MAY NANGYARI DITO
Mga Tala sa Pagsusulat ng Tula bilang Testimonya ng Pagyayari at Paglaban
Hindi ako nagsimulang magsulat ng mga tulang ito dahil may plano akong bumuo ng koleksyon. Nagsimula ito bilang pag-iipon. Pag-iipon ng mga eksena, mga pangungusap na paulit-ulit kong naririnig sa mga komunidad, mga katahimikang hindi maipaliwanag pero hindi rin mababalewala. May mga sandaling alam mong may nangyari, kahit wala kang dokumento. Kahit wala pang pangalan ang insidente. Kahit wala pang ulat.
Sa ganitong mga sandali pumapasok ang pagsusulat, hindi bilang pag-imbento kundi bilang paglalagay sa anyo ng isang bagay na matagal nang naroon. Hindi ako naghahanap ng talinghaga. Mas madalas, hinahanap ko ang tamang pagitan ng mga linya kung saan maaaring manatili ang bigat nang hindi ito pinapaliwanag.
Ang koleksyong May Nangyari Dito ay isang pagtatangka na isulat ang mga pangyayaring sistematikong tinatanggihan, binubura, o nilalampasan sa opisyal na wika. Hindi ito pagtatangkang magbigay ng buod ng isang tunggalian. Hindi rin ito paglikha ng mga karakter. Ang tinatrabaho ko ay kung paano nagiging teksto ang pagkawala, kung paano nagiging patunay ang bakas, at kung paano nagiging anyo ang paggiit kahit wala itong sigaw.
Tula bilang testimoniya
Mahalaga sa akin ang ideya ng testimoniya. Hindi bilang salaysay ng isang saksi sa korte, kundi bilang anyo ng pagsasalita na alam ang limitasyon nito. Ang testimoniya ay hindi buo. May mga puwang ito. May mga bahagi itong hindi masasabi. Ngunit sa mismong mga puwang na iyon, naroon ang katotohanan.
Sa maraming pagkakataon, ang mga komunidad na aking nakakasalamuha ay hindi humihiling na maisulat ang buong kuwento. Ang hinihingi ay huwag burahin. Huwag gawing parang wala. Huwag gawing katahimikan ang nangyari. Kaya ang unang tanong ko bilang manunulat ay hindi ano ang sasabihin, kundi ano ang hindi ko dapat palitan ng paliwanag. Sa tulang Walang Naitalang Insidente, halimbawa, ang sentro ay hindi ang pangyayari mismo kundi ang kawalan ng rekord. Ang hindi pagkakatugma ng mga sirang CCTV, ng ulan na naghugas ng bakas, at ng asong hindi na maamoy ang amo. Hindi ko kailangang sabihin kung ano ang nangyari. Ang mahalaga ay ipakita kung paano hindi ito naisulat. Ang tula ay nagiging tala ng isang sistematikong kawalan.
Dokumentaryo ang anyo, hindi ang layunin
Madalas napagkakamalan na kapag dokumentaryo ang tono, dokumentaryo rin ang layunin. Hindi iyon ang kaso rito. Hindi ko layuning mag-archive ng datos. Ang layunin ay suriin kung paano gumagana ang wika kapag ang katotohanan ay hindi pinapayagang magsalita.
Kaya maraming pamagat sa koleksyon ang hango sa wikang administratibo o procedural. May Nangyari Dito, Walang Naitalang Insidente, May Naka-deploy. Ang mga pamagat na ito ay hindi likha para maging poetic. Ang mga ito ay sinadyang maging tuyo. Dahil sa ganitong pagkatuyo, mas tumitindi ang banggaan kapag ang laman ng tula ay katawan, lupa, gutom, takot.
Mahalaga sa akin ang repetition. Hindi bilang estilo kundi bilang istruktura ng karanasan. Ang karahasan at pag-agaw ay hindi nangyayari isang beses. Ito ay umuulit, nag-iiba lang ng pangalan. Kaya ang paulit-ulit na pagbabalik ng mga pariralang tulad ng May Bakod na ang Bukid o May Nangyari Dito ay hindi ornamentasyon. Ito ay paggigiit.
Ang lupa bilang pangunahing tauhan
Kung may pangunahing tauhan ang koleksyon, hindi ito isang tao. Ito ay ang lupa. Hindi bilang romantikong simbolo, kundi bilang espasyo ng tunggalian, paggawa, at alaala. Ang lupa ang unang pinapangalanan, ang unang ginuguhitan ng mapa, ang unang binabakuran, at ang ipinagtatanggol hanggang sa huling hininga.
Sa tulang May Pangalan ang Lupang Ito, malinaw ang aking posisyon na ang pangalan ay nauuna sa titulo. Ang pagbura sa pangalan ay hindi hakbang na walang pinapanigan. Ito ay isang anyo ng pag-agaw. Hindi ko ito sinasabi bilang slogan, kundi bilang mekanismo. Kapag pinalitan ang pangalan, may inaalis. At ang inaalis ay lupa.
