Workshop Session 12, 65th UPNWW: “Sinapupunan ng Digmaan” ni Amanda Echanis, Fellow sa Dula

WORKSHOP SESSION 12: Sinapupunan ng Digmaan ni Amanda Echanis
Isinulat ni Jasper Villasis

“Nagpapatuloy ako at hindi kailanman humupa sa pagkilos sa kabila ng pagkakapiit. At ngayon, malaya na akong muli! Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng kalayaan? Malayang magsulat, malayang lumikha, at patuloy na makibaka.”
– Amanda Echanis

Ang lekturang Pagtitimpla bilang Pamamaraan at Talinghaga ng Dula ang naging pambungad ni Dr. Vladimeir B. Gonzales sa huling sesyon ng ika-65 na UP National Writers Workshop. Pag-aangkla ito sa palihan ng dula ng aktibista at manunulat na si Amanda Socorro L. Echanis. Dalawa aniya ang tendensiya sa pagbasa/pagkatha ng dula. Una, bilang tekstong pampanitikan, at ikalawa, bilang tekstong pangtanghalan. Isinasaalang-alang ang kaangkupan at ang pagiging optimal nito kaya tinitimpla ang mga sangkap nito. Ibinahagi niya ang mga pagdadaanan pang proseso at pagbabago ng iksrip ng dula na nakabatay sa nakikitang pangangailangan ng mga manonood, ng produksyon, at ng kasalukuyang sosyo-politikal na danas. Sa dulo ng kaniyang pagbabahagi, higit niyang pinaalala ang palagiang negosasyon sa dulaan. Pahayag niya, “[Sa dula], pinipili rin natin ang mga itinatampok at hindi. Pero ang hamon sa atin ay ang palagiang ipaglaban ang usapin ng nilalaman nito, anuman ang mangyari.”

Hindi napigilang maging emosyonal ni Amanda Echanis habang binabalikan ang pagkakabuo ng kaniyang dulang Sinapupunan ng Digmaan. Maagang namulat si Echanis sa karahasan ng estado bilang aktibista, kung kaya’t maaga rin ang kaniyang pagkalantad sa sining ng pakikibaka. Mula sa art therapies ng mga batang biktima ng militarisasyon hanggang sa mga palabas sa piketlayn at mga komunidad. Para kay Echanis, naging natural na magkaugnay ang kanyang panitik at aktibismo. Ang kaniyang danas sa marahas na pagkakakulong isang gabi noong 2020 ang naging gulugod ng kanyang dula. Inalala niya ang malalang “mind games” na pinagdaanan habang nakapiit, ang pag-aalaga ng kaniyang sanggol sa kulungan, mga sandali ng pag-aalala at pagkaburyong. Napagtanto niyang hindi siya maaaring tumigil sa paglulunoy sa sitwasyon. Naibahagi niya rin na ang impluwensya ng kaniyang panulat ay ang mga kamag-anak at mga magulang na pawang mga artista’t manunulat din. Pawa rin silang nakaranas ng kalupitan ng estado.

Pinagpugayan ng lupon si Echanis sa bisa ng dula sa pagpapanawagang palayain ang daan-daan pang bilangong politikal sa bansa. Naitampok ang husay ng akda sa pakiramdam ng pagtitimpi at pakgataranta, ng komedya at trahedya. Sa katalusan nito, ipinabatid ni Pia Montalban na napagtagumpayan nito ang mind games ng kaaway. Inalala ni Montalban ang sariling pagkakadeteyn bilang bahagi ng binansagang Tinang 83. Pinunto naman ni Dr. Luna Sicat Cleto at Dr. Ramon B. Guillermo ang fantasma ng “dobol” at polaridad ng mga tauhan sa dula. 

Sa kabilang banda, pinahalagahan ni Dr. Guillermo ang pangangailangan ng pagtatampok ng diwa ng pagpapatuloy sa mga aktibistang karakter. Nararapat ding ilahad, niya, ang bukal ng katatagan at paninindigan ng mga aktibista. Pinagnilayan naman ni Andrew Bonifacio Clete at Dr. Jun Curz Reyes ang sikolohiya ng dula, point of attack, pangwakas na eksena, at ang karakterisasyon ng mga tauhan. Binalikan naman ni Prop. Katherine Sabate ang proseso ng mga nagsipagganap sa staged reading nito sa Guang Ming College. Inilahad niyang naging mapanghamon ito sa kanila bilang mga mag-aaral na malayo sa karanasang buhay ng tauhan sa dula. Positibo ito dahil kinailangan nilang magbasa at magsaliksik para kilalanin ang pinanggagalingan ng dula, ngunit makakatulong ang kaunting pagdaragdag ng paliwanag sa ilang bahagi ng akda. 

Sinuma ni Dr. Vladimeir Gonzales ang sesyon at tinalakay rin ang punto hinggil sa dokumentaryong aspekto ng dula, sa mga katangiang pampanitikan, at literary devices na iminungkahi ng kapulungan. Ipinaalala niyang ang lahat ay maaaring ituring bilang mga sangkap ng dula na maaaring “lutuin” sa pagpapaunlad pa nito.

Sa huling yugto ng palihan, tinugunan ni Echanis ang mga komento. Nabangit niyang mahalaga sa kaniya ang elementong dalawahan at ang pagsisiwalat ng mga artistikong desisyon habang sinusulat ito. Binigyang-halaga niya ang pagtitimbang ng nilalaman nang hindi isinasakripisyo ang maari pang maging interpretasyon nito sa entablado. Sa pagwawakas ng sesyon, pinagpugayan niya ang mga ito sa malinaw nitong pagtatagpo ng teorya at praktika sa pagsusulat.

Tuluy-tuloy: Mga Tala sa Pagsusulat at Paglaya ni Amanda Echanis

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101