Review: Teatro Meron’s Waiting For Godot

Sa panahon at henerasyong nagkukumpitensiya para sa sipat at pandinig na parehong maiksi, kasabay sa paghahanap ng identidad ng Teatrong Pinoy na hangad at bahagi ng bawat naratibo, may katanungan kung ano ang matinding pangangailangan sa pagtatanghal ng ganitong mga piyesa? Sagot ng direktor na si Ron Capinding, “Classics are Timeless.” Isang testamento na rito ang Waiting for Godot ni Samuel Beckett, na itinanghal ng Teatro Meron. 

Classics are Timeless

May pagsubok madalas ang pagsasaentablado ng mga klasiko. Bukod sa wika nito at kung ano ang iwiniwika, nagbubuklod ito sa makamasa, kontemporaryo, at Pinoy na lente, habang nagiging tapat pa rin sa orihinal. Sa tulong ng iba’t ibang elementong taglay ng dula, malinis na naitatawid ang kabuuang timeless—napapanahon sa habampanahon. Ang tagpuan nito na may pagbase sa kung ano ang ginawa ng Israel sa Palestine; ang accent o diin ng salita sa pagbigkas ng mga linyang Ingles na may teksturang Pinoy; ang kolorete sa mukha na may paghahalaw sa mga payaso at ang mga masakit na “biro” sa gitna ng gera. Higit sa lahat, ang konsepto ng paghihintay na may pagsalamin sa “Filipino resiliency” kung tatawagin.

Mga Kasama sa Paghihintay 

Isa sa mga aspekto ng dula, kung bakit naging matagumpay ang naratibo nito, ay ang magandang samahan at bigayan ng karakter nina Vladimir at Estragon, na ginagampanan nina Tarek El Tayech at Jesus Joseph Ignacio. Napakaklaro ng mga unit kung saan ka matatawa, mapapatanong, at sasama sa mapanglaw na parte ng dula. Masasabing sila ang dahilan sa pagtibag ng pader na humaharang sa pag-intindi ng wika dahil sa linis, at sa aksyon nila sa mismong dula. Kung anong kulit at ligalig ng dalawang karakter, naroon naman ang pagbabalanse ng karakter nina Pozzo at Lucky, na ginampanan nina John Bernard Sanchez at Lenard Tiongson. May pagbabalik sa kung anong mundo ang ginagalawan ng mga karakter at kung gaano kasalimuot at napaka-dystopian ng tagpuan. Sa pagbuo ng kanilang rapport, nasusubok at nahuhulma ang angkop na timpla pa ng trahedya at eksistensya ng dula. Napakalakas din ng stage presence ng Bata na ginanapan ni Yaek Ledesma, na nagpapadagdag ng katanungan kung gaano pinaglalaruan ng tanong ang kanilang paghihintay.

Silbi’t Dusa: Ang pagtanggap ng Walang-Wala

May katanungan kung paano lumalapit ang ganitong classic play sa kasalukuyang panahon. Ngunit baka mali ang tanong na paano palalapitin at mas angkop hanapin kung ano ang tumbas nito na mayroon na sa atin. Iba man ang kultura, may koneksyon sa dusa—ang malawakang wika ng buhay. Katulad ng paghihintay kung may darating o wala, na ang dala ay isang pag-asang darating ang isang bagay bagaman hindi alam kung ano ang magiging porma o wangis nito. Basta nakikilala at nauunawaan ang esensiya, pag nariyan na. Baka nagiging “timeless” ang klasikong dula dahil katulad ng paghihintay nila, ang sining at pag-asa ay isang paikot-ikot at paulit-ulit na umaalis at dumarating. May kahilingan na sana ang mga iba pang klasikong dula ay maitanghal pa. 

 


Kung kayo ay may palabas o produksyong nais ma-cover o maitampok ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, magpadala lamang ng email sa hrsallador@up.edu.ph at icw.upd@up.edu.ph.

More Events

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101