SESSION 4: Exsena sa Backstage
Fellow: Charles Julian Gollayan (Hypertext, One-act Play)
Moderator: Rex Sandro Nepomuceno
Binuksan ni Rex Nepomuceno ang ika-apat na sesyon ng ika-9 Amelia Lapena Bonifacio Writers Workshop sa isang maikling lektyur hinggil drag performances sa lente ng gender, performance, at dramaturgy. Aniya, mahalaga ang pagkilatis sa presentasyon, representasyon, at substitusyon ng mga katawan sa anumang pagtatanghal. Sentral din ang mga implikasyon ng queer time/anachronism, simultaneity, at anotasyon sa nakasalang na dula. Dagdag niya, mahalagang maging malay ang isang mandudula sa dramatikong kumposisyon at “pagpapagana ng oras” sa entablado o performance space. Nilapat niya ang mga konseptong ito sa pagbasa sa EXsena sa Backstage ni Charles Gollayan. Ito’y isang dulang may isang yugto tungkol sa dating magkasintahan na muling nagkita sa backstage ng isang drag show. Ipinagpatuloy ni Charles ang pagpapakilala sa kaniyang akda sa pagkokontekstuwalisa nito sa kawalan ng access sa teatro sa Cagayan, ang kaniyang bayang pinagmulan. Dahil sa mga limitasyong ito, naging matingkad ang kaniyang kuryosidad sa pagbuo ng mga dulang maaaring itanghal sa mga alternatibong lunan, gaya ng bars at clubs.
Umani ng iba’t ibang reaksyon at komento ang dulang EXsena sa Backstage, parehong sa nilalaman at porma. Sa talakayan, masaklaw na napag-usapan ang panganib ng paggamit ng mga kanluraning reperensiya nang hindi inaangkupan ng Pilipinong kamalayan. Nabuksan din ang usapin ng pagtatanghal, pagtatanghal ng kasarian, ng katawan, at pagbasa (at pagbasag) sa mga tradisyunal na kalakaran at tuntunin sa tanghalan. Naging matingkad ang talastasan sa identity politics at kung bakit kailangan ang contradiction, tension, at political interrogation kapag nagsusulat hinggil dito. Sinaklaw rin ang potensyal ng performance bilang lunsaran ng pulitikal na kritisismo at ang pangangailangang maging malinaw sa mga tinutunggali nito. Napagtuunan din ang kahalagahan ng dinamiko ng lugar at oras (actual time vis-a-vis performance-space time) sa entablado.
Sa pagtatapos ng sesyon, kinintal ang kahalagahan ng rebisyon bilang mahalagang responsibilidad ng isang mandudula. Binuod ni Charles ang mga komento, nagpahayag ng maikling tugon sa mga ito, at ikinuwento na sold out ang dula nang itinanghal ito sa UPLB.