Day 4 of the 10th ALBWW: Session 12, Royal, Lari Sabangan

Session 12: Royal
Fellow: Lari Sabangan
Moderated by: Elyrah Salanga-Torralba

“Bakit Pipiliin Ko ang Royal?”

Nasa anyo ng berso ang introduksiyon ni Elyrah Salanga-Torralba sa kuwentong “Royal” ni Lari Sabangan. Ipinakilala ito bilang isang alamat ng bulok na sistema, ng kalusugan at welfare. Tampok sa kuwento si Bado at ang kaniyang kuryosidad, pagtataka, at childlike wonder. Madalas ang pagkamangha ay nanggagaling sa mistikal o mahikal, pagpapatuloy ni Salanga-Torralba, pero sa kuwentong ito ang pag-inom ng Royal softdrink ang kagilagilalas. “Ang sense of wonder ay nasa karaniwan.”

Maingat ang pagkakabuo sa paglalakbay ng bida para kay Luna Sicat Cleto, ang detalyado nitong paglalarawan sa pagpunta sa destinasyon at sa pagbabalik. Inihambing ito ni Eugene Evasco sa popular na Hapones na palabas na “Old Enough”.

“[An] accumulation of folk remedies, a catalog of communal care and ancestral belief.” Ito ang pagsusuma ni Khristina Alvarez sa mga tema ng kuwento. Para kay Evasco, mahusay na naipakita ang iba’t ibang yugto ng panggagamot: mula sa prekolonyal, kolonyal, hanggang sa mga makabagong mito. Pinansin ni Maverick Alviar ang relatable na paggamit sa Royal bilang folk remedy. Nagbigay babala naman Will Ortiz hinggil sa boses ng tagapagsalaysay na tila kinukutya ang mga tradisyunal na paniniwala at pamamaraan ng panggagamot. Sinuhayan ito ni Peter Grumo na nangamba sa magiging epekto nito sa kamalayan ng mga batang mambabasa. Hiling ni Kalay Brillo na ibalanse ang tono na ipinagdiriwang ang tradisyunal na panggagamot habang pinupuna ang sistemang pangkalusugan.

Napagkasunduan na ang humor ang kalakasan ng kuwento, ang puso nito, ika nga ni Jupiter Cabig. Matatagpuan ito sa sataritikal at mala-slapstick na aksiyon na pinansin ni Caris Cruz, hanggang sa mismong pagpapangalan sa mga karakter para kay Lalaine Yanilla-Aquino. May kabig sa marami ang katapusan ng kuwento: isang eksena ng katatawanang pangkatawan. Inilarawan itong nakakadiri at nakakagulat, pero nanatiling good-humored. Sabi nga ni Ortiz, ang mga bata ang nakahahanap ng katatawanan sa mga bagay na itinuturing na bastos o di-kanais-nais. “This is sick! This is cool!” papuri ni Mia Baygan. 

Pinuri ni Kalay Brillo ang paggamit ng Hiligaynon sa kuwento na nagsilbing geographical marker ng isla ng Panay: “The more we record [our languages], the better.” Bagaman nahusayan sa pagbabanghay ng kuwento, pinuna ni Christopher Rosales ang maraming footnotes dahil naiipapahiwatig naman ng konteksto ang mga kahulugan.

Naipamamalas ang agency ng mga bata, ang kakayanan nilang humanap ng solusyon, sabi ni Alpine Moldez,. Itinala naman ni Lunat Sicat Cleto na ang wakas ay pagpapahayag ng realidad na ang mga bata’y maaaring gumawa ng mga ‘di inaasahan dahil sa takot na maparusahan. Ika nga ni Ashley Cua: “Good drama is the choice between two wrongs”.=

Ipinahayag ni Evasco nagtangka si Sabangan na bulabugin ang mga hangganan ng panitikang pambata. 

Sa pagsasara ng palihan, ibinahagi ni Sabangan na bahagi ang “Royal” ng isang koleksiyon nakalugar sa lalawigan, nasa perspektiba ng mga bata, at gumagamit ng mga teknik na magaan at komikal. Tinatanaw ng kaniyang panulat ang dekolonisasyon. Ang kaniyang wika ay naimpluwensiyan ng paninirahan sa iba’t ibang bahagi ng Panay.

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101