Mga Tampok na Gawain ng Likhaan ngayong Oktubre!

Sa buwan ng Oktubre, nagpatuloy ang Likhaan: UP Institute of Creative Writing (UP ICW) sa pagtatampok ng mga programa at proyektong naglalayong palawakin ang talakayan sa panitikan, pagsusulat, at mga usaping panlipunan. Kabilang dito ang 20th Interdisciplinary Book Forum, mga rekomendasyon ng aklat mula sa Gonzalo Gonzalez Reading Room, isang bagong episode ng PAN: Panayam sa Panitikan, at panawagan para sa mga bagong akdang ilalathala sa Panitikan.PH. 

Likhaan at UP Press, Tampok ang Discourse on Imperialism sa 20th Interdisciplinary Book Forum

Sinalubong ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, katuwang ang UP Press, ang buwan ng Oktubre sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng ika-20 edisyon ng Interdisciplinary Book Forum. Tampok sa talakayan ang aklat na Discourse on Imperialism ni Neferti X. M. Tadiar.

Naging tagapagsalita sa forum sina Asst. Prof. Francisco Jayme Paolo A. Guiang ng Department of History, College of Social Sciences and Philosophy (CSSP), UP Diliman na ibinahagi ang pangkasaysayang perspektiba sa “Imperialism, Then and Now: Empire-Building as a Phenomenon”; Dr. Judy M. Taguiwalo ng Philippine Center for Anti-Imperialist Studies (PCAIS) na tinalakay ang “Imperialism, Filipino Women and Women’s Studies”; Mr. Angelo V. Suarez ng Unyon ng mga Manggagawang Agrikultura na ipinaliwanag ang “Global Martial Law”, partikular sa kalgayan ng mga magsasaka; at Dr. Michal Francis C. Andrata ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, College of Arts and Letters (CAL), UP Diliman na nagbahagi hinggil sa radikal na kultural na paggawa sa “Imperyalismo, Ibagsak!”

Pinangunahan naman ni Dr. John Andrew Evangelista ng Department of Sociology, CSSP, UP Diliman, ang programa bilang tagapagpadalot. Nagbigay rin ng recorded na mensahe ang awtor na si Neferri Tadiar bilang pangwakas na bahagi ng forum. Ipinaliwanag niya ang motibasyon sa pagsulat ng koleksiyon na bunga ng dalawang dekada ng pagsusulat hinggil sa imperyalismo at pakikibaka laban dito.

Idinaos ang livestream sa Facebook ng programa noong Oktubre 9, 2026, ganap na alas-2 ng hapon, sa Facebook page ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing. Mananatili itong mapapanood sa Facebook hanggang Nobyembre 8, 2026.

Mapapanood ang programa sa pamamagitan ng link na ito.

 

Mga Kuwentong Magpapanginig, Tampok sa Gonzalo Gonzalez Reading Room

Ngayong Oktubre, tampok sa mga rekomendasyon ng aklat ng Gonzalo Gonzalez Reading Room (GGRR) ang mga kuwentong nag-aalok ng kapanapanabik na karanasan sa pagbabasa. Inilalahad sa rekomendasyong ito ang mga akdang maaaring magdala sa mga mambabasa sa mga kuwentong puno ng tensiyon, misteryo, at mga di-inaasahang pangyayari.

Mapapanood at matutunghayan ang mga rekomendasyon ng aklat sa mga opisyal na plataporma ng Gonzalo Gonzalez Reading Room.

 

Bagong Episode ng PAN: Panayam sa Panitikan, Ang Mahiwagang Silid ni Lola Book Launch

Tampok din sa mga nakatakdang programa ngayong buwan ang isang bagong episode ng PAN: Panayam sa Panitikan na pinamagatang Ang Mahiwagang Silid ni Lola book Launch. Isasagawa ito sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, at ng Anvil Publishing House.

Sentro ng episode ang paglulunsad ng isang aklat na nagtitipon ng mga kuwentong pambata. Inaasahang magbibigay ito ng pagkakataon upang higit na mapag-usapan ang panitikang pambata at ang papel nito sa paghubog ng imahinasyon at karanasan ng mga batang mambabasa.

Makakasama rito ang isa sa mga Likhaan: UP Institute of Creative Writing Fellow na si Dr. Eugene Evasco. Makakasama rin ang Ilustrador ng libro na si Domz Agsaway.Tampok din dito sina Elyrah Salanga Torralba at Mary Melody Remorca bilang tagapagbasa. Magbibigay ng lektura si Dr. Will P. Ortiz sa naturang programa. Ang buong programa ay ipadadaloy ni Beverly Wilco Sy.

Itoy ilulunsad sa Oktubre 22, 2026 (Huwebes), 10AM hanggang 12PM. Room 1131, Palma Hall, Pavilion 1, UP Diliman

Para sa iba pang impormasyon patungkol sa naturang programa, bisitahin ang link na ito.

 

Panitikan.PH, Nagbukas ng Panawagan para sa mga Bagong Akda

Naglabas ang PanitikanPH ng Call for Submissions sa kanilang Facebook page para sa mga bagong akdang maaaring itampok sa nasabingplataporma. Bahagi ito ng pagsisikap na makapagbigay ng espasyo para sa mga manunulat at sa kanilang mga likhang pampanitikan.

Bukod sa mga bagong akda, nagdagdag din ang Panitikan.PH ng seksiyon para sa mga salin ng akda (translated works). Hinihikayat din ang publiko na magmungkahi at magrekomenda ng mga akdang maaaring isama sa proyektong ito.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga alituntunin at paraan ng pagsusumite, maaaring bisitahin ang link na ito.

 

Mga Nalalapit na Upload at Programa

Bukod sa mga nabanggit na gawain, inaasahan ding ilalabas ngayong buwan ang mga sumusunod na programa at materyal:

  • PAN: Panayam sa Panitikan — Mga bagong episode ng programang tumatalakay sa panitikan at sa mga karanasan ng mga manunulat at alagad ng sining.
  • GGRR Podcast: LGBT sa GGRR. Literatura, Ganern! — Bahaginan at talakayan tungkol sa panitikan at mga usaping may kaugnayan sa LGBTQ+ community.
  • Lik-háin: Ang Pagsusulat ng Pambansang Panlas — Mga nilalaman at talakayan tungkol sa pagsusulat at panitikan na ilalathala sa Spotify.
  • PAN Series: The 65th UP National Writers Workshop Extension Lectures — Malikhaing Pagsulat sa Panahon ng Pakikibaka — Mga naitalang livestream ng mga lektura na bahagi ng extension program ng pambansang palihan sa pagsusulat.
  • Craft Lecture and Poetics Discussion from the 65th UP National Writers Workshop — Mga talakayan tungkol sa mga pamamaraan sa malikhaing pagsulat at sa poetika ng paglikha ng mga akdang pampanitikan.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na naglalaan ang Likhaan: UP Institute of Creative Writing at mga katuwang nitong institusyon ng mga espasyo para sa pagpapalitan ng kaalaman, pagtuklas ng mga bagong akda, at mas malalim na pagtalakay sa panitikan at mga usaping panlipunan.

Abangan ang mga susunod na anunsyo at publikasyon sa PanitikanPH Website. 

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101