SESSION 2: Dayuhan (kurtina, sa gate, aso, amah, pansit)
Fellow: Victoria Mae D. Cuevas (Fiction, Filipino)
Panelist: Rica Palis
Sa pagpapakilala kay Victoria Mae D. Cuevas (Vee), ang pinakabatang fellow ng ika-9 na Amelia Lapena Bonifacio Writers Workshop, binuksan ni Rica Palis ang ikalawang sesyon ng palihan. Binigyang pansin niya ang kapangahasan at paninindigan ng autofiction at dagling Dayuhan ni Vee, na unang isinulat noong siya ay Grade 8 pa lamang sa Philippine High School for the Arts. Binanggit ni Rica ang pagtawid ng akda sa maraming paksa katulad ng gender at ethnicity, na may espesyal na pagtutok sa familial at cultural dynamics ng Filipino-Chinese community sa Pilipinas. Ipinagpatuloy ni Vee ang introduksyon ng kanyang akda sa paglalahad na ipinosisyon niya ang sarili sa pagsulat nito bilang isang bystander sa kanyang Filipino-Chinese na pamilya, at tumayo siya bilang parehong pamilyar at ‘di-pamilyar (o taga-loob at taga-labas) na tagamasid nito.
Pinuri ng iba ang sensibilidad ng tila sadyang non-linearity ng mga dagli dahil ito ang lumilitaw na eksperimentasyon ng akda, ngunit naging agam-agam naman ito sa ilan na nagmungkahing lapatan ang akda ng malinaw na narrative arc. Naging matingkad ang mga pagninilay sa maingat na pagsusulat tungkol sa multi-hyphenated identities at patong-patong na kumpleksidad ng mga karakter (hal. Juana living in a Lannang family), ang hyperspecificity ng mga cultural markers, at ang pag-angkla sa family history at genealogy. Ipinaalala sa talakayan na ang identity politics sa panulat ay hindi lamang simpleng paggiit sa pagiging bahagi sa isang partikular na etnisidad; ito rin ay tungkol sa interseksyon ng kasarian (hal. masculinity at queerness), ng uri, at ng lokalisasyon o paglulugar ng akda sa personal at paloob ding mga suliranin.
Sa huli, nilagom ni Vee ang talakayan sa pagtugon sa mga naging mahahalagang katanungan, mga punto, at mga mungkahi sa lalong pagpapabuti ng akda, lalo sa paglalapat ng kontradiskyon, ugnayan, pagkilos, at pagbalikwas sa akda.