Bulágan: Ang Pamayanan ng mga may Kapansanan bilang Nobela ni Gerome Nicolas Dela Peña

BULÁGAN: ANG PAMAYANAN NG MGA MAY KAPANSANAN BILANG NOBELA 

Isinilang ako sa Jose Fabella, ospital kung sa’n matamang nakaabang ang mga kamera t’wing magpapalit ng taon upang maibalita kung sino ang unang batang ipangaganak. “Baby factory” kung tawagin dahil minsan magtatanghali pa lamang ay higit pitumpung sanggol na ang nailuluwal dito. Dahil sa pinakamurang paanakan din ito at may pinakamalaking maternity ward kaya naman sabay-sabay sa isang hospital bed ang dalawang nanay na manganganak.

“Siya na po ba, Dok?” tanong ng Nanay. Mabuti na lamang daw at nang lumabas na ako ay nagbiro ang doktor sa nanay na hinding-hindi raw ako maipagpapalit sa ibang sanggol: “Nakatingin mabuti sa inyo, mommy! Parang alam po ang boses ninyo, nanlalaki pa ang mga mata, o!”

Mula sa paninirahan sa Mandaluyong ay lumipat kami sa Pasig nang makapagpatayo ang aking tiyahin ng bahay dito. Bata pa lang ako ay madalas ko nang naririnig ang mga kuwento na may kakaibang suwerte si Tita Josie, nakapag-asawa ng poreyner (si Tito Allan, na isang Briton) na ka-pen pal sa kabila ng kapansanan nito. Ang kuwento raw ng lola ko sa nanay ko (si Nanay Lucy, na hindi ko na inabutan), noong 1 o 2 taong gulang daw ito, hindi napansin ng inuupahang tagapag-alaga at nahulog ito sa kama. Iyak daw ito nang iyak maghapon, na parang kung napa’no. Halatang may iniinda. Hindi naman daw ipinagtapat ng nag-aalaga ang nangyari. Kaya nang lumalaki na ang tita, napansin nila na hindi sabay o pantay ang paghaba ng kaliwang binti nito sa kanan. Huli na nang malaman ng pamilya ang katotohanan.  

Kaya nang magpakasal ang aking nanay noong nasa pitong taong gulang ako sa isang taga-Bulagan taong 2002, masasabi kong bahagyang nauunawaan na ng aking musmos na isip na may mga taong naiiba sa itinuturing na “normal” ng lipunan, na may mga taong nabubuhay nang may kapansanan. Ang lalaking nakasama ng aking Nanay sa dambana ay si Rafael “Paeng” Boñaga, anak ng mag-asawang bulag, na bukod sa magka-bertdey sila ng aking Nanay ay saktong taon ng kapanganakan niya ang taon din ng pagkakatatag ng Bulagan. Aaligi-aligid sa itinayong maliit na burger and shake stand ng aking nanay sa kort ng Bulagan, nagpepresentang magwalis sa harapan nito, at laging nagdadala ng kung anong niluluto nito sa amin ng aking Nanay. Darating na lang ako isang araw na mayroon siyang kasamang matandang lalaki na nakaupo sa loob ng aming munting tindahan, naka-syeyds sa katanghaliang tapat, at seryosong nakikipag-usap sa aking nanay. Siya pala ang tatay ni Paeng. Lilipas lamang ang ilang buwan, magkakaroon na ako ng maituturing kong tatay at lolo.

