Ngayong Art Months at sa darating na araw ng mga puso, nagpapaalala ang Kolab Co. na ang dalamhati ay isang porma ng pag-ibig at isang lagusan din patungo sa iba pang mga anyo at porma ng pagmamahal. Ang Lamay in Malaya, patunay sa pangalan nito, ay isang koleksyon ng danas at muning parang mga bisita sa lamay na pinagsama-sama sa isang kaganapan. Gayumpaman, taliwas sa pangalang pinaglalamayan, nagtagumpay ang dula upang maging buhay na buhay ang pag-alala sa mga lumisan at nilisan. Parang hindi tayo bumisita para sa namatayan, tayo’y pinagbuklod upang sama-samang mahalin ang mga bitak at lamat ng paglisan.

Hindi Kita Malilimutan:
Napakaepektibo ng pormang immersive sa konsepto ng lamay. Napakalapit ng lahat, literal man at sa matalinghagang paglalarawan. Hindi nawala ang bakas ng pagiging Philippine Theatre sa bawat paglipat-lipat ng mga tao para makita kung ano ang pagdadalamhati at hinagpis ng mismong espasyo. May wangis at anyo ang pag-ibig, at makikita ito sa bawat kabanata ng pagtatanghal sa kanilang pangungulila. Ngunit ang naratibo naman ng dula ay hindi nakalilimot na sa bawat lubog ay may pag-ahon. May kalma at lumanay ang paraan kung paano mo ito tatanggapin. May paggabay ang teksto tungo sa paglalagom ng dula. Lumilihis man sa nakasanayang linear na pagkukuwento, may interseksyon na magkikita-kita at maaaring mapagkuwentuhan habang kumakain ng biskwit at kape, habang nanonood ng mahjong, o mahikayat sa offer na mag-avail ng St. Peter Funeral Plan.
Huwag Ninyo Muna Isasara:
Epektibo ang paghihiwalay ng kabanata ng mga pagtatanghal sa iba’t ibang epasyo ng venue. May pagtutulak ng pag-uusisa sa kung ano ang nasaksihan at napadama sa ibang kabanatang pinanood. May paghahangad na kahilingang gusto mapanood ito muli. May pagnanais at pag-iinggit na sana ito’y mapanood at kung paano maitatahi sa iba pang ranas na tumatawid sa lamay para pagburolan.
Pagpag:
May pagsasalamin man sa talagang nangyayari sa isang burol, nanaig pa rin ang isang paalala na ito’y isang pagtatanghal. May pag-aalaga sa paghain ng naratibo sa pagsasabalido ng mga emosyon na minsan nakukulong sa isang kabaong ibinaon sa paglimot. May kalayaan na sa pagpili kung ito’y dadamhin o palalayain.
Hindi ka iiwan ng naratibo sa silyang inuupuan. Kasama ka sa ritwal ng mga aktor sa kanilang pagpag.
Kung nais makahabol sa pakikiramay sa Lamay in Malaya, maaaring bisitahin ang kanilang social media page na Kolab Co. Huwag magsusuot ng pula at baka makabog pa ninyo ang pinaglalamayan!


