Kumikiwal na Dugo ni Ronnel V. Talusan

Kumikiwal na Dugo

Paborito kong gamitin sa mga isinusulat ko ang dugo. Pakiramdam ko’y nakalilikha ako ng pintig ng buhay gamit ang salita, simbolo at talinghaga ng dugo. Hindi ko alam kung bakit sobrang lakas ng dating sa akin ng salitang dugo kahit na kapag nababasa ko ito sa mga akda. Klaseng obsesyon. Siguro’y dahil sa iniiwan nitong marka hindi lang sa balat na nasugatan, kundi tumatagos hanggang kaluluwa. Na hindi natatapos sa pagtilamsik o pagbulwak lamang, kundi kumikiwal at nagpapatuloy. 

Kung bakit naman kapag nasusugatan mulang bata, pakiramdam ko’y nahihilo ako agad kapag nakikitang dumudugo iyon. Lalo na sa ilang aksidenteng malaki ang tinatamong sugat na totoong bumubulwak ang dugo, gaya noong mabalibag ako ng malaking bato sa ulo ng kalaro ko noong bata ako, o noong naglambitin ako sa kawayan sa kwadra ng kalabaw sa aming bakuran na nahulog ako at pumutok din ang ulo, o sa ilang beses na malalim na pagkatibo o pagkapamantingin hanggang sa aktwal pang nabutas ang lulod ng kanang paa ko kaliligo sa rampa (isang anyo ng tubig-tabang, na mas malaki kaysa patubig ngunit hindi matatawag na ilog; dinadaluyan ng tubig na pakawala mula sa Angat at Bustos Dam) sa aming nayon. Hindi ko alam kung sa nerbyos iyon o ano. Kasi’y nagkagayon din ako pagkatapos tuliin sa pukpok ng isang manunuli sa aming bayan noong bata ako, pati noong nagpatest ng dugo para malaman kung anong type ng dugo ko dahil kailangang masalinan ng dugo ang isang Tita ko na naoperhan sa ovary. 

Kalaunan, bunga ng maraming pagod, puyat at stress sa trabaho, pag-aaral, pagsusulat at pag-iintindi sa maraming responsibilidad sa pamilya, madalas na high blood ako. Nang magpatingin nga ako sa doktor para ikonsulta ang diagnosis sa puso ko sa Annual Physical Exam sa unibersidad na pinagtuturuan ko, nakita rin na mataas talaga ang blood pressure ko kaya niresetahan na rin ako ng gamot.

Naisip ko tuloy na parang isang kabalintunaan. Gusto ko pero parang may pangamba at takot ako. Takot sa bagay na gusto ko. Naiisip ko nga minsan, gayundin kaya pagdating sa aking pagsusulat? Gayong gustong-gusto ko at talagang pinaglalaanan ng panahon, ay nakararamdam ako ng pangamba at pagkabahala o ng takot at pagkabalisa? Ngunit ano ang kailangang ipangamba? Na hindi pansinin at pahalagahan ng iba? Na hindi kilalanin dahil walang ibubuga? Na hindi magiging ganap na manunulat dahil walang napatutunayan? O baka dahil isa lamang akong ligaw sa larangang ito at hindi karapat-dapat ang aking sining? O baka naman takot ako sa multong maaaring likhain ng mga sinusulat ko na maaaring maging mitsa pa ng maaga kong pagkabura sa mundo? Kasi’y totoo namang higit na nakasisindak ang panulat kaysa tabak. Kaya nga maraming manunulat na kung hindi man nakulong ay bangkay nang natagpuan o kung hindi man hindi na nakita kailan man at ipinagpapalagay na lang na nilamon ng lupa.

