Day 6, Workshop Session 10: Mga Dili Nato Masinggit sa Lapyahan by Laurence Lanurias, Fellow in Poetry

Fellow: Laurence Lanurias
Moderator: Romulo Baquiran, Emmanuel Dumlao

Ipinakilala ni Dr. Romulo Baquiran, Jr. ang pinakabatang fellow ng 64th UP National Writers’ Workshop, si Laurence Lanurias, BA Literature student mula sa Cebu Technological University. Ibinungad niya ang modernong estilo ng panulaan ni Lanurias na orihinal na isinulat sa Cebuano at isinalin niya rin mismo sa Ingles. Nakapigura ang proyekto bilang pagsisikap na kilalin ang sarili bilang kabataang bayot.

Nagbigay rin ng introduksiyon si Dr. Emmanuel Dumlao na inilarawan ang mga tula bilang pagsusumbong ng mga danas na hindi maisigaw sa aplaya o dagat. Binigyang-diin niya ang mga kahulugang natatagpuan sa tunog at maaaring mawala sa proseson ng pagsasalin.

Binaybay ni Laurence Lanurias ang sanaysay hinggil sa kaniyang poetika na pinamagatang “Pass sa Halata: The Bayot and Restraint in Poetry”. Ang “restraint” sa kaniyang panulat ay hindi lamang estetik kundi eksistensiyal, isang anyo ng survival na pinapagana gamit ang berso. Kinategorya ni Lanurias ang kaniyang panulaan bilang tumititig at hindi sumisigaw. May disrupsiyon na inaalok ang mga tulang tumititig (“poems that stare”). Diniinan niya ang hatid na bigat ng katahimikan at ang mga posibleng politikal na epekto nito. Nagtapos siya sa mga tala hinggil sa pagsasalin ng kaniyang mga tula mula Cebuano patungong Ingles na may tuon sa magkaibang identidad ng mga teksto at ng pagiging primarya ng orihinal.

Binuksan ni Dr. J. Neil Garcia ang diskusyon sa paggamit ni Lanurias sa katagang “restraint”. Sa kaniyang introduksiyon sa antolohiyang “Busilak: New LGBTQ Poetry from the Philippines” (202) na may pamagat na “Timidity and Excess”, inihambing ni Dr. Garcia ang punsyon ng “restraint” sa nakikitang niyang “timidity” sa queer writing. Pinakanagustuhan ng panelista ang tulang “Anananggal” kung saan tampok ang eponimong aswang. “Being queer is being alive and dead at the same time,” paliwanag niya. Sa kabila nito, nahirapan si Dr. Garcia na lapatan ng queer na pagbabasa ang mga maiikli’t quaint na tula ni Lanurias na karamiha’y gumagamit ng mga imahen ng karaniwan at pang-araw-araw na bagay. May agam-agam naman si Prop. Cris Lanzaderas hinggil sa pagiging masyadong tahimik ng mga tula sa kabila ng matinding dahas na nararanasan ng kabaklaan.

May lutong, cadence, at renda ang mga tula para sa Mindanawon na si Arnel Mardoquio. Litaw rin sa kaniya ang regional color, partikular ang humor na inilarawan niya bilang buki o baduy. Nag-aalala lamang si Mardoquio sapagkat posibleng may mawala sa humor sa salin sa Ingles. Sumangayon dito si Dr. Bomen Guillermo na pinuna na nawala ang “discomfort”sa Cebuano noong isinalin sa Ingles. Pinayo niyang palagiang maging sensitibo sa mga isyu ng pagsasalin.

Hindi naitulak nang husto ang mga metapora at may mga tula na “unprepared” pa para kay Dr. Rolando Tolentino. Kailangan pang pagnilayan kung papaano lalabas sa mga pribadong espasyo upang makamit ang interpositionality. Napansin din ni Josh Paradeza ang barrage ng mga imahen na hindi humantong sa isang kabuuhan. Sa kabila nito, may estado ng absurdity na kaniyang nagustuhan.

Bukod sa restraint, natagpuan din ni Dr. Luna Sicat Cleto ang “residuality” sa poetika ni Lanurias. May naiiwang marka na kinikilala niyang hindi maaaring mabura.

Sa pagtatapos ng sesyon, kinilala ni Lanurias ang mga inconsistency at kahinaan sa kaniyang pagsasalin. Pero masaya siyang nabitbit ang wika ng rehiyon papunta sa sentro.

 

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101