Ang Hangganan ng Libaba
Lulubog ang Libaba at lalamunin ng dagat. Tinanong ako ng isang kaibigan, para sa isang proyekto, kung ano ang tingin kong bukas na hinaharap ng bayan ko at ‘yan ang unang bagay na isasagot. Ilang taon na ang nakalipas, nahanap ko ang isang mapa online na pwedeng mag-project ng kahahantungan ng iba’t-ibang bayan sa buong mundo sa likod ng unti-unting pagtaas ng sea level. Kalong ng dagat ang barangay. Mula bahay ay tatlong minuto lang ang kailangang lakarin bago makarating sa pampang. Tuwing summer ay nalalasahan namin sa tubig ng poso ang alat. Sabi sa mapa, 2070 raw ay tuluyan nang lulubog ang maliit na barangay sa bayan ng Palauig, Zambales, kabilang ang bahay namin, ang bahay ng mga kamag-anak ko, ang lupang mamanahin sana’t pagtatayuan ng bahay balang-araw.
Parang tinakdaan ng mapang iyon ang bukas. Suportado naman kasi ng maraming pag-aaral, at umaayon sa realidad na kinakaharap natin ngayon. Madalas na ang matinding pagbaha, kahit pa katiting ang ulan, kahit ga-ihi ang ibinuhos ng langit. Natutunaw na ang polar ice caps sa ibang dako ng mundo, at padalas nang padalas ang pagdating ng mga bagyo. Sa kabilang barangay nga, sa Garetta, pinagsasabihan na ng LGU ang mga nakatira sa mismong baybay dahil patuloy na sumusulong ang tubig, papasok nang papasok sa mga bahay nila. Wala naman nang magawa dahil saan nga ba lilipat ang mga tao, kung titulado na lahat ng lupa, kung natakdaan na ang lahat ng mga tirahan?
Consuelo de bobo nga, minsan, ang posibilidad na iyon, ang paglamon ng dagat sa amin, lalo na kung itatambal sa agresyon ng China at pamamaypay ng US dito. Isang posibilidad na naging sobrang linaw, lalo na noong unang putok ng tensyon sa West Philippine Sea. Dahil napakalapit ng Libaba sa Scarborough, di malayong daungan kami ng mga naggigiriang mananakop. May malalim mang kaalaman sa kasaysayan ng redibisyon ng mga bansa, tanaw na namin na pwedeng ang bayang ito ang maging teatro ng digma. Ilang buwan din iyon na parang napakababa ng lipad ng mga fighter jets, parang pinupunit ang langit. Lahat kami sa Libaba, inaabangan ang pagbagsak ng mga bomba, kailan kaya, wag naman sana. Kung darating ang bukas na iyon, baka mabuti ngang lamunin kami ng dagat.
Mababanggit ko ito isang gabi, kay Mama. Sayang, kako, lungkot na lungkot dahil pinapalagay ko nang lubog na ako sa tubig at lumalangoy na lang sa alaala. Agad siyang sasagot ng hindi, hindi pwede. Maaalala kong isa nga pala siya sa mga unang taong naglaban ng Scarborough. Proud na proud siyang nagsabi sa akin, noong bata pa ako, tignan mo si Mama, na-interview sa ABS-CBN. Kung tatanungin ko ang mga kamag-anak sa kabilang compound, iyon din marahil ang sasabihin nila. Hindi naman siguro, wag sana. Kahit ang mga pumanaw na, malamang, tatanggi. Lalo na si Pelagia, ang lola ko sa tuhod, ang mga anak niyang nabuhay at namatay sa Libaba, ang mga apo niyang bumuo ng kanilang pamilya rito, ang mga sumunod pa. Imbes malungkot ay tuloy silang magtatrabaho at magbabanat ng buto, araw-araw, para may makain, para may maipakain sa pamilya. Imbes magmukmok ay patuloy silang gagalaw, manganumang dumating ang anumang mananakop. Bukas ay narito pa rin tayo, naroon pa rin sila.
Hindi utang na loob para tambisan, salubungin, o tapatan ang pagpipilit ng ninanais nilang bukas. Inggit. Nainggit ako sa paggigiit na ito. Paano nila natatanaw ang Libaba sa dulo ng dagat gayong buong buhay nila ay lumulusong sa tubig ang araw?
Hindi aksidenteng sa queer speculative fiction ko makikita ang sagot, na siyang sinusulat ko na noon pa. Speculative fiction, dahil ganito na kalikot ang utak ko simula bata, laging paano kung ganito, paano kung ganyan. Kontrolado ko ang hangin sa Pureza, ako ay may alagang dragon sa Daya, nakikipag-usap ako sa mga sirena sa San Juan. Queer, ‘di lang sa identidad, pero maging sa pagbabasa at pag-iral ko sa mundo. Halimbawa, ang konsepto ng queer time, na hindi magical pero totoong pagtuligsa sa heteronormative na dikta ng kapitalistang lipunan, ay naisabuhay na, naisapraktika na. Hindi ako natapos magkolehiyo pero nakapagsulat ng maraming tesis at disertasyon bilang raket noong walang mahanap na trabaho. Bumuo ng pamilya bago ikasal. Sumahod kahit walang trabaho. Namatay nang namatay, nabuhay nang nabuhay. Aminadong sa bandang iyan ay parteng queer time, parteng delusions of grandeur na dala ng kombinasyon ng schizoaffective disorder, ng general anxiety disorder, at iba pang hindi pa nada-diagnose sa akin.
