Binuksan ang ikalawang araw ng ika-64 UP National Writers’ Workshop (UPNWW) ni Dr. Vladimeir B. Gonzales, Direktor ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing (UP ICW). Nagpasalamat siya sa mga naging partner ng Likhaan sa siklong ito ng palihan: Ang Unibersidad ng Pilipinas Los Baños Department of Humanities, ang Baden Powell International Makiling, at ang Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) UPLB. Inalala niya ang ilang kakatuwang karanasan sa yunit na ito ng Unibersidad ng Pilipinas at ginunita na noong 2017 ang huling beses na ginanap ang workshop sa Los Baños. Pinagtibay niya ang mandato ng Likhaan sa pangunguna sa paglinang ng panitikan at malikhaing pagsulat sa bansa sa pamamagitan ng primarya nitong programa: ang Literature for Social Development Program.
Binati niya ang labindalawang writing fellows na sina Krysta Lee Frost, Kara Danielle Medina, Elio Garcia, Jade Mark Capiñanes, Macoy Tang, Rayji de Guia, Arnel Mardoquio, Adelle Liezl Chua, Alec Joshua Paradeza, Ronnel Talusan, Khristian Ross Pimentel, at Laurence Lanurias. Magsisilbing panelists ang mga UP ICW fellow na sina Cristina Pantoja Hidalgo, Rolando B. Tolentino, Jose Y. Dalisay Jr., Will P. Ortiz, Pedro Jun Cruz Reyes, Eugene Y. Evasco, Luna Sicat Cleto, Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr., Vladimeir Gonzales, Romulo Baquiran, J. Neil Garcia, Charlson Ong, at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, Virgilio Almario, kasama ang mga propesor mula sa UP Los Baños at UP Rural High School na sina Emmanuel Villajuan Dumlao at Cris R. Lanzaderas. Gagampan bilang observers naman ang mga estudyanteng sina Mary Danielle Manongtong at Norland A. Cruz.
Si Dr. Ramon Guillermo ang Workshop Director sa taong ito. Sa kaniyang talumpati, nagbigay-pugay siya sa dalawang kasamahang propesor mula sa UP Department of European Languages na sina Prop. Herman Bognot and Prop. Wystan de la Peña na parehong yumao noong Agosto 24, 2025, unang araw ng palihan.
Nagbigay ng maikling lektura si Dr. Guillermo na uminog sa tanong na “Posible pa bang tumula pagkaraan ng Gaza?”. Ang lektura ay naging kritik sa mga presuposisyon ng pilosopong si Theodor Adorno hinggil sa diyalektika ng kultura at barbarismo at ang eurosentriko (at rasista) nitong kiling. “Paano babasagin ang eurosentrikong lenteng ito?” tanong ni Dr. Guillermo. Humalaw siya kay Walter Benjamin at idineklarang “Walang dokumento ng ng kulturang Europeo na hindi rin dokumento ng barbarismong Europeo”. Ipinosisyon ni Dr. Guillermo ang kritikang ito sa kasalukuyang henosidyo nagaganap sa Palestina at tinukoy na ang “nagaganap sa Gaza ay masasabing isang pagpatid sa pagkakatuloy-tuloy ng kasaysayan ng sangkatauhan”. Aniya, lumilitaw ang katotohanang na ang katunggali ngayon ng ng unibersal na barbarismong Europeo ay ang unibersal na kulturang Palestino. “Hindi kaya ang bagong unibersal na tula ay ang mga tula ng Palestina?” tanong ni Dr. Guillermo. Hindi raw ba ang mga tula natin at tula rin ng Palestina?
Pagkatapos ng lektura, nagkaroon ng expectation check ang mga writing fellows kasama ang mga panelista. Lumitaw ang mga pagna
nais na mapalapit sa komunidad ng mga Filipinong manunulat at sa pagkakataong mabása ang kanilang mga akda ng masinsin, matalas, at matapat. May ilan sa mga fellow na bagaman nakapaglimbag na ng libro ay hindi pa nakakadalo sa anumang palihan. May mga fellow na umaasang makatutulong ang palihan sa paglilimbag ng kanilang manuskrito. May fellow na ibinahagi na nasa proseso siya ng reoryentasyon sa pagsasalita ng ibang wikang Filipino at ang isa nama’y umaasa na matutuhan ang “lengguwahe” ng Malikhaing Pagsulat. Nais ng ilan na matukoy ang kanilang mga blindspot, bias, at tendensiya at magningas muli ang praktika ng kaniyang pagsusulat.
Sa hanay ng mga panelista, lumitaw ang ekspektasyon hinggil sa pagbabasa ng mga akdang may taglay na “bago” (newness), na humaharap sa mga mas mabibigat na “stake”, kumukompronta sa mga tensiyong higit sa sarili, mga akdang mapanghamon, mga akdang nakagugulat, at kahit mga akdang luma na sinabi sa bagong pamamaraan. Bahagi nito ang hamon na mag-commit sa pagtatapos sa kani-kanilang mga proyekto. Nagbahagi ang ilang panelista ng sarili nilang karanasan bilang mga writing fellow na naging mabunga sa kanilang karera. Tinampok din ang halaga ng disrupsiyon, ng paglalaro, at maging ng ambisyon. Ang palihan ay para rin sa pagbuo ng mga komunidad ng mga manunulat, paalala ng isang ICW fellow. Ipinaalala ni Direktor Gonzales ang halaga ng kolaborasyon at pagpapakumbaba na inihalintulad niya sa dinamiko ng teatro: “the best productions are the ones where people are generous enough to disappear once in a while”.