Sa aking pinagmulan, waring may sumpa ng dugo na ayaw humiwalay sa bayan. Mababasa sa imortal na nobela ni Rizal na Noli Me Tangere ang tungkol sa magkapatid na sina Crispin at Basilio sa “Kabanata XV: Ang Mga Sakristan.” Matatandaang tungkol ito sa kalupitang inabot ng dalawang batang magkapatid na pinagbintangan ng Sakristan Mayor na numakaw ng dalawang onsang ginto. Pilit na pinalalabas ang di umanong ninakaw, at nang hindi mailabas ay pinarusahan ng matitinding paghagupit si Crispin, hanggang sa sumuko sa matinding sakit ang murang katawan. Samantala’y nakatakas si Basilio at pinilit makauwi sa kanilang inang si Sisa.

Ang kasawian ni Crispin, na ipinagpapalagay na namatay sa palo sa mismong simbahan ng San Diego, ay isang mitong matagal nang isinasalaysay ng mga matatandang taga-San Rafael, Bulacan. Ayon sa kwento, ang simbahan ng San Rafael ang diumano’y siyang simbahan ng San Diego na tinutukoy ni Rizal sa nobela. Dahil sa mga bakas ng dugo ng maliit na kamay, na tila sa kamay ng bata, na matatagpuan sa mga pader sa simboryo ng simbahan ng San Rafael, ipinagpapalagay nilang iyo’y mga bakas ng dahas na sinapit ng batang sakristan. Bukod doon, sinasabing ang lokasyon at deskripsyon ng simbahan ng San Rafael ay katulad na katulad ng sa San Diego sa Noli — nakaharap sa ilog, nasa gitna ng Poblasyon, at sa di kalayuan, sa bandang likuran ng simbahan, ay may isang malawak na kural ng baka, na naging sementeryo kalaunan.

Kilala rin bilang San Juan De Dios Church ang simbahan ng San Rafael. Sa dokumentaryo ni Jay Taruc sa I-Witness na pinamagatang Ang Simbahan ng Sa Rafael ay isinalaysay din ang maraming misteryo at kwento ng kababalaghan na umano’y nagaganap sa loob ng simbahan. Maraming nagpapatotoo na may iba’t iba silang pangitain at kung ano-anong mga tunog na naririnig sa loob ng simbahan, sa mga alanganing oras. May ilang di umano’y bukas ang third eye na nagpapahayag na aktwal silang nakakikita ng mga tao na sinasabing mga kaluluwang pagala-gala sa loob ng simbahan. Babaeng nakaitim na tila isang Madre sa anyo. Sinasabing may bata ring nagpapakita sa bandang taas ng simbahan, na sinasabing siya ngang kaluluwa ni Crispin na kasamang itinapon sa talaksan ng mga bangkay sa isang bahagi ng simbahan. Ayon kay Isabelo Santos, isang miyembro ng Samahang Pangkasaysayan, Kultura at Sining ng San Rafael, hindi iilan ang mga testimonya ng mga miyembro ng choir, sakristan at ilang deboto ng simbahan hinggil sa mga nagpapakitang kaluluwa sa loob ng simbahan.

Sa simbahang iyon ng San Rafael din naganap ang isa sa pinakamadugong labanan sa pagitan ng mga Kastila sa pamumuno ni Tinyente Koronel Lopez Arteaga at mga Katipunero, sa ilalim ng pamumuno ng batang Heneral na si Anacleto Enriquez, na nakilala rin sa bansag na “Matanglawin”, noong Nobyembre 30, 1896, na ikinasawi ng halos 800 katipunero, kabilang na ang magiting at matapang na si Matanglawin. Ayon sa tala ng kasaysayan, sa dami ng nasawi, may bahagi ng simbahan na umabot hanggang bukong-bukong ang umagos na dugo!  Pinatotohanan ni G. Bobot Tecson, isang opisyal ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (SAMPAKA), ang kalupitan mga Kastila sa pangyayaring iyon, dahil maraming Pilipinong rebolusyunaryo man o hindi, maging ang kababaihan ay pinagsasaksak ng bayoneta. Si Matanglawin ay pinatay din mismo sa pamamagitan ng saksak ng bayoneta.

