Session 10: Habang Umaalon
Fellow: Alma R. Tucay
Moderated by: Caris Avendaño Cruz
Inilatag ni Caris Avendaño Cruz ang mga paraan ng paglalathala bilang bahagi ng kaniyang craft lecture. Tinalakay niya ang self-publishing— ang sariling pagpopondo sa paglilimbag kung saan may full control ang awtor sa produksiyon. Ipinaliwanag niya ang pangangailangan sa mga katuwang tulad ng cover designer at freelance editor.
Sa tradisyonal na paglilimbag naman, diniinan ang halaga ng literary agent. Sa kaniyang karanasan sa industriya, ang mahusay na ahente ang makahahanap ng editor na tutugma sa estilo ng manunulat. Ika ni Cruz, “A bad agent is worse than having no agent.” Kapag napili ng editor ang aklat, siya ang makapagpapasa nito sa acquisition team na susuri naman sa marketability ng likha.
Anuman ang choice na mapili, ipinaalala ni Cruz na “published work must be polished work.” Iginiya ni Cruz ang usapin ng paglilimbag sa novel-in-progress ng guro at manunulat na si Alma Tucay.
Nagkaisa ang mga fellow sa epektibong hook, kapayakan ng wika, at gaan ng naratibo ng “Habang Umaalon” ni Tucay. Kinumpara ni Lari Sabangan at Maverick Alviar sa mga kuwentong Wattpad ang istorya ng mga highschool student na gagawa ng group project. Naengganyo si Ashley Cua at Alviar sa dulas ng diyalogo at ipinalala nito kay Kalay Brillo ang mga boses nina Bob Ong at Manix Abrera. Sinangayunan ito ni Lalaine Yanilla-Aquino na naramdaman ang maturity ng manunulat. Para kay Eugene Evasco, mahalaga ang danas ni Tucay bilang guro sa pagkuha at pagpapalitaw ng wika at kultura ng kabataan.
Bagaman ipinahihiwatig sa teksto, hinimok si Tucay na paigtingin pa ang presensiya ng mga isyung panlipunan: ang kakulangan ng paggabay sa pampublikong paaralan, child labor, mga panganib ng turismo, at ang mga usaping etikal sa paglikha ng dokumentaryo. Kailangang maging mas edukasyonal ang akda para kina Luna Sicat Cleto at Mia Baygan, halimbawa’y sa pagtuturo ng kasaysayan ng Hundred Islands o sa proseso ng pagdodokumentaryo. Suma ni Chritstopher Rosales, isipin ang transisyon mula fiction-as-control patungong fiction-as-responsibility.
Ang kakulangan sa paglalarawan ay naging signipikanteng puna. Hiling ni Cua na dagdagan ang paglalarawan sa espasyo at tagpuan. Maaari pa itong mas maging immersive o biswal para kina Khristina Alvarez at John Bryan Balolong.
Nagbabala naman si Elyrah Salanga-Torralba sa pagiging one-dimensional ang mga karakter. Dagdag ni Sicat Cleto, pagtuunan ng pansin kung paano nahilig sa pagpepelikula ang mga kabataang bida. Ipinayo ni Evasco na mas maging masinop sa wika si Tucay at iminungkahing balikan ang mga lumang nobelang Pilipino. Nais ni Erik Pingol na magkaroon ng mas matibay na ubod ang kuwento at mas iparamdam kung ano ang nakatayâ. Iminungkahi ni Will Ortiz na palitan ang pamagat at gawing mas mapag-imbita.
Sa pagtatapos, inihambing ni Tucay ang sarili sa bangus na na-debone at nalagyan ng mga sangkap. Aniya, nais niyang mapalitaw ang tema ng edukasyon vs. survival at ang mga conflict sa group dynamics ng mga bata. Malugod niyang tinanggap ang mga komento. Bagaman hindi pormal na nag-aral ng pagsusulat, pinanghahawakan niya ang baong karanasan at instinct.




