Review: Saglit Lang

Sa patuloy na pamamayagpag ng Teatrong Pilipino at pagbubukas ng mga bagong kompaniya at grupo, muli’t muling nagkakaroon ng pagtatanong at pagmununi sa tanong na ”ano ba ang teatro?” Iyan din ang isa sa sinubukang tugunan ng metakomentaryong dula ng Infinite Cantina, ang “Saglit lang,” sa panulat ni BJ Crisostomo at sa direksyon ni Dr. Anton Juan.

 

Ang Teatro ay Katotohanan.

Sa usapan at paglaganap ng usapin tungkol sa dula umuugnay din sa komersiyalismo, may pagpapabalik at paglalapat kung bakit tayo dumudula at bakit may dula. Ang sagot sa kung ano ang teatro’y tila paparoon sa direksyon ng teatro bilang pagtatanghal ng “totoo.” Ang teatro ay hindi lang espasyong pisikal, pinakita ito ng produksyon sa pagbabago ng wangis o anyo ng Mirror Studio, patungo sa espasyong naglilinang sa lungkot, dusa, saya. Hindi iisang o dalawang dimensyon ng emosyon ang taglay ng teatro; kumpol-kumpol ito na danas na siyang naghihintay maikuwento at maitanghal nang may puso, at hindi lang tumatakbo sa salapi at palakpak. May paghiling din ang dula na sana’y dumating ang panahong hindi ididikta ng pinansiya ang panonood at paglikha ng teatro. May dalangin ang dulang maging mas malawak pa ang manonood at dapat manood.

 

Pagbabalik at Paglalapit Kasama ang Klasiko

Isa sa natatanging katangian ng dulang ito ay kung paano nito inilapit, sa madulas na paraan, ang mga klasikong dula sa danas ng daigdig at bansa—mga klasikong nagmula kina Shakespeare, Sophocles, Beckett, at iba pa. Umugnay ito sa istorya ng bata at ng maestro, patungo sa pagtutumbok ng mga kumplikasyon ng mundo. Higit pa roon, nakatulong din ang dula upang maging lagusan sa mga manonood upang mahumaling at mawala ang kuro-kuro na ang mga klasiko ay “mataas” o “akademiko” lamang. May pagtatanggal ng takot at pangangamba na malula sa impresyon ng klasiko. Isang pambabasag ito sa nosyong ang mga ganitong dula ay para lang sa mataas na uri; ibinalik ang ideya ng teatro bilang pagpupulso rin sa tao. 

 

 

 

Papunta ka pa lang, Pabalik na Ako

Isa sa mga magandang katangian ng dula, bukod sa pagbibigay-pugay sa mga klasikong dula, ay ang pag-udyok sa mga manonood na matuto tayo sa ating kasaysayan. Ang danas natin ng digmaan, pang-aapi, sakit at kamatayan, ito rin naman din ang naghuhubog sa atin bilang manonood, mandudula, aktor, maestro at iba pa. May pagpupugay sa mga gumagabay o humahalili, ang binabansagang mentor. May paghiling din ang dula na sana ang pag-aalala ay hindi dapat ginagawa kapag ito’y namayapa, bagkus ay nag-uumpisa ito habang ang pisikal na eksistensiya ay nadarama pa natin. Sa kabilang banda, ang bawat pamana ng ating mga maestro’y nanatiling buhay habang patuloy nating ibinabahagi ang naipamana nilang karunungan at pagmamahal.

 

 

Ang dulang “Saglit Lang” ay may natitira pang palabas sa ika-24, 25, at 26 ng /Abril, 2026. Mangyaring bisitahin ang Infinite Cantina social media account para sa updates ng kanilang palabas at sa mga susunod na pagtatanghal.


Kung kayo ay may palabas o produksyong nais ma-cover o maitampok ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, magpadala lamang ng email sa hrsallador@up.edu.ph at icw.upd@up.edu.ph.

Mga ibang litrato ay nagmula kay Irvin Arénas

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101