Bagaman hindi kayang sakupin ng queer speculative fiction ang nais kong isulat ay ito na marahil ang may pinakamalapit na approximation sa hitsura ng unang koleksyon ng mga maiikling kwento. Speculative, dahil tumatanaw palagi ng bago labas ng madalas na nararanasan sa probinsya at sa iba pang pinaglagian; queer dahil malay sa galaw at ‘di-matukoy na hitsura ng gender. Parehong nakikipaglambingan sa uri, sa bayan, soberanya, kasaysayan, oras. Fiction, dahil ito ang pinaka-natural. Dahil ito ang alam ko. Sabi ko sa isang inuman, kung kaya kong isayaw ang pangarap/takot/nais para sa sarili at sa bayan, aba, kanina pa ako gumigiling.
Ilang beses ko nang inulit ang pelikulang “Arrival” pero naiiyak pa rin ako, lalo na sa mga montage ni Amy Adams bilang Louise Banks kasama ng kanyang anak. Naglalaro sila, nag-aaway, nagpapabalik-balik sa ospital para mapahaba pa ang natakdaan nang buhay ng bata. Magsisimula sa montage na ito ang pelikula, bago gumising si Louise sa balitang dumating na ang mga alien sa mundo. Parang panaginip, parang alaala.
Sa dulo, sa bungad ng pandaigdigang digmaan, makukuha ni Louise ang regalo ng mga alien—ang buong pangungusap, ang complete thought. Ang visualization sa pelikula sa wika ng mga heptapod—ang mga alien na may pitong galamay—ay ink na kumokorteng bilog, palaging bilog, kahit paiba-iba ng kumpas at bigat at kapal, saradong bilog. Kaya naman pala ang simula ng pelikula ay parang tapos na, dahil sa malayong bukas pa pala magkakaanak si Louise, hindi pa ngayon. Sa pamamagitan ng regalo, parang alaala na lang ang lahat—nasaksihan na niyang lahat at paulit-ulit na lang niyang dinaranas, kung gugustuhin. Sabi ng mga heptapod, regalo nila itong tipo ng pag-iisip na ito kay Louise para mailigtas ang mundo, at mailigtas ni Louise ang mga heptapod sa hinaharap.
Wala akong balak na iligtas ang mundo. Bagaman nabanggit ko na sa umpisa na meron akong delusions, ay nananatili pa rin ang kalakhan ng araw ko na lapat sa lupa. Hindi ko mapipigilan ang pagdating ng mga mananakop, dahil nandyan na sila’t nagbabadya. Hindi ko mapipigilan ang pag-usad ng tubig mula sa baybay, dahil heto na sila sa silong ng mga papag. Pero kaya ko sigurong mag-isip ng ibang bukas, labas dito. Baka lumulutang na ang papag. Baka lumulutang na ang mismong bayan at naglayag papalayo. Kaya ko sigurong maggiit ng maraming-maraming bukas, kuwit kontra sa tuldok ng mapa sa pangungusap ng aming bayan. Baka hindi lang isang bilog ang mga pangungusap kundi libo-libo. Baka hindi lang akin kundi ng marami pang iba, dahil doon nanahan ang bukas, hindi ba? Sa pagiging marami at pagiging mailap at patuloy na pag-iral sa hinaharap, kahit tapos na o lipas na. Mga bukas na likas at sadyang queer.
Queer possibilities ang tinatanaw ko at ng koleksyong ito. Ang mga bukas ng bayan ko ay makikita ngayon sa kasaysayan ng dalawang babaeng nag-uusap sa isang fastfood chain. Mapapaatras ang mga dayuhang mananakop dahil tatawagin ng isang ulila ang halimaw na lalamon ng universe, mula sa lumang parola. Makikita ng labandera ang variations ng sarili at ng anak sa bula ng labada, iyong hindi tali sa sabon at banyera. Mahahawakan ng gerilya ang taling humihila sa kanya papunta sa iba’t ibang dimensyon sa gitna ng digmaan. Lalamunin ng bakla ang universe para hindi siya iwan ng kanyang jowa. May dalawang bibig na nagchichismisan sa hangin. May ina na iluluwal ang anak at mundo.
Lumaki akong naniniwala na sa amin lulubog ang araw, na dito ang hangganan ng ngayon, ang hangganan ng bukas. Baka hindi.
ABOUT THE AUTHOR
Si Josh Paradeza ay isang manunulat tubong Zambales. Naging fellow siya sa iba’t-ibang pambansang palihan tulad ng Iyas National Writers’ Workshop, Palihang Rogelio Sicat, Amelia Lapena Bonifacio Writers Workshop, at Ateneo National Writers Workshop. Nagwagi rin siya sa ilang patimpalak sa panitikan kabilang ang DLSU Annual Awards for Literature, Normal Awards, Palanca Awards, at Leoncio P. Deriada Literary Prize, maging para sa experimental short films. Matatagpuan ang kanyang mga kwento sa mga antolohiya gaya ng Maramihan: New Philippine Fiction on Sexual Orientations and Gender Identities, at sa mga journal gaya ng Agos, Katipunan, at Entrada. Sa kasalukuyan, sinusubukan niyang isapapel ang mga tinatanaw na posibilidad ng queer speculative fiction—o anumang attributes at tangents nito—at kung paanong ang pagkukuwento ay katuwang sa pagtuklas/pagbuo ng mga malalayang bukas. Mahilig siya sa tokwa.