Superpowers sa tunay na buhay
Kumbinsido ako noon na mayroon akong lihim na kapangyarihan. Kapag tinititigan ko kasi ang isang bagay na naaarawan, hindi magtatagal, ito ay malililiman. Walang palya – kailangan ko lang bumilang hanggang lima, at sigurado pa sa pagsikat ng araw na titigil ang pagsikat ng araw sa bagay na aking tinitingnan.
At kahit na ako’y mataba, lampa, palaging nadadapa o sumesemplang sa bisikleta, mabagal tumakbo at laging talo o taya sa mga larong pangkalsada, magaling akong humuli ng tutubi. Inilalagay ko sila sa pinalobong plastic bag o malinaw na garapon, at saka pakakawalan pagkagat ng dilim.
Pero kaakibat ng pakiramdam na mayroon akong superpowers ay ang sumpa ng pakiramdam ng pagiging iba. Hiniling ko ngang kahit wala na lang akong kapangyarihan basta maging katulad na lang ako ng karamihan.
Maraming bagay ang nakapagparamdam sa akin na hindi ako bagay o kabilang sa mundo kong ginagalawan, sa bahay man o sa eskuwela.
Una, hindi kumbensyunal ang pamilya kung saan ako isinilang at lumaki.
Labing-anim na taon ako nang mamatay ang nanay ko dahil sa cancer, pero matagal na siyang nawala sa akin bago ito. Anak ako sa pagkadalaga na iniwan niya sa pangangalaga ng kanyang ina noong ako ay pitong taong gulang. Bumuo siya ng sarili niyang pamilya at ni hindi sumagi sa isip niya na isama ako.
Sasama naman sana ako. Pero hindi siya nagtanong.
May tinawag akong “Papa” – ang tiyuhin kong si Papa Edwin. Bunsong kapatid ni Mommy. Guwapo, bigotilyo, bakla. Ginusto niyang magpari pero ayaw ni Lola, nag-aral ng medtech pero nag-drop out sa kanyang huling taon, naging faith healer at leader ng block rosary sa aming lugar pero kinailangang mamasukan sa munisipyo bilang medical aide noong nagretiro si Lola. Siya ang kasama namin sa bahay.
Sinabihan akong tawagin kong “Daddy” ang aking madrastong si Rudy, pero nanliliit ako nang sinubukan ko ito, kaya hindi ko na lang siya tinawag na kahit ano. Hindi ko siya tinawag, period. Hindi rin naman napalapit ang loob ko sa kanya ni minsan.
Noong una kasi, ang sabi sa akin ay patay na ang tunay kong ama. Habang lumalaki ako, napagtanto ko na buhay pa pala siya, at hindi sila kasal ng nanay ko dahil mayroon siyang sariling pamilya. Anak na nga ako sa pagkadalaga, anak pa pala sa labas.
Ikalawa, nariyan si Flash.
Flash ang tawag ko sa sa di-maipaliwanag na pakiramdam ng ligaya at pagkaganap. Dumarating siya minsan kung umuulan o takipsilim, kapag nakatitig ako sa bintana ng sasakyang umaandar, kung may view ng langit o mga puno o dagat o mga ilaw sa siyudad, kapag naapektuhan ako ng musika, akda, larawan, o palabas.
Makislot si Flash. Dumarating siya nang biglaan at agad nawawala. Habang nariyan siya, halos hindi magkasya sa isip ko sa mga salitang nais sulatin, kagandahang maaring danasin. Ideyal na may hawak na ballpen para subukang magsulat at hulihin siya at ang pagka-glow up ng paligid. Pag-alis, bumabalik na rin ako sa “normal” na daigdig, parang bumabagsak at nanlulupaypay, at ang sandali ay nawawala na habambuhay. Kahit balikan ko sa normal na panahon ang mga ideya at pakiramdam, hindi na sintingkad, o mayroon nang nakalimutan.
Ikatlo, sa edad na 17, gumawa ako ng isang pangako nang wala sa huwisyo.
Marahil ay ginusto kong hindi na maging iba kaya’t maaga akong nag-asawa. May istruktura ang buhay may-asawa. Tiyak at malinaw ang mga tawag at papel. Araw ng 18th birthday ko, nasa munisipyo ako ng Valenzuela at nag-aapply ng marriage license. Pitong buwan akong buntis, scholar kuno pero walang muwang sa kanyang ginagawa.
