Iskrapbuk ng Sumusubok Maging Manunulat
MAY PAGKA-ANTI-SOCIAL AKO, KAYA NANG MAY ISANG HINDI KO KAKILALA ang nag-message at friend request sa akin sa Facebook, hindi ko siya pinansin. Pero nagsend siya ulit at nagpakilalang estudyante sa PUP San Juan at iniimbitahan akong maging panauhing pandangal para sa kanilang pagdiriwang ng Buwang ng Panitikan.
Napakamot ako sa ulo at gusto ko sanang dedmahin na lang siya. Hayaang lamunin ba ng impostor syndrome ang sarili ko at palampasin ang ganitong oportunidad. Pero gaya ng pagtatangka ko ngayong sumali sa 64th UPNWW, sinabi ko sa sarili ko, “Bakit hindi?”
Una akong sumubok maging manunulat sa school paper at yearbook ng Polytechnic University of the Philippines Laboratory High School (PUP LHS), pero hindi ako pinalad. Kaya kung may nasulat man ako, mga love letters ko lang iyon sa first love kong si Justine Kate at mga akademikong papel na pinagpuyatan ko na ngayo’y alam ko na, na hindi binabasa ng mga guro from cover to cover. Salamat na lang at dahil doon ay na-require akong magbasa ng panitikan. Yun nga lang ang mga naisulat ko naman ay hindi naman panitikan.
Sa Philippine Normal University (PNU), naging manunulat at Features Editor ako sa The Torch Publications, ang official student publication ng pamantasan. Bilang dating football varisty player, nagsulat ako ng artikulo upang ipaglaban ang karapatan ng mga atleta sa Normal matapos ipatigil ng dating pangulo ng PNU ang pagsali sa SCUAA. Nagsulat ako ng mga balita at kolum upang tuligsahin ang korapsiyon at paglupig sa karapatang pantao ng rehimeng Arroyo. Kinundena ko ang malaking delegasyon ng mga pulitiko papuntang Amerika, samantalang may batang nagpatiwakal dahil sa gutom at hirap ng buhay, na sumasalamin sa kasalukuyang estado ng karaniwang Pilipino. Ang mga overnight presswork, mga workshop sa pagsulat, at mga red marks ang naging unang guro ko sa pagsusulat. Hindi na iyon love letter lang.
Kung may pagtatangka akong sumulat ng pantikan, iyon ay ang nag-iisang tula ko at nilimbag naman ng Board of Editors ng The Torch. Ang kaso ay samo’t saring pandadaot ang tinanggap ko noon. Hindi ko alam dahil pinamagatan ko iyong PNQ tungkol sa isang iskolar na nahimatay sa puso ng Quiapo dahil sa kumakalam na sikmura. Ganoon din kasi ako noon. Binabiyahe ko ang Antipolo hanggang Taft na minsan ay 100 piso lang ang baon ko. Hindi ko na maalala kung anu-anong diskarte ang ginawa ko para itawid iyon. Sa tulang iyon, nagkaroon ako ng boses at naging salamin ito ng lipunang ginagalawan ko. Nilisan ko ang publikasyon dahil nais kong magpokus sa akads. Kasabay sa paglisan ko noon ang pag-iwas ko rin sa pagsusulat ng journalism at panitikan.
Para mas maging mahusay na guro, kumuha ako ng masters sa College of Education sa UP Diliman. Bilang grad student, nanumbalik ang aking disiplina sa pagsusulat. Dahil lahat ng klase ko ay gabi, hindi ako matahimik sa mga natutunan ko sa UP sa tuwing uuwi ako. Kinailangan ko ng outlet para ibuhos ang canvas ng mga ideya kaya nagsimula akong magblog noong 2012. Doon ko isinusulat lahat ng pangarap at prustrasyon ko sa estado ng edukasyon, mga bagahe sa sarili, at mga bulkang gustong-gustong sumabog. Sa blog kasi, no holds barred. Walang filter. May magbasa man o hindi, hindi siya big deal na hindi katulad kung isusulat sa Facebook na maari kang hushagahan base sa numero ng likes at shares at iba pang maikikiayon sa bandwagon ng mga ideya.