Sapagkat anak sa pagkadalaga at ’di ko nakalakhan ang aking biyolohikal na ama, tuwang-tuwa ang batang ako na sa wakas, mayroong panibagong mga táong pupuno sa aking kuryosidad. Panibagong mga kuwento, panibagong pakikipagsapalaran. Panibagong espasyo na maaari kong matawag na kabilang ako. Nang makitambay na ako, makipaglaro, at magkaroon ng mga kaibigan sa Bulagan, nagbukas sa akin ang isang bagong mundo. At ang pinakapaborito ko sa bagong mundong ito ay nang marinig kong mag-usap ang aking nanay at tatay kung hindi na raw ba ako nasusuka t’wing bumibiyahe o sumasakay sa dyip. Mga Grade 4 o 5 ako nito. Para naman kasi akong ewan, wala pang apat na kilometro (na batayan sa minimum fare) ay parang hinahalukay na ng kung anong bulate at mga elemento ang tiyan ko. Kaya sa t’wing bumibiyahe kami kahit papunta lang ng Sta. Lucia, nagdadala ang nanay ko ng plastic bag kung saan ko isusyut ang kaninang inalmusal o tinanghalian. Nang marinig ko ang usapang iyon, akala ko ay kung sa’n kami pupunta. Naisip kong baka sa isang dagat sa Batangas, o sa probinsiya ng Nanay sa Pampanga. Iyon pala, sasamahan ko ang aking lolo sa kaniyang trabaho na ginagawa na niya nang higit dalawampung taon. Ako ang kaniyang magiging gayd sa kaniyang mga home serbis. Ang destinasyon, sa Village East, isang executive subdivision sa Cainta, Rizal.

Bilang manunulat, may ilang mga pagtatangka na rin akong naisulat hinggil sa karanasan ng pagiging gayd, mga danas sa Bulagan, o ilang obserbasyon at pagmumuni kasama ng mga may kapansanan sa paningin. Ang ilan sa mga ito ay ang Biyaheng Mansiyon, Sa Mundo ng Kawalang Paningin: Mga Tula, Baston at iba pang mga tula, at iba pa. Malay ako na hindi ganoon karami ang mga pananaliksik at akdang pampanitikan na nagtatampok sa usapin ng kapansanan, higit sa mga may kapansanan sa paningin. Madalas ay sa mga dokumentaryo at balita lamang nakikita o naririnig ang kanilang mga araw-araw na buhay at pakikibaka, na madalas pa, para lamang ata kaawaan at manatili bilang mga charity case. Mga tula at sanaysay ang mga genre na kadalasan kong naisusulat, lalo na kapag ang paksa ay ang Bulagan. Sa tingin ko kasi ay malaya kong naipahahayag ang aking mensahe o nais sabihin sa mga anyong ito. Tapat at totoo sa mga danas at obserbasyon, walang halong anumang pretensiyon dahil nga sa palagay ko, hindi nairerepresenta nang maayos ang kanilang mga kuwento, lalong-lalo na sa midya. Masyadong nalilimitahan (o nililimitahan?) sa aspektong pangkabuhayan (na hindi naman mali o masama) subalit paano naman ang mga kuwento at naratibong masasaya? Ang normal o ordinaryong mga pangyayari, at hindi ang spectacle na kadalasang nililikha upang kunwari’y tulungan o bigyang-kapangyarihan sila, ang kanilang komunidad, na posibleng malayo sa tunay na nangyayari o nagaganap. Nag-viral ang mag-asawang sina Kuya Nante at Ate Anna Gusmo labindalawang taon na ang nakararaan na tumutugtog sa Pasig Palengke dahil may nakapanood sa kanila at narinig ang tinig ni Ate Anna na kaboses ni Karen Carpenters. Matapos mai-feature sa Rated K at umani nang higit 9M views, ni hindi alam ng mga nagkokomento pa rin doon at naghahanap sa mag-asawa (lalo na kay Ate Anna) na matagal na itong patay dahil din sa binanggit sa episode na sakit nitong breast cancer. Umaalingawngaw pa rin sa isip ko ang huling sinabi ni Ate Anna sa nasabing video: “Pangarap ko, anuman ang mangyari, gusto ko matupad ang pangarap kong mapatapos ko ang mga anak ko. Na magkaroon ng kahit maliit na bahay lang niya…masasabi mong kanila. Gusto kong mawala man ako, mayroon akong iiwang alaala doon sa mga bata.” Sa ngayon ay wala pang muli na nagba-viral na pleyer, kahit gaano pa sila kahusay kasi wala naman silang sikat na singer na kaboses, o wala nang napadaang nagvi-video sa kanila na naniniwalang kaya nilang maging “recording artist.” 