Sinabi ko sa sarili kong hindi ko hahayaang maapektuhan ng maaga kong pag-aasawa ang scholarship ko at timetable sa pagtatapos. Kailangan nang kumita para hindi na nakasandal sa mga biyenan. Kinaya naman pero mahirap. Nang matapos ko ang AB ko sa loob rin ng apat na taon, dalawa na ang anak ko. Sa edad 21, ang college graduate ay isa ring ulirang ina, masunuring asawa, at mabait na manugang.
Dahil pinagsabay ko ang buhay-estudyante at buhay may-asawa, halos maglaho ako para sa aking mga kaibigan. Wala ako sa mga litrato ng mga lakad at outing nila. Noong mga panahong iyon, namumuhay sila nang ayon sa aming edad. Gumigimik, sumusubok makipagrelasyon, nagpaplano ng kanilang kinabukasan, nagta-trial and error sa buhay. Magsinggulang kami pero pakiramdam ko, ang tanda-tanda ko na.
Kaibigan ko silang pinagkukuha kong kumare sa binyag pero hindi ko sila palaging nakikita at nakakausap. Iba na kasi ang aking mga prayoridad. Nag-alala rin ako na sa tingin nila, masyado na akong naging boring, o weird, o mature, o hindi na ako bahagi ng kanilang mundo. Naging mundo ko ang aking pamilya sa pag-aakalang ito na ang sukatan ng tagumpay.
Itong mga bagay na ito ang nagbunsod sa aking isipin at maramdaman na ibang-iba ako sa lahat ng tao, kahit pa iyong mga malapit sa akin. Hindi ko sinasabing higit ako o mas magaling sa kanila. Sa katunayan, parang kabaligtaran pa nga. Tumindi pa ang aking inferiority complex kahit madalas ay matagumpay ko itong naitatago. Tunay ako nag-struggle na maging katulad ng iba, na maging isa sa marami, pero imposible.
Nakakaparalisa.
Pagsusulat ang aking takbuhan, kanlungan, at tagapagligtas. Sa pamamagitan ng pagsusulat – una, ng mga journal entry pagkatapos ay mga sanaysay at tula – nahuhuli ko at nabibigyang-ngalan ang mga malalaki at nakakasindak na bagay na nararamdaman ko tungkol sa ibang tao, sa mundo, sa nakaraan at hinaharap, sa sarili. Nabibigyang-titik ko sila, napagkakasya sa pagitan ng mga guhit sa aking steno notebook. Kahit paano, nadadaig ko. Pagkatapos ko magsulat, naiibsan ang pagiging overwhelmed, nababawasan ang karahasan ng panloob na mga bagyo. Nagkakaroon ng kaunting linaw. Kaunti, hanggang sa susunod na araw.
Pero lumalaki rin ang responsibilidad sa tunay na buhay. Habang tumatagal, nababawasan ang oras ko’t lakas para sa pagsusulat. Nagsunod-sunod ang dating ng mga bata. Nagpatong-patong ang mga hamon at suliranin, pati ng mga materyal na pangangailangan. Sa gabi, sa aking paghiga, patang-pata ang aking isip at katawan sa kaliwa’t kanang intindihin.
Life gets in the way, sabi ko sa sarili ko. Ganito siguro talaga pag tumatanda.
Tuloy, nanlulumo ako tuwing natatapos ang isang araw na wala na naman akong naisulat, o kung mayroon man ay para sa trabaho lang na kailangan kong gawin para masuwelduhan. Napaglubugan na naman ako ng araw habang nakakulong sa mga silid na walang bintana.
Twentysomething, pero nauupos na.
**
Pagtuntong ko ng edad 30, ang mga pagbabago sa personal at propesyunal kong buhay ang nakapagpaalala sa akin na kailangan kong balikan ang pagsusulat. Hindi lang bilang libangan o dibersiyon mula sa tunay na buhay, kundi kaagapay sa bagong buhay kong binubuo.
Labintatlong kasi taon pagkatapos ng aking kasal, lumihis na naman ako sa “normal” na ruta. Nilayasan ko ang kumbensyunal na buhay pamilyang sinikap kong buuin at panatilihing buo sa abot ng aking makakaya.
Hindi ko na kinaya. May karay-karay pa akong apat na bata sa desisyon kong ito.
Taong 2008, unang nauuso ang mga web logs, o mas kilala sa tawag na blog. Manghang-mangha ako na maaari nang ariin ng kahit sino ang isang maliit na bahagi ng internet at gawing lunsaran ng kahit anong nalikha na. Nakabili na ako ng mumurahing laptop na nakuha ko nang installment. Syempre pa, gawa ako agad ng blog.
