Workshop Session 11, 65th UPNWW: Bulágan ni Gerome Nicolas Dela Peña, Fellow sa Nobela
Moderator: Jun Cruz Reyes
Ipinundar ni Jun Cruz Reyes sa espasyo ng “bahay kubo” ang pagtalakay sa nobelang Bulágan ni Gerome Nicolas Dela Peña. Sa ebolusyon ng panirahang Pilipino, mula kubo patungong kolonyal na mga estruktura, inihambing ni JCR ang mga pagbabago sa panitikang Filipino. Mas demokratiko, halimbawa, ang espasyo ng bahay kubo na pinahihintulutan ang pagkukuwentuhan at pag-uumpukan. “Ano ang space at logic,” kaniyang pag-usisa, “ng panulat ni Gerome?” Binuksan rin ang usapin ng representasyon sa disabilidad na malimit nauuwi sa katatawanan at poverty porn.
Ang pamagat ng proyekto ni Gerome Nicolas Dela Peña ay hango sa bansag sa kaniyang kinalikhang pamayanan ng mga bulag at may kapansanan. Ipinakilala niya ang kaniyang lolo at tiyahin na pawang bulag at ang kasaysayan ng kaniyang pag-akap sa posisyunalidad ng taong walang kapansanan na lumaki sa pag-aaruga ng mga may kapansanan. Sentral ang pigura ng gayd (guide), ang gabay o mata ng mga bulag, sa kaniyang poetika at maging sa aktuwal na nobela. Makabuluhan ang pagbabahagi niya sa sesnsibilidad at kakayahan na hinubog ng kaniyang pamayanan: “Ang pagiging precise ay natutuhan ko sa mga bulag. Walang leeway sa pagkakamali.” Minarapat niya ring ipaliwanag ang representasyon ng kapansanan sa midya, ang salimuot ng kanilang kabuhayan, at maging ang pang-araw-araw nilang buhay, partikular sa paglalaro ng chess ng mga bulag. Malinaw ang kaniyang prinisipyo: “Ang panulat ko sa kanila ay hindi lang pag-alala kundi responsibilidad.”
Sa palihan, binigyang diin ni Rolando Tolentino ang etikal na problema ng ekstraksiyon ng karanasan ng marhinalisado at ang pangangailangan ng malalim na ethical stance. Inihambing niya ang Bulágan sa San Diego sa Noli Me Tángere na tinurol din niya bilang hamon sa pagpapalawak ng isyung panlipunang tinutunggali ng proyekto.
Isinakonteksto naman ni Will P. Ortiz, PhD adviser ni Dela Peña, ang proyekto bilang isang crime novel. Pinaglimian ito ng ilang fellow sapagkat hindi pa ito lubos na lumilitaw sa kabanatang “Si Mang Miguel” na binasa para sa palihan. Sa palagay ni Ramon Guillermo, may ideological containment pa sa kabanatang kanilang binasa. Paalala ni Luna Sicat Cleto, napakahalaga ng mga unang kabanata sa pagmumundo sa nobela.
Binuksan ni Vim Nadera ang kakapusan ng proyekto sa sensory immersion, lalo na sa mga pandamang naiwan sa mga bulag: tactile, auditory, olfactory, o gustatory. Hiling ni Bomen Guillermo, “Gawin kaming bahagi ng sensory world ng mga bulag.” