Review: Miranda & Yolanda

Sa patuloy na paghahanap natin ng pagkakilanlan sa kung ano ba ang Teatrong Pilipino, may mga angkop na tugon at halimbawang patungo sa direksyon ng mga dula ni Floy Quintos. Buhay na buhay ang kaniyang diwa at sining, gayon din ang mga istoryang kahit noon pa naisulat ay umaalingawngaw pa rin sa mga katotohanan ng kasalukuyan. Ipinapalabas ngayon ng Encore Theater ang Twin-bill production na “Miranda & Yolanda,” tampok ang mga dulang Evening at the Opera at Ang Kalungkutan ng mga Reyna.

Ace of Spades: Art as a Weapon

Napakalapit ng dula. Habang pinapanood ang dalawang piyesa, sa bawat tawa ay may pag-aaalala at pag-alala.

Malinaw ang pagsalamin sa mga dusa ng bayan at kasaysayan ng Pilipinas sa dalawang dula. Ginamit ang pagkahumaling sa sining bilang pansariling panakip-butas na lumilikha sa kanilang mga maskara bilang indibidwal. Kinakalikot nito ang kanilang katauhan at katayuan hanggang sa ito’y magdugo. Sa paghahangad ng laki at lawak, ang sining ay nagiging instrumento sa pagpapatuloy ng mga kalunos-lunos na katayuan at hubog ng  lipunan. Isang makulay ngunit napakapanganib na trahekomedya upang makamit at mapanatili ang kapangyarihan.

Nakatutuwang isipin dahil ang babalang ito ay nagmula sa Teatro—na s’yang makapangyarihang uri ng sining na nagtatala, nag-oorganisa, may hinahangad, at nanghihimok sa kanilang mga manonood na hanapin ang ganitong tumbasan. Bilang parte nitong kolektibong danas, itinatanong sa atin kung paano natin mababago ang naratibo ng reyalidad upang hindi maging burot ng tingkad at kinang.

Hindi ka naman tinatakot ng dula, tinutulungan ka lang makita ang mga nagpaparamdam na multong umaaligid hanggang ngayon.

 

“Somewhere, Over The Rainbow” Judy Garland Version

Nagtagumpay ang dula na mang-akit basahin ang mismong teksto o iskrip. Lubos ang paghanga kung gaano kalinis ang naratibo; ang pagkakatulay nito. Ang wikang ginamit na walang kinikilalang klasismo dahil kahit nasa wikang ingles ay hindi mahirap intindihin. Sa mga diyalogong napakadulas pakinggan kahit ang porma nito, kung paano binubuo ang salita, ay hindi karaniwan; napakanatural bigkasin ng mga nagsipagganap. Nilaro ang emosyon ng dula at ang paglalapat ng mga hakbang tungo sa tunggalian at kung paano ito magtatapos, sa tulong ng mga elemento ng dula sumasalo at lalong nagpapatibay sa mga salitang nagsimula sa papel.

Pagdating sa tauhan, napakasarap nilang panoorin at pakinggan dahil napakalawak ng kanilang dimensyon. Tao sila, hindi karakter. Tao.

Higit sa lahat, kung paano nilalapat ang paksa sa lahat ng elemento ng nasa dula, hindi pilit, napakadalisay o genuine. Gusto mong umulit panoorin at basahin ang dula.

May paghihiling na sana lumawak pa ang kanilang maabot na manonood. Ito ang dulang dapat hindi nila palagpasin at ipalagpas.

 

Ang House of Cards

Hindi magiging posible ang bisa at ganda ng produksyong ito kung hindi maganda ang pagtayo at pagbabalanse ng mga kasama nila sa kanilang produksyon, Ang Encore Theater sa pangunguna Stella Cañete Mendoza (Producer and Encore Theater CEO). Ang artistikong pangkat ay binubuo nina Dexter M. Santos (Director), Mikko Angeles (Assistant Director),  Mitoy Sta. Ana (Production Designer), John Batalla (Lights Designer), Arvy Dimaculangan (Sound Designer), Krina Cayabyab (Music Arranger), Steven Tansiongco (Graphics Designer), Meliton Roxas, Jr. (Technical Director), at Marvin Olaes  at Davidson Oliveros (Dramaturgs). Ang buong listahan ng production and artistic staff ay makikita sa https://www.facebook.com/EncoreTheaterMNLPH.

Nagpapasalamat naman ang Likhaan: UP Institute of Creative Writing sa Encore Theater, sa pamamagitan ng production managers na sina Ronah Adiel de la Peña at Alexis Bartolome para sa paanyayang mapanood ang preview ng palabas.

 


Kung kayo ay may palabas o produksyong nais ma-cover o maitampok ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, magpadala lamang ng email sa hrsallador@up.edu.ph at icw.upd@up.edu.ph.

 

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101