Session 4: Ang Batang Nagtanim ng Kwento
Fellow: John Bryan R. Balolong
Moderated by: Luna Sicat Cleto
Nakatago sa payak na pananalita ang mga malalim at kumplikadong tema na gustong talakayin ng kuwento.
Ganito ipinakilala ni Luna Sicat Cleto ang “Ang Batang Nagtanim ng Kwento” ni John Bryan R. Balolong. Sa kaniyang lektyur, inilarawan ang mga tauhan ng katha bilang mga butal o remainder ng kanilang mga sarili. Nakalubog ang mga ito sa materyal na karanasan ng mga Pilipino na akala mo’y simple pero mala-kalawakan ang kompleksidad.
Nabanggit ni Balolong na nais niyang hagipin ang paraan ng pakikipagkuwentuhan sa kanilang probinsya. Inihambing ito ni Sicat Cleto sa tipo ng kuwentuhan sa probinsya ng kaniyang ama: mga impormal at magdamagang umpukan ukol sa sari-saring paksa. Konsistent ito sa pahayag ni Balolong na mas kinikilala niya ang sarili bilang tagakuwento sa halip na manunulat.
Sentral sa akda ang pag-alala sa pamamagitan ng pagkukuwento. Itinala ni Sicat Cleto na magkasinghalaga ang paggunita sa paglimot. Ang pagkalimot ay hindi nangangahulugan ng amnesia kundi ng “selective forgetting” na nagbibigay-daan sa mga bagong tipo ng pagsasalaysay.
Maraming pumuri sa temang napili ni Balolong na pinagmulan din ng ilang mga puna. Para kay Eugene Evasco, bagaman malinaw ang ideya ng paglaban sa pagkalimot, maaari pang paunlarin ang indibidwal na mga kuwento. Paalala niya, “Ang kuwento ay hindi nabubuo sa pagpili lamang ng magandang konsepto. Hindi iyon ang trabaho ng kuwentista. Ang trabaho niya ay magkuwento.”
Inusisa rin ang world-building ng akda. “The devil is in the details”, puna ni Will P. Ortiz. Nais niyang palaguin at palalimin pa ang pagsasalarawan sa mga detalye ng kuwento, gaya ng mga butó na natagpuan sa baul ng bidang si Iban. Tinanong ni Maria Arceli Bagyan kung ano ba ang tinutukoy na “kuwentong malakas” sa katha na makatatalo kay Kalimotan (pagkalimot)? Hiling ni Alpine Moldez na linawin pa ang dynamics o batas ng mundong ginagalawan ng mga karakter. Tinanong ni Ashley Cua kung saan nagmumula ang kaalaman ni Iban. Minungkahi ni Maverick Alviar na tutukan ang mga kilos at paggalaw ng mga karakter bukod pa sa mga sensoryal na paglalarawan.
Isa pa sa mga puntong tinalakay punsiyon ng mga bata sa kuwento. Ayon kay Khristina Alvarez, ang mga bata ay tila nagiging pigurang simbolikal lamang. Puna ni Alma Tucay, nangingibabaw ang mensahe kaysa sa pangyayari. Napansin din ni Moldez na maraming karakter ang hindi lubos na naipapakilala. Nangamba si Christopher Rosales na masyadong abstrakto ito para sa mga mambabasa. Ang usapin ng ahensiya ay maaaring matugunan sa paggamit ng active voice, payo ng ilan sa mga kalahok.
Matapos ang talakayan, sinabi ni Balolong na ang mga lugar at karakter sa kaniyang akda ay nakabase sa mga tunay na lugar at tao. Ninanais niyang ipaloob sa mga kuwentong pambata ang mga isyung panlipunan, gaya ng pangangamkam ng lupa mula sa mga magsasaka. Bilang tugon dito, minungkahi ni Elyrah Salonga-Torralba na maaaring subukang isulat ang kuwento sa pananaw ng lupa.




