Si MUBARAK M. TAHIR, MAED, LPT ay isang Moro-Maguindanaon na guro, manunulat, mananaliksik, tagapagsalin, at editor na mula sa Datu Piang, Maguindanao del Sur. Natapos niya ang kanyang BA Filipino sa Mindanao State University bilang Cum Laude at natapos naman niya ang kanyang Master of Arts in Education-Filipino sa University of Mindanao-Davao City. Kasalukuyang miyembro ng fakulti ng Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades, Mindanao State University-General Santos.
Siya ang kauna-unahang Moro-Maguindanaoan na nanalo sa Carlos Palanca Awards for Literature noong 2017 para sa kanyang personal na sanaysay na Aden Bun Besen Uyag-Uyag o May Buhay Pa Pala. Itinanghal din siya bilang may pinakamahusay na zine sa 2021 Mindanao and ASEAN Childrens’ Literary Festival. Dalawa sa kanyang mga akda ay bahagi ng Kagawaran ng Edukasyon ng Grade 7 Curriculum para sa pabula at alamat.
Naging fellow siya ng rehiyonal at nasyonal na creative writing workshop gaya ng Davao Writers Workshop 2017, Palihang Rogelio Sicat 2018, Iligan National Writers Workshop 2018, UST National Writers Workshop 2021, at UP Film Institute Writing Workshop 2023.
Ang kaniyang mga akdang maikling kuwento, tula, at personal na sanaysay ay kabilang sa iba’t ibang literary journal, online journal, magasin, antolohiya, at mga pamahayagan gaya ng Sun Star Davao, Dagmay, Philippine Graphics, Likhaan Journal, Alpas Journal, Bangsamoro Literary Review, at Cotabato Literary Journal, Agos Journal, at iba pa. Sa taong 2021 ay parehong inilabas ang kaniyang mga kauna-unahang mga aklat na Silong na binubuo ng 12 maikling kuwento at Kulintangan at Gandingan ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang kanyang mga malikhaing akda ay kasasalaminan ng wika, kultura, at lipunang Bangsamoro upang tugunan ang gap ng kalagayan ng panitikan sa Pilipinas. Naging tagapagsalita at tagapagsanay na rin siya sa mga rehiyonal at nasyonal na seminar, kumperensiya, at seminar na ang tuon ay wika, kultura, lipunan, at malikhaing pagsulat.
Sa kasalukuyan ay Associate Member siya ng National Research Council of the Philippines sa ilalim ng Humanities Division-Literature Unit. Siya rin ay opisyal na rehistradong manunulat at editor ng National Book Development Board of the Philippines at may rehistradong palimbagan (publisher) sa ilalim ng National Library of the Philippines. Ginawaran siya ng MSU-Gensan ng Academic Personnel Development Program Scholarship simula noong 2025 at sa kasalukuyan ay kumukuha siya ng programang PhD Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines-Diliman.