Workshop Session 3, 65th UPNWW: May Nangyari Dito ni Pia Montalban, Fellow sa Tula

Workshop Session 3: May Nangyari Dito ni Pia Montalban
Isinulat ni Jasper Villasis

May mga sandaling alam mong may nangyari, kahit wala kang dokumento. Kahit wala pang pangalan ang insidente. Kahit wala pang ulat.
             – Pia Montalban; sa pagkatha bilang pagsaksi

Pagtalakay sa mga progresibong puwersa sa panulaang Pilipino ang naging pambungad ni Dr. Romulo P. Baquiran, Jr. sa ikatlong sesyon ng ika-65 UP National Writers Workshop. Bahagi ito ng pagpapakilala sa human rights worker at makatang si Pia Montalban. Sa pagbabalik-tanaw ni Dr. Baquiran sa kasaysayan ng panulaan, instinktibong pinalawak ng mga makatang Pilipino ang kanilang mga impluwensya para ipahayag ang mga damdamin at tunguhing makabayan. “Flexible ang mga makatang Pilipino…hinawakan nila ang mga estetika gaya ng modernismo at binigyan ito ng progresibong sensibilidad.” Bahagi nito ang tradisyon ng commited writing kung saan kabilang ang gawa ni Montalban. Samakutiwd, bunga ito ng sinerhiya ng pagpapaunlad ng estetika at ng pasyang paglingkuran ang sambayanan.

Litaw sa poetika ni Montalban ang ganitong sinerhiya, partikular sa kaniyang posisyon bilang saksi sa mga karahasan sa kanayunan. Nagresulta ito sa koleksiyong ng mga tulang May Nangyari Dito. Binaybay ni Montalban ang dekadang pagmamapa ng mga rural na espasyo, pagtatala ng mga insidente, at ang paghahanap sa mga katotohanang kadalasan ay walang opisyal na dokumentasyon o tahasang hindi kinikilala ng mga otoridad. “May mga sandaling alam mong may nangyari, kahit wala kang dokumento. Kahit wala pang pangalan ang insidente. Kahit wala pang ulat.” Sa mga ganitong pagkakataon nais uriratin ni Montalban ang maraming palaisipan sa tula at pakikibaka: Ano nga ba ang magagawa ng isang manunulat kung tiyak siyang nangyari ang karahasan ngunit pira-pirasong mga ebidensya lamang ang naiwan? Ano ang magagawa ng tula para sa lupang ninuno na walang “opisyal” na katibayan? Paano ang pananalinhaga sa patuloy na normalisasyon ng karahasan sa kanayunan? Ani Montalban, malay siyang ang tula ay hindi solusyon, kundi isang paninindigan. Ang tula ay espasyo ng pananatili: isang pagpapasya na hindi bitawan ang katotohanan.

Uminog sa politika ng pagtala, pagtula, at pagkatha ang diskusyon ng proyekto. Ayon kay Dr. Vladimeir Gonzales, mahalaga ang ganitong kathang pinatutubo ng/sa politkal na dimensyon dahil nagsisilbi itong interogasyon ng limitasyon ng tula at maging ng halaga ng akto ng pagpapatuloy. Pinagtibay din ng ibang panelista at co-fellows ang kahalagahang ito. Banggit ni Katherine Sabate, “walang panahon tumagibang” lalo na kapag pinag-uusapan ang lupa at ang relasyon natin dito. Tampok din ang pag-uusap sa pagsasanib ng porma at pakikibaka. Batid ni Dr. Luna Sicat Cleto ang paglubog ng may-akda sa mga komunidad na nadarama sa mismong koleksiyon. “Immersive ang tula, at alam mong kilala ng may-akda ang kaniyang tinutulaan. Mahirap itong itula kung hindi ka naroroon.” Nakita naman ni Dr. Ramon Guillermo ang mga ganitong uri ng akda bilang mabisang panlaban sa terra nullius ng mga kolonisador. Iminungkahi niyang kailangan ang pagdeklarang “atin ang gubat, ang lupa, ang uniberso” at hindi sa mga kolonyalista. Sa ganitong diwa rin hinamon ni Amanda Echanis ang mga manunulat sa kapulungan: tanawin ang mga sarili bilang kabahagi ng panlipunang pagbabago.

Nagkaroon naman ng pagpansin sa malay na pagbubura ng “ako” sa mga tula. Puna ni Nelson Dino, tila may pakiramdam ng distansya sa mga akda kapag binabasa. Pinansin naman ni Leonard Javier at Hyll Mendoza ang pakiramdam ng passivity sa ilang linya at pinatimo ang halaga ng pagtatampok ng sariling boses ng tula. Ang pagpapaigting sa tensyon ang naging suhestyon ni Trish Shishikura tungo sa pagbuo ng isang “phantom question” na liligalig sa koleksiyon.

Nagpahiwatig si Montalban ng pasasalamat sa pagbasa at pagtasa sa kanyang mga tula. Inamin niyang may tangka siyang maging timeless ang mga akda— hindi tali sa isang ispesipikong sandali. Tumatak sa kapulungan ang diwa ng pagpapasya at patuloy na pakikibaka. Pangwakas ni Montalban, “Ang pag-ibig sa bayan ay hindi panata. Ito ay pasya.”

 

May Nangyari Dito ni Pia C. Montalban

 

 

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101