Naging prop ko si Prop. Ma. Vanessa Lusung-Oyzon sa kursong Affective Learning sa Eduk. Pinagagawan niya kami ng journal at doon ko unang naisumbong ang hirap disiplinahing Section II-2, ang pagiging mahusay na guro ni Mrs. Garcia, ang saya ko sa pagiging adviser ng pilot section, at ang mga bagahe ko saking ama. Palagi kong inaabangan, bukod sa score, ang mga komento ng aking propesor dahil sa unang pagkakatao’y nakapagbukas ako at sa pagbubukas na iyo’y mayroong nagbabasa at nakikinig. Lumulundag ang puso ko kapag sinasauli na niya nag mga notebook. Kaya ko palang magsulat.
Isa sa mga encouragement sa amin ni Prop. Oyzon ay isumite ang mga journal entries namin sa diyaryo. Kaya sinubukan kong ipasa sa Youngblood ng Inquirer ang article para sa mga guro sa Teachers’ Day noong 2016. Sa kauna-unahang pagkakataon, may mga bumasa ng isinulat ko sa isa iba’t ibang bahagi ng bansa. Masarap pala sa pakiramdam. Gabi na ng malaman ko at dali-dali akong tumakbo sa pinakamalapit na tindahan upang bumili ng kopya. Mabuti at mayroon pa! Kahit ang estudyante kong binanggit ko sa artikulong iyon na hindi ko pinangalanan ay nagmensahe rin sa akin sa Facebook. Tagumpay naman ang pagtatangkang iyon. Kaya ko nga!
Matapos kong magturo sa pribadong paaralan ng apat na taon, pinili kong magturo sa public school sa Antipolo. Ginampanan ko nang mahusay ang responsibilidad ko bilang guro. Para sa akin, “if better is possible, good is not enough.” Iyan ang naging mantra ko sa mahigit isang dekada ko sa public school. Sa klasrum at maging sa social media, hindi ko lang tinuturo ang panitikan, wika, at komunikasiyon. Itinuturo ko rin kung paano mahalin ang pagka-Pilipino, igiit ang ating karapatan, at i-call out ang mga maling sistema. Siguro yung “passion” ko sa pagtuturo ay isa sa mga sangkap ng “passion” ko ngayon sa pagsusulat. Hindi lang kasi ito basta tungkol sa akin. Sa lipunang maraming kontradiksyon at suliranin, hindi puwedeng mabuhay ka lang para sa sarili. Kailangan may boses ka para sa iba.
Noong pandemya, naengganyo ulit akong magsulat pagkatapos kong mapanuod ang Webinar ni Eros Atalia. Ang sabi ko, bakit nga ba hindi. At doon sumubok ako nang sumubok. Noong una, mga artikulo sa diyary ang mga isinulat ko. Puro kontribusyon na tinaggap at nilimbag naman. Bumalik ako sa pagbla-blog. Sinulat ko ang mga karanasan ko noong lockdown pati mga pagumumuni ko sa mga naganap sa buhay ko. Parang tumigil kasi ang mundo. Bawal lumabas.
Nagsulat rin ako ng mga kuwentong pambata dahil nananalig ako na ang mga bata ang kinabukasan ng bayan at para na rin sa aking anak na si Katniss. Nagwagi ako ng dalawang gantimpala sa 2020 DENR – EMB Papa Gong Story Writing Contest nang sumulat ako ng kuwentong pambata para pangalagaan ang kalikasan. Nanalo rin ako ng honorable mention sa 2022 PBBY-Salanga para sa kuwento ko tungkol sa isang alien at kung paano niya pinilit unawain kung paano maging tao. Pero bago iyon, naging kaibigan ko si Prop. Eugene Evasco at pinanuod ko ang samu’t sari niyang webinar sa pagsusulat ng aklat pambata at pinaunlakan naman niya akong i-workshop namin ang kuwentong pambata kong “The Magic Words.” Kung may nagbuhos ng langis sa maliit na apoy sa puso ko para magsulat, ang mga payo ni Sir Eugene sa pagsusulat, pagbasa, at pagbili ng mga libro ang ilan sa mga iyon.
Nagkaroong din ako ng dalawang proyekto. Una, ang “Stories of First Years of Teaching” kung saan kinulekta ko ang mga kuwento ng mga kasamahang guro tungkol sa kanilang karansan nang unang beses sila nagturo. Pangalawa, ang “My Journey as a Reader” kung saan ipinakuwento ko sa mga kontribyutor ang kanilang karanasan kung paano sila natutong magbasa at paano nila minahal ang pagbabasa.
