Review: Revised Ctrl + Shift

Paano ba natin ginagamit ang dula sa paglalapit sa masa? Paano iniimbitahan ng teatrong pumasok tayo sa mga mundo pamilyar o may kawangis, habang nagtatanim ng mga pagmumuni sa ugnayan ng mga nabubuong kuwento sa ating sarili, sa ibang kasama sa komunidad, sa bayan? 

Iyan ang taunang hamon ng PETA’s Control+Shift: Changing Narratives, sa kanilang mga manonood. Sa panahon ng pandaigdigang krisis, malaki ang ambag ng Philippine Educational Theater Association (PETA) sa paggamit ng plataporma ng teatro upang maglimi sa mga isyu ng dahas at danas ng tao at ng ating mundo.

Ngayon taon, nahahati ang pistang ito ngayong taon sa dalawang set: ang Set A – When Power Falls into Our Hands; at Set B: When Care Becomes Survival.

Ang mga dula sa Set A – When Power Falls into Our Hands ay tumatalakay sa pagtuligsa ng tama at mali. Inuusisa kung paano at hanggang kailan nagiging mali ang tama, at paano’t hanggang kailan nagiging tama ang mali. Ipinapagpapatuloy ang pagtatanong sa: dalawang kategorya/kasagutan lang ba talaga ang mapagpipilian? 

Magkaiba ang pagbuo ng naratibo sa dalawang dula. Ginamit din ang komedya o pagpapatawa bilang pagpapagaan ng kabigatan ng paksa, isang paghahanda sa unti-unti pagproseso ng mga manonood sa magsasanga-sangang mga kumplikasyon. Sa pagsasaalang-alang sa kahandaa ng mga makikinig at sisipat sa mga dula, naitanghal din para sa mga manonood ang malasakit at pag-aalaga.

 

Cleaners ni Jhudiel Clare Sosa 

Ang kalinisan ba ay tama, at ang kalat ba ay mali? Ang kalakasan ng dulang ito ay ang pagtatanong kung tama bang iligpit nila ang kalat dahil hindi ito angkop sa yumi at pagkadalisay ng espasyo. Pinausisa ang kahulugan at persepsyon kaugnay sa pagiging wasto: ang “tama” ba ay nababago base sa kilos o sa sitwasyon ng taong kanyang kinakaharap? Sa agarang aksyon at pagpaparusa, paano malalabanan ang bahong hindi makapaghandog na matagalang solusyon, lalo’y may pag-alingasaw o pagbulom sa ideya ng budhi at moral? Gaano ba kalinis ang paggawa ng tama?

Monit-Oh Monit-Ah ni Herlyn Alegre
Forum Theater ang ginamit na paraan kung paano ito isinadula. Sa ganitong hulma, may malaking tagumpay ang proyekto at ang mismong programa ng Ctrl + Shift, dahil lantad at malinaw ang paglahok sa mga manonood bilang tagapili sa mga desisyong tatahakin ng mga tauhang nasa entablado. Itong sanga-sangang posibilidad ay mga direksyong tumatahak sa mga bersyon ng tama o mali. Habang tumatagal, palalim nang palalim ang mga panibagong suliranin. Paunti-unting nabubulatlat ang anatomiya ng korapsiyon. Napapatanong din ang mga manonood kung may bisa ba talaga ang kanilang kakayahang pumili at magmungkahi. 

Ang maganda sa dula, may pag-unawa at pagsisiyasat sa bakit may gumagawa ng mali. May pagkakataon na nakikita natin na may dahilan kung bakit napunta sila sa isang desisyon na taliwas sa ating moralidad. Naging matagumpay ang dula sa pagpapatingkad ng mga “gray area” sa etika. Napakalapit sa tunay na buhay. Nakapanlulumo. 

Sa dulo, itinutuloy ang pagdanas ng tula sa pamamagitan ng bahaginan mula sa mga manonood. Ang katanungan o tunggalian ng mga karakter ay nagiging tunggalian ng mga manonood.

Baka ang problema ay hindi lang ang taong nasa taas, o ang paisa-isang mga indibidwal na gumagawa ng iba’t ibang antas ng “mali.” Baka ang problema ay nasa sistema—ang sistema na hindi tumutugon sa pagsosolusyon sa mga ugat ng ganitong problema, kaya nauuwi sa pagiging liberal o pagiging indibidwalistiko.

 

At Nagkatawang Tao ang Verbo ni Mikaela Regis

Kasama sa Set B – When Care becomes Survival itong kolaborasyon ni Mikaela Regis at ng Tanghalong Bagong Sibol, isang grupong panteatrong nakabase sa Malabon. Gamit ang naratibo ng Pasyon, sayaw at paggalaw, gayon din ang projection ng mga salitang pinaglilingkis ang salaysay ni Kristo at danas ng mga mamamayang biktima ng reclamation at development aggression, itinatanghal ng “At Nagkatawang Tao ang Verbo” ang sigalot at aspirasyon sa paglikha ng sining: na ito’y kumokopya sa danas ng tunay na buhay, habang laging nakikipagtunggali sa kakapusan ng sining/ ng galaw/ ng dula/ ng mga salita; sa kabilang banda, gaya ng winika sa buhay at kamatayan ng Kristo, posibleng bumuo ng mga bago at mas mabuting mundo sa pamamagitan lamang ng pagtatangkang magsawika. Ang liwanag na hinahanap ay maaaring magsimula sa pagmutawing sa ating mundo, may umiiral na mga mali. Sa pagsasawika, nagkakaroon ng katawan ang pag-asa at ang mga mas makataong daigdig at bagong simula.

Ang Baga ng Gumuguhong Langit ni Anj Heruela

Pagtatanghal at pagtitimbang sa tanaw ng dula bilang laro-kuwento-buhay itong eksplorasyong nilikha ni Anj Heruela kasama ng direktor na si Ian Segarra. Mula sa mga tunog at muwestra ng iba’t ibang libangang bahagi ng buhay-bata, mangingibabaw ang dagundong, dumi, at dilim ng digmaan. Inaagaw ng gera ang lahat ng bakas ng pagkabata, gaya ng kinukuha nito ang mga batayang pangangailangan ng tao. Alingawngaw ang mga eksena sa malayo-pero-malapit na danas ng mga bata sa Gaza, at baryasyon din ng ilang mga proyektong panteatrong nagtatanghal sa bata, laro, at digmaan, o bata at laro bilang simbolo ng pinapatay na pag-asa (gaya ng “Pilipinas Geym Ka Na Ba ng Umalohokan Inc., at ang “Pagdatal” at “Mga Mumunting Liwanag ng mga Alitaptap tungong Alitapwa” ng Sining Sakbibi Ensemble). Gaya nitong nakatampok na piyesa, umuusbong at namumukadkad ang mga bagong dulang itinatanghal ang pagbura ng pagkabata dahil sa digmaang nakaugat sa pang-aagaw ng lupa, yaman, at karapatan.

Sa dulo, lalo’t kung itatambal sa tatlo pang dula sa Ctrl + Shift, ang hahanap-hanapin at sisikaping lilikhain sa mga susunod pang pagtatanghal at bahaginan ay ang mundong naroon ang bata para maglaro at mabuhay nang panatag at malaya.

 


Kung kayo ay may palabas o produksyong nais ma-cover o maitampok ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, magpadala lamang ng email sa hrsallador@up.edu.ph at icw.upd@up.edu.ph.

 

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101