Day 3 of the 9th ALBWW, SESSION 7: Pabaon-Pasalubong (Mula sa Laguna)

SESSION 7: Pabaon-Pasalubong (Mula sa Laguna)
Fellow: Patrice Noan R. Rosales (Fiction, Filipino)
Moderator: Luchie Maranan

Maikling talambuhay ni Patrice Noan R. Rosales ang salubong ni Luchie Maranan sa ika-pitong sesyon ng 9th Amelia Lapena Bonifacio Writers Workshop. Ipinostura ni Luchie ang pag-unlad ni Patrice at ng kaniyang proyektong Pabaon-Pasalubong (Mula sa Laguna) sa kinalakhang bayan ng Los Banos, Laguna. Signipikante ang pagiging industrial enclave ng bayan sa kasaysayan ng pamilya ni Patrice. Dagdag ni Luchie, makikita sa proyekto ang pagkatanto sa mahigpit na ugnayan ng pulitika at buhay pamilya, mga espasyo ng diskursong bayan, mga taal na kultura at pagkain, at mga pagtatangka sa kontemporanyong retelling ng mga kuwentong bayan. Pinalawig ni Patrice ang mga obserbasyong ito sa pagbabahagi ng kaniyang proseso sa pagsasalaysay ng karanasan mula sa panggigipit ng estado, sa pag-decolonize ng sarili, at sa pagsisikap na kumatha mula sa peministang pananaw.

Hinggil sa nilalaman ng mga dagli, pinunto ng talakayan ang tangka sa probokasyong pulitikal at paghabi nito sa mga ordinaryong bagay tulad ng pagkain, mga gawi, at interaksyong tao-sa-tao. Suhay rito, ipinahiwatig ang kapangyarihan ng pagmamapa ng kamalayan dahil ito ang nagbibigay ng dagdag na dimensiyon sa lunan ng mga kuwento. Iminungkahing tanganan pa ang mga obheto bilang talinghaga para sa mas matalas na kontekstong pulitikal, lalo sa mga maiiksing porma tulad ng dagli. Naglaan din ng talakayan sa usaping sex work at nagpahayag ang lupon ng iba’t ibang opinyon ukol dito.

Nilinaw ni Patrice ang ilang mga katanungan at puna sa kaniyang mga akda partikular sa mga espesipikong imahen at ang personal na tindig sa usapin ng sex work. Pinanata niya ang ibayong pagsisiyasat. page-eksperimento, at pagbabad sa bayan ng Los Baños. Pabaon na itinuring ni Patrice ang mga komento at suhestiyon at maligayang nagpahayag na ililimbag niya ang koleksyon sa takdang panahon.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101