Review: Karne of Far Eastern University Theater Guild

Ngayong nalalapit na kapaskuhan, masayang balikan ang napakaraming naihain at naitanghal na dula ngayong taon. Sa ating balik-tanaw, naroon ang pagdiriwang sa mga tagumpay, at pagpupugay sa mga planong lulutuin pa lamang. At sa usapin ng mga kahalina-halinang putahe, isa sa mga marapat kilalanin itong “Karne,” adaptasyon ng maikling kuwento ni Roald Dahl na pinamagatang “Lamb to the Slaughter,” at naisulat noong 1953. Ang bersyong 2025 ay sa panulat at direksyon ni Dudz Teraña, isang Senior Artist-Teacher sa Philippine Educational Theater Association (PETA), at kasalukuyang artistic director ng Far Eastern University (FEU) Theater Guild (FTG). Alamin ang iba’t ibang dahilan kung bakit mapasasabi ka nang “ka lami” (napakasarap) sa dulang ito.

 

Adaptasyon bilang Putahe:

Sa usapin ng adaptasyon, ang kanilang rekados sa paghango mula sa orihinal na materyales ay naiangkop sa lasa ng kulturang Pinoy habang nanatili ang esensiya ng orihinal sa paggigisa nito. Kumakapit pa rin ang amoy ng kawalan ng kapangyarihan ng kababaihan (patriyarka), klasismo, at kawalan ng balanse sa kapangyarihan para manatili ang mga nasa puwesto. Nagdagdag ng rekados katulad ng paglahok o paghain na lokal na wika (Cebuano), kung saan lalong naunawaan at naitampok ang mahika ng istorya, habang hindi nakakawala sa inilatag na konteksto at naratibo nito. Higit sa lahat, bakas na bakas sa adaptasyon ang kaugalian ng pagka-Pinoy at pagiging komunal nito, sa mga masasaya at panatag na bahagi ng dula. Nagtagumpay ang adaptasyon na mapalapit ito sa konteksto ng Pinoy, habang hindi nawawala ang orihinal na lasap sa danas ng orihinal. Great dish!

 

Sugar, Spice, and Everything Nice

Sa pagluluto nila ng dula, tamang-tama ang paghahalo ng tono nito na nang-aaakit ng manonood,  upang mapasama sa mundong ginagalawan ng dula. Tama ang timpla ng dark comedy. Tumatadyak ito sa bawat pagnamnam ng sarap sa eksenang pinapanood. May kakayahan ang dulang manggayuma at manglikha ng ilusyon dahil sa mga aktor nito at kung paano nila binuno ang karakter bilang tunay na tao. May sarap silang panoorin sa puntong may pagpaparamdam na ito’y isang dula lamang, at nanghiram lang ng katawan ang mga karakter sa mga aktor. May kakayahan ang mga aktor na lumikha ng ilusyong kasama ang manonood sa handaan nila. Sa kabila naman ng saya, naroon ang pag-aalala o pagkabalisa dahil alam mong may mangyayaring masama, at sa tuwing papasok ang karakter/tao na ito ay nalalasahan mo sa hangin ang pait na handog ng eksena.

Sa kumpas ng direksyon, ang mga monologo o claims ng mga karakter/tao ay nagtagumpay upang maihain itong “whodunit” na aspekto ng dula. Dahil sa ganoong pagtitimpla, naging engaging o interactive ang karanasan ng mga manonood. Hindi nakakawalang-gana. Hindi nakaduduwal. Tamang-tama sa panlasa.

Pag-Ibig ay Kanibalismo III

Masarap ang pagkain lalo na kung ito’y may lahok na secret ingredient–gaano man ka-cliche–ang pagmamahal. Nagtagumpay ang dula sa pagpapakita ng iba’t ibang lasa ng pagmamahal at kung paano nito kinakain mismo ang pagmamahal nang buong-buo. May pagsusuri kung paano ang obsesyon at tradisyunal na pag-ibig ay maaaring mabilis na maging nakalalason at marahas base sa magkakaibang antas ng kataksilan. May pagsisiwalat din dito kayang humubog ng pag-ibig sa pagkakakilanlan ng isang tao; may pasasatahimik, pagtitiis, paghihintay, pagiging kontento kahit pumapait at nakakasakit na sa lalamunan ang taglay na lasa nito. May kakayahan ang pag-ibig na maging mapanganib na obsesyong nagpaparupok sa isang matinding sakit ng pagtanggi, pati na rin ang pag-iiba-iba ng anyo at realidad. Hinahamon ng kuwento ang inaasahan ng lipunan sa kababaihan at kapangyarihan sa loob ng tahanan. May paghamon sa inaasahang hulma ng isang may-bahay, lalo’t ang tinutuluyan ay nagiging isang kulungan ng pagtitiis dahil sa paglingkis ng titulo at pagmamahal na hinahanap-hanap ng panlasa.

 

Itong “Karne” ng Far Eastern University Theater Guild ay salu-salong nagtatanghal sa tagumpay ng teatrong nakabase sa akademya, laro sa adaptasyon at eksperimentasyon, at pagpapatotoong buhay na buhay at yumayaman ang teatro sa bansa. Kapana-panabik ang mga susunod pa nilang iluluto at itatanghal. Para sa karagdagang impormasyon sa mga darating pang proyekto, puntahan at i-follow lamang ang kanilang mga social media page.

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101