Sa usapin ng mga ordinaryong pangyayari na hindi pinapansin sa midya o hindi nagba-viral ay ang pinakapaborito ko noong panonood habang nagtse-chess ang lolo ko at ang tatay ko. O ang mga tito ko, o mga kapitbahay na bulag din. Kung sinumang makalaban niya. Magaling siya at tahimik lang kung maglaro. Pero kung alam na niyang dehado na ang kalaban, aba e pilyo din! Ang lakas-lakas mang-asar at mang-inis. Ang sa simula’y pangisi-ngisi, papigil-pigil na pagtawa ay unti-unting lumalakas bilang mga halakhak, lalo na kung unti-unti na ring inuubos ang mga piyesa ng kalaban—na sa tingin ko’y ikinakawala rin ng kumpiyansa ng kalaban hanggang sa sabihin na nga ng lolo ang pinakahinihintay na salita naming mga nanonood—Máte. 

May mga bútas na chessboard at may pakòng mga piyesa ang una kong kinasanayang gamitin. Pamilyar din naman ako sa regular na chessboard na kadalasang dala ng aking mga kamag-aral noong elementari, pero iba rin ang tuwa, gigil, at pananabik kapag iyon ang gamit-gamit namin. May kung anong hikayat sa isip kapag kinakapa mo gamit ang pakò ang butas ng chessboard sa bawat mong tíra, kaya nang makapaglaro na rin ako noon sa mga regular na chessboard ay nanibago talaga ako. Parang ang dali at walang thrill, madulas pa nga lalo na no’ng una dahil nga kay daling matabig. Lumaki akong ’di kinukuwestiyon ang disenyong iyon ng chessboard na naabutan ko sa Bulagan, pero nang lumaon ay naisip ko ring baka may butas ang board at de-pakò ang puwitan ng mga piyesa ay dahil kinakapa ng mga manlalarong bulag ang sarili nilang mga piyesa at piyesa ng kalaban upang mamonitor ang laro, makapa ang puwesto ng mga piyesa at mataya kung ano ang susunod na mga tíra. Kung wala kasi ay tiyak matutumba ang mga ito at magugulo ang kanilang konsentrasyon sa laro. Dagdag pang may pasok din kaming mga batang nanonood sa eskuwelahan at walang tutulong sa kanila kung mangyari ’yon. Brown at itim ang kulay ng mga magkalabang mga piyesa at higit na malaki kaysa karaniwan, siguro ay dahil sa ipinalalamang pakò sa loob nito. Kapag ang lolo ko at mga kalaro niyang kapitbahay namin ang magkalaro, pareho ang puwesto ng mga pawn, rook, horse, at lahat ng mga piyesa. Pero ang kulay, tiyak na labo-labo, dahil siyempre nga, ’di naman nila nakikita. At upang kamutin ang kakulitan at kuryosidad ko bilang bata, tinanong ko noon kung bakit pa nga may kulay ang pasadyang bersiyon, parang hindi naman ’ka ko kailangan. Sinagot lang ako ng lolo ko na “para sa inyo, para kapag kayo naman ang naglaro.”  