Pero aaminin ko, marami rin akong ipinasa na “reject,” “denied,” o “seen.” May mga pagkakataon na sobra-sobra ang ibinigay ko sa pagsusulat, ngunit sa huli ay nadededma o nalolotlot. Sa mga pagkakataong ito ko natutunan kung ano talaga ang ibig sabihin ng hindi pagsuko. Yung kahit anong mangyari, ipagsiksikan mo lang ang sarili mo sa bagon ng tren ng MRT kahit gaano kahirap at kasikip. Kahit pilit tayong iniluluwa at isinusuka. Darating naman ang oras, makakasakay ka rin. Makakarating ka rin. Ganoon naman ang ginawa ko. Sumakay lang ako nang sumakay kapag may oportunidad. Hindi naman palaging talo. Nakapaglathala naman ako ng mga artikulo sa mga pahayagan at dyornal, teksbuk, aklat pambata, at ilang mga akdang pampanitikan. Dahil ganoon ang nangyayari kapag sumusubok.
Bilang manunulat nauhaw din akong matuto kaya sumubok din ako maging fellow sa iba’t ibang palihan. Naging fellow ako sa 28th Iligan National Writers Workshop kung saan isinalang ang isa kong kuwentong pambata. Sa 22nd Iyas La Salle National Writers’ Workshop, winorkshop ang dalawa kong kuwento na akma sa ecocriticism. Sa Ikalawang Palihang Rene Villanueva naman ay winorkshop ang mga kuwentong pambata ko tungkol sa isang demolisyon at sa isang manananggal na walang kaibigan. Ako ay lumahok na rin sa The Gemino H. Abad Seminar-Workshop on Teaching Literature (2021 at 2023) at Saling Panitik: Bienvenido Lumbera Seminar-Workshop on Translation (2022). Marami akong natutunan sa pagsali sa mga workshop at palihan na ito na nagamit ko bilang guro ng panitikan sa junior high school (JHS) at sa pagtanggap ko ng mga raket sa pagsasalin. Kung papalarin, ito ang magiging unang writers’ workshop ko sa Likhaan.
Karamihan sa mga naisulat ko ay mga akdang pambata, pero hindi doon nakapokus ang aplikasyong ito. Noong 2020, sumubok akong magsulat ng mga sanaysay. Nagwagi sa Saranggola ang sanaysay kong “Ang Gusto Kong Maging Tatay” kung saan ikinuwento ko ang karanasan noong bata pa ako kung gaano ko kagusto makaranas ng may mapagmahal na ama. Sumali at nagwagi rin ako sa life UPDates sa mga sanaysay na tumalakay sa karanasan namin sa pandemya habang nagsisimula akong magPhD. Naisip ko noon, hindi lang pala pagbalik sa nakaraan ang pagsusulat ng sanaysay, maari rin palang pagnilayan kung ano ang nagaganap sa kasalukuyan. Sumulat ako nang mga sanaysay upang mas lalong harapin ang mga bagay na hindi ko naman madalas pinaglalaanan ng panahon—ang pagnilayan ang mga bagay-bagay.
May apat na sanaysay akong ipinasa para buuin ang hindi lalampas sa 6,000 na salita bilang entri sa aplikasyong ito. Muli, kung papalarin, ito ang magiging unang workshop ko sa pagsulat ng CNF. Marami pa akong gustong isulat na mga sanaysay pero aaminin ko, wala akong sapat na training dito. Hindi naman ako enrolled sa programang Malikhaing Pagsulat. Gustohin ko man sanang mag-shift, ito na ang last sem ko sa Eduk. Para sa akin, hindi garantiya ang mga premyong natanggap ko na ako’y mahusay nga sa larangan ng pagsulat. Maraming-maraming kanin pa ang kailangan kong kainin lalong-lalo na sa pagsusulat ng sanaysay.
Hindi madali pagsabayin ang trabaho, ang pag-uumpisa ng pamilya, at pagkuha ng PhD. Nakakabaliw at parang wala na talagang panahon para magsulat. Pero sa mga pagsubok na hinarap ko, hindi ko alam kung paano ko yun nalampasan kung hindi ako nagsulat. Nadiskubre namin, wala pang isang taon ang anak kong si Katniss na mayroon siyang congenital cataract. Kinailangan niyang operahan ng dalawang beses sa mata habang kailangan naming pagdaanan ang proseso sa pandemic katulad ng SWAB test, lab, X-ray, atbp at pag-aayos sa PhilHealth. Sa mga panahong marami ka nang inaalala dahil sa lockdown at sa nakamamatay na sakit, maraming-marami pa lalo dahil sa kalagayan ng anak ko. Inilista ko ang mga detalye sa note sa cellphone habang umuuwi ako at nakasakay sa backride ng tricycle. Hindi ko kayang bitbitin lang ang mga bigat na iyon. Kailangan kong ilabas.
