Mga Dapat Abangan sa Likhaan: UP Institute of Creative Writing Ngayong Nobyembre!

Masisindak at mangingilabot kayo sa pagdagsa ng mga proyekto at programa ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing ngayong Nobyembre!

Sa unang linggo, sasalubungin natin ang isang episode ng PAN na pinamagatang “Fiestas y Muerto: Pagbasa at Pagtanghal kay Rizal sa Kasalukuyan”. Katuwang sa episode na ito ang Dulaang Unibersidad ng Pilipinas bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-50 anibersaryo.

Paano nga ba mailalapat sa kasalukuyan ang Noli Me Tangere? May distansiya ba ang akda sa ating kasalukuyang panahon? Ano ang dapat ipagdiwang sa kabila ng mga suliraning paulit-ulit na lumilitaw, lalo na sa proseso ng pagsasalin at pag-aangkop?

Tampok sa talakayan sina National Artist for Literature Virgilio S. Almario at Andrew A. Estacio. Pangangasiwaan ito ni Jem R. Javier bilang tagapamagitan.

Gaganapin ang talakayan sa Nobyembre 5, 2026, mula 4:30 hanggang 6:00 PM, sa Ignacio B. Gimenez–Kolehiyo ng Arte at Literatura (IBG-KAL) Theater, UP Diliman. Libre ito at bukas para sa lahat!

Kinabukasan, Nobyembre 6, 2026, isang episode ng Ganap ang handog sa inyo. Nagmula ito sa ika-65 UP National Writers’ Workshop at pinamagatang “Call Me Mother: Pagbasa sa mga Dula ni Andrew Bonifacio Clete.”

Mapapanood ito nang live sa Facebook page ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing. Tampok sa episode ang mga dulang Labada, Pangarap Kong Maging Manananggal, May Ginto?!, at Punks Not Dead.

Ang mga tagabasa ng mga naturang dula ay sina Ina Azarcon-Bolivar, Io Balanon, Imuthis, at Jasper Villasis. Magiging tagapagpadaloy naman ng programa si Dr. Luna Sicat Cleto.

Abangan ang live episode dito: https://www.facebook.com/share/1FQ5gskYnR/?mibextid=wwXIfr

Isang PANakot na episode naman ang handog sa inyo ng Gonzalo Gonzales Reading Room Podcast! Hindi kaluskos, huni, o alulong ang maririnig ninyo, kundi ang mga tinig ng mga manunulat na magpapakilabot sa inyo sa pamamagitan ng kanilang mga kuwentong isinulat.

Kakabakaba ka ba? Abangan sa aming Facebook page ang petsa ng pagpapalabas ng episode na ito!

Para naman sa 26th Madrigal Gonzalez Best First Book Award, isang serye ng mga pagbabasa mula sa mga akda ng mga napiling finalist ang handog natin bilang bahagi ng paghahanda para sa pagpili ng tatanggap ng gantimpala.

Abangan sa aming Facebook page ang mga susunod na anunsyo at ang pagkakakilanlan ng mga finalist!

Buhay na buhay rin ngayong buwan ang ikalawang iterasyon ng Philippine Creative Writing Forum, na naglalayong tipunin ang iba’t ibang komunidad pampanitikan.

Tampok dito ang mga talakayan at pagbabahaginan ng karanasan tungkol sa kung paano higit pang mapauunlad ang kani-kaniyang komunidad sa pamamagitan ng sama-samang pagtataguyod ng panitikang Pilipino.

Tunghayan ang mga susunod na anunsyo upang malaman kung sinu-sinong grupong pampanitikan, pangkat, at tagapagsalita ang makikibahagi sa programang ito!

Another and Another and Another! Isang panibagong episode ng Ganap ang magpapakitang-gilas sa kanilang mga naratibo. Sure na sure kang mashoshokot sa gay na itez sa hardship niya sa kaniyang buhayheyhey. Trulalu, talaga!

Abangan ang bonggang episode na ito, mga mhie, sa aming Facebook page, ah!

Abangan din ngayong buwan ang Call for Submissions para sa isa sa mga prominenteng palihan ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing. Mangyaring subaybayan ang aming Facebook page para sa karagdagang anunsyo tungkol dito.

Gugulatin ka din ngayong buwan ang Gonzalo Gonzalez Reading Room na mga book recommendation upang basahin sa aming library na matatagpuan sa New Cal Building, Ground Floor. Abangan ang book recommendation sa pahinang ito:https://www.facebook.com/share/1CSojan75C/?mibextid=wwXIfr

Hindi ka ba nakapunta sa book launch ni Dr. Eugene Evasco? Huwag mangamba dahil mapapanood pa rin ang “Ang Mahiwagang Silid ni Lola” Book Launch sa aming Facebook page hanggang Nobyembre 22!

Mapapanood ito sa link na ito: https://www.facebook.com/share/v/19yJRoGVwW/?mibextid=wwXIfr

Panghuli, mapapanood pa hanggang Nobyembre 7 ang 20th Interdisciplinary Book Forum: Discourse on Imperialism ni Neferti X.M. Tadiar.

Kung nais pa ninyo itong mapanood, bisitahin ang link na ito: https://www.facebook.com/share/v/1fcZ7AZzjH/?mibextid=wwXIfr

Abangan din ang episode na ito sa aming YouTube channel!

Inaanyayahan ang lahat na makiisa at makibahagi sa mga inihandang gawain ngayong Nobyembre. Patuloy na subaybayan ang opisyal na social media pages ng Likhaan para sa mga susunod na anunsyo at karagdagang impormasyon.

Sama-sama nating itaguyod, pagyamanin, at buhayin ang panitikang Pilipino!

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101