Sa pag-uutos ni Heneral Henry W. Lawton, nilusob naman ng malaking pwersa ng mga Amerikano sa ilalim ng pamumuno ni Koronel Owen Summers ang bayan ng San Rafael noong Abril 29, 1899. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano itinayo ang dam sa pagitan ng Barangay Lico, sa bayan ng San Rafael at sa bayan ng Bustos, sa kabilang ibayo. Ito ang kinikilala ngayong Bustos Dam, na sumasalo sa tubig na nagmumula naman sa Angat Dam, na siyang pinagmumulan ng tubig sa maraming bayan sa Bulacan, maging sa Kamaynilaan. May kwentong bayan na isinasaysay ang matatanda tungkol sa isang engkantada, at sa mga misteryosong kamatayan ng mga nagsisipaligo sa naturang dam, na karamiha’y kabataan at mga dayo mula sa iba’t ibang lugar. Sinasabing “nangunguha” ng buhay ang dam. Kinukuha ng engkantada ang mga buhay bilang higanti sa mga taong sumira sa kaniyang tirahan. Dugo bilang kabayaran sa winasak na paraiso ng maalamat na engkantada.

Nagsimula ang panakbuhan at tugisan nang umagang iyon ng Disyembre 31, 1941 sa boundary ng Tambubong-Sabang. Sa araw ding iyon, sinakop ng mga Hapones ang bayan ng San Rafael, sa pag-uutos ni Koronel Seinosuke Sonoda na bahagi ng 48th Division ng Japanese Imperial Army sa ilalim ni Heneral Tsuchibashi. Laganap ang karahasan at kalupitang naganap sa bayan. Isa sa pinakamalagim na nangyari sa panahon ng mga Hapones ang pagsunog sa buong barangay ng San Roque, bilang higanti sa mga Hukbalahap na pumatay sa ilang Hapones sa isang pananambang sa nasabing barangay. Mapulang pahina rin sa tala ng kasaysayan ang masaker sa Pulo, isang nayon na humahangga sa bayan ng San Rafael at Angat, na ikinamatay ng daan-daang San Rafaeleñong iginapos, binaril, binayoneta at pinasabog ng dinamita. Bukod doon, maraming pinatay at binigti sa lumang munisipyo ng bayan, na kalauna’y naging pusod ng kwento ng kababalaghan at katatakutan, dahil sa umano’y ilang pagpaparamdam ng mga kaluluwang pumanaw- pinaslang sa nasabing munisipyo. Sa panahon din ng mga Hapon naganap ang panununog sa munisipyo ng San Rafael bilang salakay ng mga taong labas sa ayaw magpailalim sa kanilang si Mayor Serafin Valero Sr., na kalauna’y itinayo ang kaniyang Fighting Seven para maging isang hit squad na panagupa sa kaniyang mga kaaway.

Ilan lamang ang mga naratibong iyon sa makulay-madugong pahina ng kasaysayan ng bayan ng San Rafael, na kung tutuusin, ilang nasa kapangyarihan, nanunungkulan, palaaral at matandaing matatanda na lamang ang nakababatid. Maituturing na itong naghihingalo, o nasa dulo ng bangin, na sa di katagalan, sa paglipas ng panahon ay maaaring tuluyan nang malimot at mabura sa isipan at alaala ng mga mamamayan, kung hindi maiingatan at muling maitatala at masisinop sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon ng mga San Rafaeleño. 

