Tuluy-tuloy: Mga Tala sa Pagsusulat at Paglaya
Tuluy-tuloy na proseso ang pagsusulat at walang -humpay din itong nagbabago at umuunlad kasabay ng pagbabago at pag-unlad ng ilang manunulat. NItong nakaraang limang taon, ang mga isinusulat ko ay tungkol sa pagkakakulong ko bilang isang bilanggong pulitikal at tungkol din sa kalayaan, hindi lamang ng sarili ko kundi maging ang kalayaan ng buong bayan. Tungkol din ito sa pagiging ina ko, ang pagkawalay sa aking anak, ang pangungulila, ang sakit ngunit tungkol din ito sa magagandang karanasan at alaala, ang pagkamangha sa buhay na patuloy na sumisibol at namumukadkad bilang susunod na salinlahi.
Paano ako nagsusulat? Madalas ay dumarating na lang ang mga tula na nagsisimula bilang mga ideya o imahen. Kung minsan ay sa panahong hindi inaasahan habang nakahiga at hindi dinadalaw ng antok o di kaya’y may alaala na biglang darating kasabay ng isang pamilyar na tunog, amoy o pakiramdam.
At kung bakit ako nagsusulat, kakambal ko na ito, integral na bahago ng pagkatao ko tulad ng puso, bituka at apdo. At sa loob ng kulungan, nagsilbi itong isang mabuting kaibigan, isang malalapitan, masasandigan, isang paalala at panandang-bato na huwag mawawalan ng pag-asa. Makapangyarihan ang mga salita— ipinapaalala nito sa akin ang aking pagkatao, ang pagiging tao, at lagi’t lagi, ang pagiging makatao.
Kapwa aktibista ang mga magulang ko at nagmula rin ako sa pamilya ng mga manunulat at mapagmahal sa sining. Bata pa lang ako ay isinasama na ako sa mga rally, piketlayn ng mga manggagawa, kampuhan ng mga magsasaka katulad sa Hacienda Luisita.
Marami pa akong maaari at nais maibahagi ngunit hanggang dito na lang muna dahil kalalaya ko lamang at sulat-kamay kong ginagawa ito at ipinakiusap lamang na maitype ng isang mabuting kaibigan. Masaya na Malaya na ako, kasama ang anak ko at napawalang-sala sa mga gawa-gawang kaso na isinasampa sa mga katulad kong aktibista at artista ng bayan. At tinanong ako minsan ng ilang kaibigan kung nais ko munang magpahinga. Ngunit narito sa aking patuloy na pagkilos, patuloy na paglikha, patuloy na paglilingkod sa kapwa lalo na sa mga batayang sektor sa lipunan at lalo na sa patuloy na pagsusulat— dito ko nahahanap ang aking paghinga, sa ideya na nagpapatuloy ako at hindi kailanman humupa sa pagkilos sa kabila ng pagkakapiit. At ngayon, malaya na kong muli! Malayang magsulat, malayang lumikha at patuloy na makibaka.

ABOUT THE AUTHOR
Si Amanda Socorro Lacaba Echanis ay isang ina, manunulat, aktibista, at organisador ng kababaihang magsasaka sa ilalim ng AMIHAN. Siya ay dating bilanggong politikal sa Cagayan Valley at iskolar ng University of the Philippines–Diliman. Nagtapos siya ng high school sa Philippine High School for the Arts, major sa Creative Writing. Nailathala ang kanyang unang aklat na Tatlong Paslit na Alaala (2006) at naitanghal ang kanyang dula na Nanay Mameng (2014). Ang ilan sa kanyang mga akda ay mababasa sa Saloobin (2021), Sulatan (2022), at Binhi ng Paglaya (2023), na inilathala ng Gantala Press. Kabilang sa kanyang mga natamo ang kanyang paglaya at pagka-acquit, pagkapanalo bilang No. 1 councilor sa Student Council sa kabila ng pagkakakulong, pagkabilang sa mentorship program ng SEAMS, isang kolektibo ng mga tagasalin na nagtataguyod ng panitikan ng Timog-Silangang Asya sa Ingles, at ang kanyang pagiging bahagi ng Palihang Rogelio Sicat noong 2024 bilang kauna-unahang bilanggong politikal na kalahok.


