SESSION 9: Kontra-Koda: Mga Tula at Awit
Fellow: Lance Romulus S. Dayrit (Poetry, Filipino)
Moderator: Vladimeir Gonzales
Mga aral sa pagsasalin sa panahon ng ligalig ang naging bungad ni Dr. Vladimeir Gonzales sa ik-siyam na sesyon ng 9th Amelia Lapena Bonifacio Writers Workshop. Sa kaniyang lektyur na “Ang Pagsusulat Bilang Pagsasalin Bilang Pagbuo ng Daigdig”, ipinangatuwiran niyang likas sa pagsasalin ang pagiging pulitikal. Aniya, ang pagsasalin ay pagtatanghal ng kapangyarihan, labanan ng intensyon, at paglalarawan ng kalagayan ng mundong ginagalawan. Binaybay niya ang mga problemang kinakaharap ng praktika tulad ng katapatan, pagiging “pangalawa” sa orihinal, at ang ‘di maiiwasang pagbubura mula sa orihinal. Bago ipakilala ang tekstong “Kontra-Koda: Mga Tula at Awit”, isang koleksyon ng mga tulang eksperimental ni Lance Romulus Dayrit, ipinaalala ni Dr. Gonzales na ang pagsasalin ay taal na praktika sa panahon ng pulitikal na kaguluhan, at dapat magsalin para ibalik sa kamalayan ang lahat ng winala ng digmaan.
Sinuhayan ni Lance ang mga nabanggit ni Dr. Gonzales sa pagtatapat ng mga naging agam-agam bilang tagasalin. Natuklasan niya sa pagsasalin ang posibilidad ng talastasan sa pagitan ng magkakaibang etnisidad, wika, at kultura at maging ng pag-uusap sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan. Dahil dito, pinili niyang isalin ang mga tulang Palestino patungong Filipino. Hinayag niya rin ang konteksto at intensyon ng kaniyang koleksyong eksperimental bilang pagtugon sa panahon ng krisis.
Pinuri ang mapaglarong page-eksperimento ni Lance, partikulat ang pag-angkop ng popular na awiting KPOP upang maging kritisismo sa rehimeng Duterte. Ngunit napuna sa talakayan ang tila hindi aksesibleng wika sa ilang mga akda at tinilos ang bisa nito para abutin ang hinahangad na mga mambabasa. Iminungkahi rin ng lupon na hindi ikulong ni Lance ang mga akda sa panahon ni Duterte, at kausapin din ang iba pang henerasyon ng mga Pilipino. Tinalakay rin ang usapin sa bisa at panganib ng paggamit ng computer language sa panitikan. Pinayuhan siyang pasimplehin pa ang mga panuto sa isang mala-cypher na tula sa koleksyon. Sa huli, hinamon si Lance na ilagay ng sariling boses at pagmumuni sa kaiuyang panulat, lalo na ang kaniyang paghiraya at pagsapantaha sa politika at pakikibaka.
Sa pagtatapos, inamin ni Lance na ang koleksyon ay hindi niya tinuturing na koleksyon, at sa halip ay mga lupon mga akdang tumugon sa mga tawag ng espesipikong panahon. Masigla niyang winakasan ang sesyon sa pagsabing masaya siya sa lahat ng pagbasa at sisikapin lagumin ang mga ito tungo sa kaniyang mga rebisyon.