay-off”. Experiential ang prosa, sabi ni Rayji de Guia. May kumpiyansa umano ang pagsusulat na ipinararamdam sa mambabasa na siya’y ligtas sa kabila ng ligalig at ambiguwidad. May dulas at slipperiness ang prosa, papuri ni Krysta Frost. Nagbabala naman si Dr. Tolentino sa estilong stream-of-consciousness na maaaring makasagka sa usad ng naratibo.

Binuksan ni Dr. Ramon Guillermo ang diskusyon hinggil sa mga dinamiko at detalye ng rebolusyonaryong kilusan sa loob ng kuwento. Pinuna niya ang trope ng pag-uwi sa mga mahal sa buhay ng mga karakter na tinutugis (na kadalasa’y nauuwi sa kapahamakan). Dagdag ni Dr. Emman Dumlao at Arnel Mardoquio, maaaring hindi posible ang pagtatago ng relasyon (i.e. pagkakaroon ng dalawang asawa) sa dinamiko ng organisasyon na agarang napupuna ang ganitong mga sitwasyon. 

Sa pagtatapos ng sesyon, kinilala ni Pardeza ang mga puna hinggil sa pagbansag sa katha bilang queer. Ipinahayag niyang masaya siya sa oportunidad na mabasa at makita kung papaanong tumitindig nang mag-isa ang kaniyang teksto.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101