Wala akong ilusyong ako’y bata o inosente. Sa edad na 32, ang dami ko nang napagdaanan at wala sa mga ito ang nakatulong para maibsan ang pakiramdam ko ng pagiging iba sa lahat. Ang mga kaibigan ko, nagpapakasal, nagsisimulang mag-anak. Ako, dalaga na uli. Dalaga na, sa wakas.
Nitong mga panahong ito, isa akong editor at manunulat sa isang pahayagan, pagkatapos ng ilang taon ding patalon-talon sa pribadong sektor at gobyerno. Sa peryodismo, nabuo ang linyang naghihiwalay sa aking pampubliko at pampribadong panulat. Sa buhay publiko, nagsusulat ako ng komentaryo tungkol sa mga nagaganap, at di nagaganap, sa ating lipunan. Kumakausap ako ng iba’t ibang tao, mula sa mga CEO at akademiko hanggang sa mga community worker at mga magsasaka, para mailahad ang mga kuwento nila. Yumayaman ang buhay ko sa pakikipag-usap ko sa kanila.
Bukod sa pahayagan, at dala ng pinansyal na pangangailangan, mayroon din akong samu’t saring sideline – “abogading” o “labada” o “raket.” Dito ko rin naman natitisod ang mga kuwentong hindi ko maririnig kung nalimitahan ko ang aking sarili sa apat na sulok ng newsroom.
Ito rin ang paraan ko ng pagbibigay ng isang social dimension, o ng layunin at mas malaking misyon, sa pagsusulat bukod pa sa pansariling pag-cope sa pakiramdam ng pagiging iba. Dahil labas na sa sarili ko, nabibigyang boses ko na ang mga dati ay walang kapasidad na maglahad ng kanilang sitwasyon. Sa maliit na paraan, baka nakakatulong na rin na magtulak ng kilos at kaisipan sa mga nasa posisyong humilos. Kahit paano, pupukaw ng damdamin para mag-iba ang tingin o mapag-isipan ng marami ang iba’t ibang estado o sitwasyon.
Pero nakakatakot isulat ang kuwento ng may kuwento, kung nais mong gawin sa isang etikal na paraan. Mas mabuti pang sarili na lang ang usisain para walang pagkakamali sa akala na puwede mo palang ariin ang kuwento ng iba.
Pero sa pagsusulat tungkol sa sarili at paglalathala nito, mayroon ding agam-agam. Palagi akong nag aalala na masabihang, paki ba ng mambabasa sa personal kong buhay? May kinalaman ba sa mundo yang mga toxic kong mga pinagdaanan para i-self-soothe ang batang ako o mabawi ang boses ko bilang babae?
May mga naunang pagtatangka na akong basagin ang dikotomiya ng publiko at pribado, ang burahin ang linyang naghihiwalay sa dalawa, dahil ganoon naman talaga. Kahit gaano kapubliko at kalawak ang mga isyu, may sarili tayong danas sa mga ito. At gaano man ka pribado sa tingin natin ay mayroon ding mas malaking dimensyon na nakakaapekto sa ibang tao.
Sa “pag-uwi” ko sa panitikan mula sa peryodismo, simplistiko kung sasabihing bumabalik lang ako sa tunay na gusto kong gawin. Hindi naman talaga ako tuluyang umalis. Pero hindi simpleng pagbabalik ang aking ginagawa. Sa mga taon ko kasi bilang peryodista, lumawak ang aking pananaw, natuto ako ng mga leksiyon – mamili kung anong paksa ang mahalagang isulat, planuhin ang mga artikulo, kumausap ng higit sa isang source, at makasulat ng output bago ang deadline. Natuto rin akong sumalba ng mga istorya kapag hindi umaayon sa plano ang nangyayari, halimbawa ay umatras ang mga nagsabing magpapa-interview sila. Nakita ko kung paano sumikat ang ibang istorya dahil lang “sexy” kahit na may iba pang mas mahalaga kaysa kanila, at nito lang mga nakaraang taon, kung paano naungusan ng “nakakaaliw” at “madali” ang mga nakasananayan nang ugali ng paggalang sa katotohanan. Sa mga taong ito, na-develop ang aking “nose for news” – kung ano ang mga isyu na tunay na bumabagabag sa ating bansa at mga tao.
Gusto kong isiping mas matibay na ang kaalaman ko kung ang ang gusto kong makamit. Una, gusto kong aralin ang disiplina ng malikhaing pagsulat para magamit sa paggawa ng mas mahuhusay na piyesang pamperyodismo tungkol sa mga paksang mahalaga sa akin at sa mas malawak na konteksto. Hangad kong magpakita ng nuances at complexities habang nahahawakan rin ang interes ng nagbabasa. Hangad kong maging sobrang interesado sila na may gagawin sila higit pa kaysa magbasa lang sabay sabing “ang ganda!”