Upang magantihan ko ang lolo ko sa pagtuturo sa akin mag-chess (at sa pagpapintura pa sa mga piyesa nito nang masalat niyang nagbabakbak na sa kalumaan) ay nagdesisyon akong maging gayd niya. Bukod sa nakahihikayat ang ibabayad sa aking 120 piso noon sa bawat naming home serbis, naramdaman ko ring ’di na ako madalas na tumatawag ng uwak o naduduwal sa hilo sa biyahe. ’Di na kailangang magbaon sa bulsa ng plastik o pumuwesto malapit sa babaan ng dyip. Kailangan ko lang kumbinsehin nang matindi ang sarili ko na hindi naman talaga parusa ang pagbibiyahe, o siguro mas magtuon na ang kikitain ko noon ay dagdag din sa pang-ulam namin o pambayad ko ng PC. Bago kami sumalang noon sa mga home serbis, ang unang bersiyon ko ng “paggabay” o “paggagayd” sa kaniya ay sa t’wing nagkakaroon ng sesyon ng kantahan sa bahay niya. Ang paborito niyang kantahin ay mga Elton John, Billy Joel, Engelbert Humperdinck (na “Humperdick” ang kay tagal kong alam), Rey Valera, Florante, at iba pa. Kakanta lang siya kapag bahagya nang tinamaan ng espiritu ng alak na kadalasang Pale Pilsen, Red Horse, o Emperador ang mga salarin. 

“Gerome, pasuyo.” Kapag narinig ko na ito ay nagsisimula pa lang tumugtog ang awit ay nakahanda na ako. Tatayo siya sa sa kaniyang upuan sa sala, ilalapag ang basong may lamang beer o alak sa lamesita sa gilid nito at ngingiti. Ititingala ang ulo o ihaharap sa direksiyon ng bidyoke kung saan nagmumula ang tugtog at panaka-nakang pumapaling ang leeg sa pinagmumulan naman ng boses ko. Babasahin ko ang liriko bago sapulin ng berde o asul na kulay ang mga ito sa iskrin ng bidyoke na sabay sa aktuwal na melodiyang maririnig ng lolo upang makanta niya ito nang maayos, at dapat, walang mali sa mga liriko nito.

“Lo, game na po ha. Turn me loose.”

“Turn me loose.” 

“From your hands.”

“From your hands.”

“Let me fly to distant lands.”

“Let me flyyyyy to distant lands.”

Minsan ay nagsasalimbayan na ang pagbasa ko at ang pagkanta niya. Kailangang wasto ang pagbasa ko at malakas din dapat upang ’di madaig ng bolyum ng built-in speaker ng bidyoke. Sa tingin ko, sa mga danas na iyon ako natutong magbasa nang mabilis at may presisyon. Kung magkamali kasi ako, lalo sa mga Ingles na kanta, ay nabubulol din ang lolo. Kakantahin lang niya ang melody nang hindi malinaw ang mga salita, aasa na lang sa mga katunog nitong salita, sa Ingles man o sa Tagalog (sa Bulakan siya nanggaling at ang pamilya niya). Pagkatapos ng kanta ay siguradong mapapagalitan ako, dahil nga kailangang pindutin ang pulang buton at maghintay muli sa pagkakataong kanta na niya muli ang nakasalang. Isa pa, minsan lang naman mangyari ang mga sesyong ito sa bahay niya. Madalas din siyang wala sa bahay katatrabaho mula Lunes hanggang Biyernes sa mga duty niya at siyempre pa, home serbis t’wing Sabado at Linggo. Kaya may mga pagkakataon noon na kahit pa uso na ang internet, naghahanap pa rin ako ng song hits na ang laman ay mga paborito niyang mga awitin at singer. Binabasa at kinakabisa ko ang mga liriko at kung kakayanin pa, tingnan at aralin din ang mga kords nito. Kailangan kong sanayin at gabayan ang sarili ko para magawa ko iyon nang maayos o higit pa, mas maging epektibong gayd. Makaya kong mabasa nang maayos ang liriko, matutuhan ang tamang tiyempo, at makatuwang sa kaniyang paraan ng saglit na pamamahinga.

