Day 3, Workshop Session 6: “Tseklist Para Sa Pagtakas” ni Adelle Liezl Chua, Fellow sa Sanaysay

Fellow: Adelle Liezl Chua
Moderator: Eugene Y. Evasco

Sinimulan ni Dr. Eugene Evasco ang workshop session sa maikling presentasyon ukoll sa tunguhin ng malikhaing sanaysay sa Filipino. Binaybay niya ito mula sa pre-dominantly clerical na simulain patungo sa mga mas modernong konsepsiyon. Kabilang dito ang paglawak ng hangganan ng kung ano ang “personal” na makikita sa mga akdang etnograpik, panunuring pampanitika’t pangkultura, at maging sa sining biswal. Gayunpaman, ipinunto ni Dr. Evasco na minsa’y nagiging “salimpusa” ang personal na sanaysay sa panitikang pambansa marahil ay dahil sa stigma ng bansag na “personal.” Idiniin niya ang halaga ng kasanayan na siyang nagbibigay ng bigat at punto sa sanaysay—“Ano ang maibabahagi kung walang kasanayan sa buhay?”

Sa pagtatalakay ni Adelle Chua ng kanyang poetika, isiniwalat niya kung paano siya nakaramdam ng “otherness” o pagiging iba dahil sa ‘di kumbensiyonal na sitwasyong personal tulad ng pagiging ilehitimong anak, pag-aasawa at panganganak nang maaga, at paglayas sa kaniyang asawa. Ipinaliwanag niyang ang kanyang sariling danas ang nagsilbing lunsaran ng kaniyang pagsusulat. Kabilang din sa pangunahing pre-okupasyon niya bilang manunulat ang “extraordinary stories from ordinary people.” Hinggil sa kaniyang mga impluwensiya, binanggit ni Chua ang mga kapwa non-fiction na manunulat na sina David Sedaris at Truman Capote. 

Sa umpisa ng diskusyon, pinuri ni Kara Medina ang malinaw na pagsasalarawan ng karanasan ng pagiging ina at ang musical na wika ng sanaysay. Pinansin niya ang bigat ng partikular na mga linya na tinutuldukan ang iba’t ibang seksiyon ng sanaysay. Humanga si Ronnel Talusan sa tapang, lakas, at paninindigan ng persona bilang babae at ina. Ikinalugod naman ni Dr. Luna Sicat Cleto ang detalye ng mga journal na nakatago sa kahon ng Huggies diaper, ang awtentisidad ng isang struggling na ina, at ang panulat na nakaugat sa personal na kamalayan. “Ang daming bagay na hindi kayang illista, tulad ng pagpapalaki ng apat na anak nang sabay-sabay,” dagdag ni Dr. Cleto. Nagustuhan din niya ang pagtitimpi sa piyesa, ang intensiyonalidad nito, at ang talas sa pag-intindi ng kalagayan ng kababaihan. Nagkaroon ng paghahalintulad kay Lualhati Bautista at sa “Death Kit” ni Susan Sontag. “Ang sumagip sa narration ay ang undeniable sovereignty of the narrator…kailangang kinakalinga ang ganitong boses ng babae,” pagtatapos ni Dr. Cleto.

Umani rin ng puri mula kay Rayji de Guia ang narasyon ni Chua. Sa kabila ng absurdong sitwasyon, nahuhugot pa rin ang emosyon mula sa mga mambabasa. Iminungkahi naman niyang isama ang reaksiyon at emosyonal na estado ng mga bata at ng bagong pamilya bilang bahagi ng backstory. Pinuri din niya ang anyo ng tseklist na para naman kay Dr. Vim Nadera ay ipinamalas ang kontrol ng awtor sa sarili. Ipinahiwatig nitong sa susunod ay mas magiging kumprontasyonal, kritikal, at mapanghimok ang persona. Inudyok si Chua ni Dr. Rolando Tolentino na isipin ang akda bilang buong manuskrito. Hinggil sa tseklist, pinuna niya ang randomness ng ilang mga bagay. Maaaring baguhin ang pagkakasalansan ng mga item at magkaroon ng mas tampok na intensiyonalidad sa paglilista sa mga ito. Iminungkahi niya ang mga obheto na nirereprodyus ang milleu. Dagdag niya, “…include what allows one to move on to another range of experiences in your life cycle.”

Pinahalagahan naman ni Arnel Madoquio ang rekonstruksiyon ng karahasan na kadalasa’y nakakubli. Naramdaman ni Dr. Ramon Guillermo ang optimismo sa paglilipat-bahay, sa pag-atim sa kalayaan. Natuwa siya na ang mga “hindi nakasulat ay nakasulat,” sa nagtatagong intertextuality na nag-iimbita ng spekulasyon. Para kay Jade Capiñanes, sagot ang akda sa tanong kung papaanong hindi gagawing melodramatic ang kuwento. Para sa kaniya, nakamit ito sa teknik ng paggamit sa mga mundane na bagay at sitwasyon. Hinggil sa poetika ni Chua at sa tanong ng pagsasanib ng journalism at literature, iminungkahi niya ang pag-explore sa literary journalism.

Napàtid naman si Josh Paradeza sa framing ng “9. Anak” dahil naghahalo ang kronolohiya, ang mga detalye ng nakaraan at kasalukuyan . Hinggil pa rin sa nakaraan, itinanong ni Dr. Will P. Ortiz kung hanggang saan ang leeway para magkaroon ng kasiningan ang mga bagay na naganap na. Hinggil sa framing ng personal trauma, ipinaliwanag ni Dr. Butch Dalisay na bagaman matingkad ang aspektong ito ng materyal, mas mainam na i-situate ito sa ilalim ng mas malaking konteksto. Kailangan umano ng transisyon mula personal papuntang sosyal, sa isang mas malawak na pagdulog. Pinagpugayan niya ang husay ni Chua sa Filipino at Ingles.

Para kay Dr. Cristina Pantoja Hidalgo ang creative nonfiction ay maaaring magsaanyo bilang sanaysay o bilang talambuhay. Pinansing niyang walang katumbas sa Filipino ang “creative nonfiction”. Sa pagsusulat ng talambuhay, kinakailangan umano ng matinding tapang pero hinamon niya si Chua na magtimpi at lumikha ng distansya. Maaari rin niyang paglimian ang pagsasama ng iba pang aspekto, marahil ay magsasanib ng dalawang genre ng CNF.

Ayon kay Dr. Emmanuel Dumlao, napagnilayan niya ang sariling pagkukulang bilang asawa, bilang lalaki. Naging educational ang karanasan niya sa pagbabasa ng sanaysay.

Nagpasalamat si Adelle Chua sa lupon sa pagtatapos ng palihan. Tumugon din siya tanong ni Dr. Dalisay hinggil sa kaniyang balak sa talento sa paggamit ng Filipino at Ingles. Plano niyang isalin ang kaniyang mga sanaysay sa Ingles papuntang Filipino at isalibro ito bilang koleksiyon.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101