Day 5, Workshop Session 9: “Tiyak sa Maraming Pero” ni Khristian Ross Pimentel, Fellow sa Sanaysay

Fellow: Khristian Ross Pimentel
Moderators: Cris R. Lanzaderas, Vladimeir Gonzales

Sinimulan ang sesyon sa pagpapakilala ni Dr. Vladimeir Gonzales at Prop. Cris Lanzaderas kay Khristian “Koko” Pimentel bilang kapwa guro at manunulat. Para kay Prop. Lanzaderas, dalawang ideya ang naging angat sa sanaysay. Una, “walang OJT sa pagiging tatay”– pasilip sa daigdig ni Pimentel, mundo ng isang amang nagbabalanse ng kaniyang tungkulin sa loob at labas ng tahanan. Kinilala ni Prop. Lanzaderas ang sanaysay bilang manwal, bitbit ang posibilidad ng pagsasanay. Ikalawa, “ang pagsusulat ay paglikha ng iskrapbuk”, puno ng nostalgic na imahen pero literal na nahahawakan. Ito’y pagkolekta ng mga piraso ng sandali, halu-halo, at patong-patong, mga kuwento ng pagkatisod, pagkarapa, at pagbangon. Nabanggit ni Prop. Lanzaderas ang Erick Slumbook ni Fanny Garcia na sa palagay niya’y naaayon ang estruktura sa akda, parehong may layong mabasa ng iba at aspektong komunal.

Ipinakilala naman ni Pimentel ang mga agam-agam niya sa panulat. Binigyang-pansin ang kabadong tono ng sanaysay at ang pagkakaroon ng “impostor syndrome”. Ginagamit niya ang sanaysay upang “balikan ang mga kailangang balikan.” Ito’y praktika ng pagpreserba o pag-mummify ng mga alalala at pakiramdam. Ayon kay Pimentel, pagsusulat ang kaniyang naging kaligtasan sa bagahe ng nakaraan, sa kasalukuyang danas, at sa bukas na punong-puno ng pangamba. Inilahad niya ang intensiyon ng kaniyang akda: ang isiwalat ang paniniwalang hindi siya nag-iisa sa paghihirap bilang magulang ng anak na may disabilidad (Autism Spectrum Disorder). Nais niyang i-dispel ang diskriminasyon sa disabilidad na itinuturing niyang kawsa. “Kasama sa proseso ng pagsubok ang pagtaya at pagpusta,” pagtatapos niya.

Binuksan ni Rayji de Guia ang diskusyon sa pagpuna ng tendensiyang maging self-indulgent ng naratibo. Nahinuha niya ang pagiging parent-centric ng akda na nakatuon sa sakripisyo ng magulang. Bukod pa ito sa pagiging father-centric na nagmumula sa kakulangan ng pagbabahagi sa invisible labor ng mga babae tulad ng ina at mga guro ng anak. Nahiwatigan din niya ang problematikong pagtingin sa disabled na anak bilang pasanin. May false assumption sa mga batang subdued at controllable bilang normal. Lumilitaw rin sa akda na normative o neurotypical ang mga inaasahang mambabasa. Sa kabuan, hindi naramdaman ni de Guia ang solidarity ng sanaysay sa mga may disabilidad.

Tumugon si Dr. Jun Cruz Reyes sa puna ni de Guia at sinabing hindi pa siya dumadating sa punto ng paghahanap sa mga kakulangang inilatag ng fellow. Sa sandaling iyon ng kaniyang pagbabasa, mas tumimo ang persona ng “lalaking nagdadrama sa anak”, kaiba sa mas karaniwang dinamiko ng ina sa anak. “Natutunaw ako…gusto kong magpasalamat…marunong umiyak ang mga lalaki, marunong masaktan,” paliwanag niya. Sumangayon at nagbahagi ng personal na karanasan bilang mga ama sina Dr. Emmanuel Dumlao at Macoy Tang. 

Dahil ang akda ay isang advocacy piece, paliwanag ni Dr. Rolando Tolentino, kailangan na ito ay  “ahead of the game” pagdating sa tamang pagtingin at pagposisyon sa isyu ng disabilidad, pampublikong imprastruktura ng kalinga at suporta, at etikal na implikasyon ng medikalisasyon. Humingi rin siya ng polyvocality sa akda—“Kahit ikaw bilang tatay ang lead character, ipakita rin sana ang village na nag-aalaga sa bata.” Idiniin ni Dr. Tolentino ang halaga ng hindsight sa pag-narrativize ng personal na karanasan; sa halip na simpleng pagbuhos ng emosyon, dapat may kritikal na insight at pagwawasto. Sa pagtatapos ng sesyon, nagpasalamat si Pimentel sa empatiya ng mga mambabasa at sa kanilang mga payo. 

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101