Ang mabigat pa, hindi nahihinto ang sumpa ng dugo na umaagos hanggang sa kasalukuyang mga pangyayari sa bayan. Noong panahon ng tandem nina PGMA at General Palparan, maraming pinatay at dinukot sa aming lalawigan. Naganap din ang maraming pagsosona at pagdampot sa ilang mga pinaghihinalaang kalaban ng estado sa mga bara-barangay ng aming bayan. Sa kasagsagan ng Oplan Tokhang, pinulanditan ng dugo ang mahabang listahan ng mga itinuturong adik at tulak ng droga. Walang sinisino, babae man o lalaki, bata o matanda. Araw man o gabi. Sa bahay, sa kalsada, sa tyangge, sa paaralan, sa parke, sa labas ng simbahan, sa mga sabana, sa lahat ng lugar, may natatagpuang nakatimbwang. Marami ring nabalita at nagviral pa sa social media sapagkat navideohan, ang madudugong engkwentro at pamamaslang sa iba’t ibang bahagi ng bayan. Ngunit kataka-taka na walang alinman sa mga kasong iyon ang naresolba. Walang pamilya ng biktima na nagkamit ng hustisya. Paano ngayon susulatin ang ganitong mga pangyayari? Na parang may gatilyong nakatutok sa ulo mo na kakalabitin lamang ng isang bihasang kamay sa oras na ika’y magkamali.

Ngunit lagi kong naaalala ang pahayag ni Rogelio L. Ordoñez tungkol sa tungkulin ng manunulat. Sinasabi niyang dapat na ang sining ay maging sandata sa paghubog at pagbubuo ng isang lipunang makatao, malaya at progresibo. Kailangang maging matapang ang manunulat at sikaping huwag maging tagabenta lang ng kasinungalingan dahil isang malaking kasalanan iyon hindi lang sa sarili, kundi sa buong sambayanan. Idiniin pa niyang kailangang maging tapat ng ng manunulat sa kaniyang sarili, upang mapangatwiranan niyang may karapatan siyang ipabasa sa sambayanan ang kaniyang obra. 

Nananalig ako sa kaniyang sinabi. Hindi lang dahil siya ang una kong engkwentro sa isang matinik na kwentista, matapang na peryodista, at makata ng bayan, kundi dahil tunay na tinamaan ako ng maningas na ilaw ng kaniyang panitik. Katulad din ng bisa ng kanilang antolohiyang Mga Agos sa Disyerto,  na malinaw na nagpaunawa sa akin kung ano ang sinagisag ng kanilang paglikha. Hindi lamang sa layuning makapaglimbag ng isang aklat ng mga kwento, kundi isa ring pagkilos, tugon at paninindigan laban sa mga paratang ng mga kaaway ng wikang Filipino, na “bakya” ang magsulat sa wikang katutubo, at ang panitikang Pilipino’y wala kung hindi isang malawak na disyertong ang tanging matatagpua’y mga gapok na sanga, buto at kalansay. Natuklasan ko ang kanilang pagiging suwail mulang paksa at tema, hanggang sa estilo, lenggwahe at lalim ng ideolohiya. 

Minulat ako ng libro at ng mga manunulat nito sa marawal na mukha ng reyalidad. Sa maraming karahasang umiiral sa isang lipunang balintuna. Matindi ang naging epekto sa’kin. Mas malalim ang naging talab ng aktwal kong pakikisalamuha at pakikinig kay Sir Roger sa mga panahong iyon. Mistulan akong lumalangoy sa lumalagablab na apoy ng kaniyang panitik. Dinalisay niya at aktwal na binuhay ang pagkapukaw ng diwang makabayang una kong natamo sa sining nina Lazaro Francisco at Amado V. Hernandez. Ang mga katotohanan sa buhay, ang lalim ng pagtingin at pagpapahalaga sa kaniyang sining naman ang itinanim sa utak ko ni Sir Edgardo M. Reyes sa pana-panahong nakakausap ko siya sa mga panayam at pagdalo sa kaniyang book launch. Pinakita niya kung gaano ka dapat maging matapat at totoo sa isinusulat mo. Nang hindi bumibitiw sa talagang gusto mong sulatin. Sinuhayan pa iyon ng mga karunungang inihasik sa kamalayan ko ni Dr. Efren Abueg nang siya’y maging propesor ko rin sa PUP Graduate School. Pambihira rin ang kaniyang mapagmulat na panulat na hindi nagsasawang ungkatin ang mga usapin sa bayan na bumabahala pa rin sa kasalukuyan. Ang kanilang panitik ay tahasang nagpoprotesta at lumalaban, sumisigaw dahil iginigiit ang pagkakapantay-pantay at hustisya sosyal. Ang kanilang panulat ay mga buhay na dugong umigpaw at umagos, patuloy na dumadaloy sa panitikang Pilipino.