Kasunod nito, ang Bago Pa ang Mapa ay sinadyang maging tahimik. Ang mapa ay huli sa kuwento. Dumadating ito kapag kabisado na ng paa ang daan. Ang ganitong paglalatag ay mahalaga sa akin dahil ipinapakita nito na ang kaalaman ay hindi laging galing sa papel. May kaalamang nakaukit sa katawan. Bakod, deployment, at katahimikan Ang paglipat mula mapa patungong bakod ay isang lohikal na hakbang sa koleksyon. Sa May Bakod na ang Bukid, pinili kong semento ang ipakita. Hindi kawad. Hindi pansamantalang harang. Ang semento ay pag-angkin na may intensyon ng pananatili. Ibinuhos, hindi itinanim. Ang pandiwang iyon ay mahalaga. Ipinapakita nito ang uri ng paggawa na hindi para sa ani kundi para sa paghihiwalay.
Kasunod nito ang May Naka-deploy. Dito, ang presensya ay hindi dramatiko. Walang putukan sa mismong tula. Ang naroon ay pagbibilang, pagbabantay, pagiging palagian. Kahit wala raw nangyari. Kahit tapos na raw ang insurhensiya. Ang tula ay tungkol sa normalisasyon ng presensya. Kung paano nagiging bahagi ng tanawin ang militar sa kanayunan.
Ang Tahimik ang Barangay ay hindi simpleng elehiya. Ito ay tula ng pagbakwit. Ang katahimikan dito ay hindi kapayapaan kundi resulta ng pag-alis. May tsinelas sa ilalim ng papag. May tabo sa tabi ng balon. Ang mga bagay na naiwan ay mas nagsasalita kaysa sa anumang ulat.
Paglaban bilang pang-araw-araw
Hindi ko nais na ang koleksyon ay magtapos sa pagkawala lamang. Mahalaga sa akin na maipakita na ang paglaban ay hindi laging nasa rurok. Madalas ito ay nasa pagpapatuloy. Sa Halika sa Bungkalan at Pag-ibig sa Bayan, sinikap kong ilarawan ang paglaban bilang serye ng ordinaryong gawain. Paggising kahit pagod. Pagbabalik sa bukid kahit may bakod. Pagsasalo ng kanin kahit kulang.
Pinili kong alisin ang mga salitang madalas iugnay sa patriotismo at palitan ito ng kilos. Ang pag-ibig sa bayan ay hindi panata. Ito ay pasya. Araw-araw na pasya na manatili kahit mas madali ang umalis.
Hindi ito metapora
Isa sa pinakamaikling tula sa koleksyon ang Hindi Ito Metapora. Sadyang maiksi ito. Hindi ito kakulangan. Ito ay desisyon. Sa mga panahong ang karahasan ay madalas ginagawang abstrakto, mahalagang igiit na ang sugat ay sugat. Ang pagkawala ay pagkawala. May mga bagay na hindi nangangailangan ng interpretasyon.
Ang tula ay nagsisilbing paalala sa mambabasa at sa akin bilang manunulat. May hangganan ang sining. At ang paggalang sa hangganang iyon ay bahagi ng sining.
Pagsasara bilang pagbabalik
Ang huling tula ay muling pinamagatang May Nangyari Dito. Ang pag-uulit ay hindi redundancy kundi pag-igting. Hindi ito pagtatapos na nagbibigay-katarungan. Ito ay pagtatapos na nagbubukas. May nangyari dito, at hindi ito matatapos sa katahimikan.
Sa pagsusulat ng koleksyong ito, paulit-ulit kong tinanong ang sarili kung nasaan ako sa mga tulang ito. Hindi bilang bida, kundi bilang saksi na may pananagutan. Ang pagsusulat, para sa akin, ay hindi pag-angkin ng boses ng iba. Ito ay paglikha ng espasyong maaaring manatili ang kanilang tinig nang hindi ko ito sinasapawan. Kung may isang bagay akong nais panindigan sa proyektong ito, ito ay ang ideya na ang tula ay maaaring maging lugar ng pananatili. Hindi nito kailangang magbigay ng solusyon. Sapat na kung hindi ito bumitiw sa katotohanan, hindi sumuko sa paninindigan, hindi umatras sa kabila ng malawakang sistematikong pagpapatahimik.

ABOUT THE AUTHOR
Si Pia Montalban ay manunulat at mamamahayag na matagal nang nakikibahagi sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo. Nakaugat ang kanyang mga akda sa dokumentasyon ng karanasan, saksi, at kolektibong tinig na madalas itinataboy sa laylayan ng opisyal na naratibo. Siya ay kasapi ng Kilometer 64 Writers Collective (KM64) at naging co-convenor ng Kaisahan ng mga Artista at Manunulat na Ayaw sa Development Aggression (KAMANDAG).


