Sa Medea ng Tanghalang Ateneo, naitanghal at naipaalala ang bisa ng mga klasikong teksto kahit hindi man direktang inilalapat at inilalapit sa kaligiran o kabihasnan kung saan ito itinatanghal. Ang pagsasalin ni Rolando S. Tinio sa Filipino ang nagpapatunay na may talab at mahika ang sariling wika: mula man sa ibang panahon at kultura, naiugnay ng isang matapat na salin ang dayuhang pinagmulan at ang inuugnayang kasalukuyan. Nanatili ang kakayahan ng tekstong kumunekta sa mga manonood na sumubaybay sa pagtahak ni Medea sa daang trahedya.
May takot dahil ang mga naranasan ni Medea sa kaniyang panahon ay nangyayari pa rin sa kasalukuyan, bilang isang babae at bilang isang ina sa isang masalimuot na daigdig. May takot dahil sa isang pitik, isang napakalakas na putok, maaaring maipadama ang kalungkuta’t galit na bunga ng pagtitiis at paghihinagpis. Tila tinatanong tayo ng dula patungo sa isang reyalisasyon: ang paghihiganti ba ay porma ng wika o ugnayan bilang tugon sa pang-aalipusta o kawalan ng galang, o produkto ng ngitngit dahil tuluyang nagpadala sa pagkabasag ng puso at pagkabubog sa mga piraso nito? Pinatitimbang kung ang pag-ibig, digmaan, buhay at kamatayan, ay usaping lampas sa pagkapanalo at pagkatalo.
May takot , lalo nagpatingkad sa sindak ng trahedya ang mahusay na pagganap ng mga artista sa dula. Ramdam ang hapdi sa sugat ng isang ina. Ang pagkalambot at ang masakit na pagtanggap ng mga tagasilbi. Ang pagkainis at pagkaawa sa ama. Ang kalungkutan ng isang kaibigang naging saksi sa pagguho ng kinakaibigan.
Bukod sa pagbibigay-pugay sa likha at kagalingan ni Euripides, naging makabuluhang pag-alala at pag-aalay rin ito ng sining at pagmamahal ng TA sa kanilang mentor na si Dr. Ricardo G. Abad. Ang klasiko ay mananatiling pundasyon–kung hindi man isang modelo o gabay na maaaring balik-balikan–ng bawat dulang itinatanghal at itatanghal pa lamang.