Totoong kailangang maging palaban ang iyong panitik. Paano ka haharap sa salamin kung may takot ka sa iyong sarili? Paano mo haharapin ang bayan na gusto mong matapat na ipakilala sa mundo kung puno ka ng alinlangan at pangamba? Kinikilala ko ang pagkiwal ng dugo bilang isang talinghagang tumatalunton sa pagtanggap sa proseso ng pagsasanib ng diwa’t kaisipang nauna nang dinaluyan ng dugo ng mga naunang hanay ng manunulat ng bayan. Sa proseso ng pag-circulate ng dugo upang mapanatili ang pintig ng buhay, kailangang manangan sa pinakamahahalagang elemento o substance na nagsisilbing likidong nagsu-supply ng oxygen sa puso at utak  upang magpatuloy ang buhay. 

Buhay, malagkit, sumisirit ang dugong pinaagos nila sa katawan at mga organ ng panitikan at lipunan sa kanilang panahon. Ang mukha ng katotohanan ay lalong naging pangit, nangitim, naging masugat. Lumala ang sugat, naging maantak, nagnaknak. Mistulang nangitim ang dugo. Nabulok. Umaalingasaw ang masangsang na amoy. Kaya sa paghahangad kong muling panariwain ang dugo, upang patuloy na umagos at magsupply ng oxygen, magdulot ng buhay, pinagsisikapan kong akdain ang mga kwento ng karaniwang tao at ng kanilang mga pakikipagsapalaran sa kasalukuyang panahon. Gusto kong ipakilala ang aking bayan mula sa madugong kasaysayang nilandas nito hanggang sa kasalukuyang pagtahak nito sa madidilim na landas ng panganib at ligalig.

Hindi lamang kailangang kabakahin ang takot sa pagsisiwalat ng katotohanan. Kailangang maging matapat din sa iyong sining nang may adhikaing maging makabuluhan ang pag-aakda. Sabi nga ng makata ng bayan na si Gelacio Guillermo, “Walang silbi ang isang akdang pampanitikan, gaano man kaganda ang pagkakasulat, kung wala itong itutugon sa mga kaapihan ng masa sa isang lipunang nakahubog upang makalamon ng kayamanan ang iilang makapangyarihang bansa sa hindi nila lupa, upang payamanin nang payamanin ang iilang mayayaman mamatay man sa gutom ang nakararami.”

 

ABOUT THE AUTHOR

Taal na taga-San Rafael, Bulacan. Kasalukuyang guro sa Department of Language and Literature, Institute of Arts and Sciences, sa Far Eastern University, Manila. Nalathala ang kaniyang mga akda sa Ani, Agos, Daluyan, Manlilikha, Kawing, Luntian, Liwayway, Lunduyan, Gantala Press, Titik Poetry, Kasingkasing Press, Buk(L)od at iba. Nakapag-self-publish ng mga librong Talusaling, Tulag at Hulimpati na inilabas ng 7 Eyes Productions, OPC. At ko-awtor ng De (Sentralisasyon): Mga Maikling Kwento at Dagli sa Gilid-Gilid sa ilalim ng Sadiri Publishing. Naging fellow ng 3 rd Nueva Ecija Personal Essay Writing Workshop, Palihang Kataga-QC, at Ikatlong Palihang Lazaro Francisco. Produkto ng Polytechnic University of the Philippines-Manila sa AB Filipinolohiya at MA Filipino. Nakapagtapos na rin ngayong taon sa programang Ph D Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101