Kaya naman nang maipakilala sa ’kin ang pagsulat at ang pagsali sa mga timpalak pampanitikan, marami sa mga isinusulat ko ay talagang hugot ko sa aking mga personal na mga obserbasyon at karanasan. Hindi man laging maligaya, memorable at makabuluhan naman sa akin ang mga bahaging ito ng aking kabataan. Nang maorganisa ako sa isang pangmasang kilusan ng mga mag-aaral sa aming pamantasan, aminado akong hindi sila nahirapang marekrut ako. Hindi ako masyadong natagalang gagapin ang mga aralin hinggil sa mga suliraning panlipunan at pangkasaysayan ng Pilipinas. “Isang mikrokosmo ng bansa natin ang Bulagan,” repleksiyon ko sa isa sa aming mga ED, lalo na nang maalala ko noon ang kuwento na may mga Japanese corporation o non-governmental organizations ang nag-aalok sa ilang mga bulag o visually-impaired people na maoperahan upang muling makakita ang tumanggi sa alok na ito. May ilan kasi sa kanilang ang paghahanapbuhay ay nakasandig sa pagmamasahe, pagtugtog, o panghihingi ng limos ang maaaring mawalan ng ikabubuhay kung maging recipient ng programa. Marami sa kanila ang hindi nakatuntong ng kolehiyo para sa mga mas teknikal na trabaho at walang ibang kasanayang mapagkakakitaan kaya nag-aalangan din sila sa posibleng kawalan ng oportunidad. Bukod pa sa katotohanang alam nilang maraming dilat ang wala rin namang trabaho o hanapbuhay. Biruan nga ay “May mata ka nga, wala ka namang kíta. ’Di bale na.”

Mula sa mga talâng ito, nais kong sumulat ng nobela bilang aking proyekto. Naniniwala akong maitatawid ng nobela bilang anyong pampanitikan ang layunin kong hindi lamang maikuwento ang mga pangyayari sa kinalakhan kong komunidad—kundi makapag-ambag sa umuusbong na mga panitikang pang-may kapansanan o disability literature sa Pilipinas. Bukod din sa pagnanais na higit na makapagbigay ng kamulatan sa danas ng mga bulag o may kapansanan sa paningin, nais ko ring hamunin ang sariling paghugpungin ang mga personal na danas, obserbasyon, talâ, imahinasyon, aktuwal na mga datos, at saliksik tungo sa malikhaing awtput na maaaring mabasa ng mga mag-aaral, iskolar ng araling pangkapansanan (disability studies), malikhaing manunulat ng mga akdang nagtatampok ng mga naratibo hinggil sa mga may kapansanan at kanilang mga sitwasyon, o ng mga mamamayang Pilipino sa pangkalahatan.

Sa kasalukuyan, tumatanda na ang populasyon ng mga bulag o may kapansanan sa paningin sa MPK. Kalakhan sa mga orihinal na nanahan at nagtindig ng kanilang mga pamilya sa pamayanan mula taong 1983 ay nasa edad 60 gulang at pataas na. Noong 2023 sa kabila ng katatapos lamang na pandemya ay ipinagdiwang pa ng MPK ang ikaapatnapung taon ng kaniyang pagkakatatag. Bagaman mayroong ibang mga PWD na galing sa iba pang mga lugar sa Pilipinas ang pinipiling manirahan dito (dala ng trabaho o ng pakiramdam na mapabilang sa komunidad na hindi sila “naiiba”), hindi maiaalis nito ang posibilidad na darating ang panahong posibleng wala nang “bulag” sa Bulagan. Kaya naninindigan akong ngayon, higit kailanman, kailangang maisulat ang kanilang mga kuwento, kasaysayan, at pag-iral.

 

ABOUT THE AUTHOR

Si GEROME NICOLAS DELA PEÑA ay guro ng Filipino at Panitikan sa De La Salle University – Manila at Manila Tytana Colleges. Kasalukuyan niyang tinatapos ang digring PhD Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman.

Siya ang Pambansang Pangulo ng KATAGA (Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas) at isa sa mga Tagapamahalang Patnugot ng Luntian: Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral.

Awtor siya ng siyam (9) aklat ng mga sanaysay, tula, at novella sa Filipino. Mababasa rin ang kaniyang mga malikhaing akda sa ilang mga antolohiya at diyornal sa loob at labas ng bansa.

 

Workshop Session 11, 65th UPNWW: Bulagan ni Gerome Dela Peña, Fellow sa Nobela

 

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101