Bago mag-apat na taon si Katniss, dinala namin siya sa National Children’s Hospital at doon namin nakumpirma na mayroon siyang autism spectrum disorder (ASD). Punong-puno ang isip ko, kailangan ng paglalagyan at doon ko ibinuhos sa pagsusulat. Sa mga panahong naghihintay ako sa NCH at sa therapy center, inililista ko ulit sa note sa cellphone ang mga pangyayaring gustong itago. I-archive ba. Kailangan kong ikuwento ang mga karanasang iyon dahil mauubos ako kung hindi. Parang yung elevator acting ni Uge sa pelikulang “Ang Babae sa Septik Tank” ang pakiramdam ko sa mga oras na iyon. Yung nawiwindang ka pero kailangan mong maging matatag dahil ikaw ang padre de pamilya. Ikaw ang dapat na pinakamatapang. Pero mahirap iyon!
Isinulat ko rin ang karanasan ko habang dinadala si Katniss sa therapy center nang wala siya sa mood. Struggle is real. Nang naipasok na siya sa loob, nilista kong muli sa note sa cellphone ang lahat ng mga nangyari. Samakatuwid, ang paglilista ko ang naging sariling therapy ko habang nagpapatherapy ako ng anak na may autism. Ito ang naging hingahan ko. Hangad ko na sa mga isnulat kong ito ay maging hingahan din ito ng iba. Marahil ay hindi pa ako nakakabasa o wala pang masyadong naisusulat na mga sanaysay tungkol sa isang ama na may autism ang anak. Ang nakikita ko pa lang ay mula sa POV ng isang ina pero matalagal na ito. Ito yung libro ni Ma’am Fanny Garcia. Nabasa ko rin naman ang mga Facebook posts nina Sir Poy at Ma’am Bebang sa pag-aalaga ng anak nilang si Dagat. Lumakas din ang loob ko sa pagbabasang iyon.
Dahil mahirap kumuha ng slot sa therapy center at sa developmental pediatrician, sumasalamin ito na durami ang mga kaso ng ASD. Sa palagay ko, napapanahon na makapagsulat ng mga CNF tungkol sa mga karanasan ng mga magulang, partikular ng isang ama, kung paano hinaharap ang pagkakaroon ng anak na may autism. Sa huli, mayroon man o wala, sa lahat ng mambabaasa, hangad kong kapulutan nila ng lakas ng loob, ng patitiyaga, at ng hindi pagsuko ang mga piyesang ipinasa ko. Tapang ang pilit kong isiniksik para hindi ako sumuko at siguro’y marami pang iba.
Minsan ay gusto ko na ring sumuko. Sumalampak sa sahig at magmeltdown. Gusto kong mag-voluntary exit o pindudin ang button at gaya ng sa Squid Game, kunin ang pot money at umuwi na kung saan ako dapat umuwi. Pero hindi naman ganun ang sistema ng buhay. Sa pagtatangka kong sumulat ng mga sanaysay, isa rin ito sa mga ginagamit ko sa pagsubok maging manunulat. Patuloy akong susubok.
ABOUT THE AUTHOR
Si Khristian Ross P. Pimentel o kilala sa tawag na Coco ay mahilig magkolekta ng libro, magbasa, magblog, magkuwento, magsulat, at higit sa lahat, magturo. Nagwagi siya ng Honorable Mention sa 2022 PBBY-Salanga para sa kuwentong “The Visit” at ikalawang puwesto sa CCP’s Saranggola Blog Awards noong 2022 para sa sanaysay na “Ang Gusto Kong Maging Tatay” at noong 2023 para sa kuwentong pambatang “Nakatira Kami sa Tore.” Naging fellow siya sa 28th Iligan National Writers Workshop, 22nd Iyas La Salle National Writers Workshop, at Ikalawang Palihang Rene Villanueva. Siya ang awtor ng mga aklat pambata “The Magic Words” na inilimbag ng Vibal – Chikiting Books at “Ang Itlog Ni Bunso,” “The Visit,” at “Koko’s World” na inilimbag ng Johnny and Hansel Publications. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kursong PhD in Education sa UP Diliman kung saan din siya nagtapos ng Master of Arts in Education – Major in Educaitonal Psychology. Nakatira siya sa Antipolo kasama ang kaniyang asawang si Cathy at anak na si Katniss Isla. Siya ay isang public school teacher.