Lahat naman kasi, naisulat na. Mapa-peryodismo, mapa-panitikan. Ang dami nang naisulat tungkol sa mga sakit ng lipunan. Mga ordinaryong taong gumawa ng mga extraordinaryong bagay. Mga pulitikong iba ang sinasabi sa ginagawa. Hindi nauubos ang mga akda tungkol sa pag-ibig, kamatayan, ligaya, hinagpis.
Paalala ko sa aking mga estudyante: Aariin mo ang piyesa mo sa paraang ikaw lang at wala nang iba ang maaring gumawa. Magsabi ng hindi pa nasasabi. Hikayatin ang mambabasa na tingnan ang isang di-bagong isyu sa di-karaniwang paraan. Magbigay ng value-added sa usapin.
Paalala rin ito sa sarili.
Ilang beses na akong iniligtas ng pagsusulat. Biyaya na, at hindi sumpa, ang tingin ko sa pagiging iba. Alam kong hindi lahat ay binigyan ng ganitong regalo (na puwede ring maging latigo, ayon kay Truman Capote sa Music for Chameleons). Kaya naman nagko-commit na ako hindi lang sa buhay ng pagsusulat, kung hindi sa manaka-naka hanggang madalas na paghinto saglit at pagninilay sa kung paano ko ginagawa ang ginagawa ko para mapagbuti ko pa ito.
Sa huli, hindi natatapos ang poetika. Itong papel na ito ang poetika ko AS OF TODAY. Marami pang mangyayari at mararanasan, taong makikilala at gusot na papasukin at lalabasan. Hindi isang neat package ang poetika ng isang manunulat. Hindi linear o two- o kahit three-dimensional. Maraming sabit-sabit, pabalik-balik, paliko-liko, paiba-iba. Mahirap ikahon; maraming kontradiksiyon.
Kinasasabikan ko na ang mga susunod na araw, ang mga di-pa naisusulat na akda, mga bagong karanasan, mga bagong pagtingin sa mga naranasan na, at pagsuri sa dinamikong poetika sa paglipas pa ng panahon. Tunay ngang maraming hamon ang tunay na buhay. Pero ang panulat ay hindi hiwalay rito kundi bahagi nito. Maraming naghihintay na ibang responsibilidad sa trabaho at pamilya. Pero hindi katulad noong aking kabataan, noong ako’y isang batang ina na madaling ma-overwhelm sa mga inaasahan sa akin ng ibang tao, ngayon, tahasan kong ilalaban ang paglikha.
Maraming kailangang gawin, may perang dapat kitain, may mga obligasyong kailangang gampanan. Pero kasama sila sa patuloy na paghubog ng pagkatao at pagdanas sa buhay na siya namang pinaghuhugutan ng mga bagay na isusulat. Kung walang ganitong mga karanasan, walang maisusulat. Mananatiling blanko ang papel.
Hinding-hindi ko na sasabihing “life gets in the way.”
Wala na akong ilusyon ngayon. Ang superpowers ko noon, tanggap ko nang hindi tunay. Alam ko nang lahat ng bagay ay naghahalinhinang naaarawan at nalililiman. At mabagal na siguro ang aking reflexes at mauga na ang kamay para makahuli ng tutubi. Kunsabagay, dekada na rin simula nang huli akong nakakita ng tutubi.
Ito ang napagtanto ko: hindi hadlang sa pagsusulat ang tunay na buhay. Wala ring masama sa pagiging iba – ang totoo, lahat ay pare-pareho sa pagiging iba, at hindi tayo higit o kulang dahil dito. Makakapagsulat, makakapagsulat lamang, kung pipiliing mabuhay at dumanas nang ganap.
Ito ang tunay na kapangyarihan.
ABOUT THE AUTHOR
Nagtuturo ng peryodismo sa College of Media and Communication sa UP Diliman si Adelle Chua, habang nagsusulat ng opinion at feature pieces para sa Manila Standard at Rappler. Bago ito, labing-anim na taon siyang opinion editor sa Manila Standard. Nagtapos si Adelle ng AB in Literature (English) at MA in Journalism sa Ateneo de Manila at kasalukuyang kumukuha ng doktorado sa Malikhaing Pagsulat sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP. Noong isang taon, nagkamit siya ng ikatlong gantimpala para sa Sanaysay sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Nitong Hunyo, napili siyang fellow para sa Creative Nonfiction sa Silliman University National Writers Workshop. Tubong Valenzuela City at kasalukuyang nakatira sa Quezon City si Adelle.