SESSION 12: Burador ng sinumpaang salaysay ng pag-uurong ng demanda
Fellow: Adelle Liezl Chua (Fiction, Filipino)
Panelist: Rolando B. Tolentino
Ang huling sesyon ng 9th ALBWW ay sinimulan sa pagpapakilala sa poetika ni Adelle Chua. Marami at iba-iba ang kaniyang naging mga trabaho; mula sa NGOs, private companies, at hanggang sa government work. Sinubukan niya ring mag-law school at naging secretary sa isang law firm kung saan nagsulat siya ng mga psychiatric report. Naapektuhan siya ng mga pangyayari noon sa paligid, lalo na ng PDAF scandal. Aniya, ang mga karanasang iyon ang naging balon niya sa pagsulat ng kaniyang kathang “Burador ng sinumpaang salaysay ng pag-uurong ng demanda”. Binasa ito ni Rolando Tolentino bilang higit sa simpleng pagmamasid dahil ang manunulat mismo ang dumanas nito. Nagtapos ang pagpapakilala sa isang lektyur tungkol sa Buhay ng Manunulat na Aktibista. Para kay Tolentiono, ang katawan ng isang aktibista ay hulmahan ng mga kawsang lagpas sa katawang iyon. Dagadag niya, ang manunulat ay isang pulitikal na katawang lumilikha ng masaklaw na kritika at pumapanig sa mga interes na labas sa sarili. Ipinaalala niyang mahirap ang maging aktibista at manunulat kung kaya kailangan maghanap ng mga makakasama at bigyang puwang ang kolektibong kalinga.
Umani ng papuri ang akda ni Adelle sa porma, nilalaman, at matibay na paggamit ng wika. Sa talakayan, naging epektibo raw ang mga napiling punto de bista, paglalarawan ng mga karakter, at paglalaro sa teksto, lalo na ang paggamit ng endnotes, strikeouts, at pag-appropriate sa mga ligal na dokumento kagaya ng affidavit. Naging mahalagang punto rin ang masinsin at malay na pagpapangalan at pagpapaunlad sa mga karakter ng kuwento. Nakita rin ng lupon na naging mabisa ang akda sa pagpapahayag ng kamalayan ng mga kababaihang kaharap ng salimuot ng mga ligal na proseso, tulad ng pagrereport sa pang-aabuso. Nagmungkahi ng ilang punto ang lupon sa pagpapaigi ng akda kagaya ng paglalaro pa sa konsepto ng burador, ng mga ligal na dokumento, at pagpapatampok ng pulitikal na atmospera ng panahon. Iminungkahi rin kay Adelle na dagdagan pa ang mga kuwento hanggang maging ganap itong koleksyon. Ipinaabot din ang posibilidad ng pagtawid nito sa ibang genre kagaya ng dula at CNF.
Malaki ang pasasalamat ni Adelle sa mga pagbasang natanggap ng kanuyang akda. Nilinaw niya ang ilang punto tungkol sa punto de bista ng mga karakter at ilang plot points sa kuwento.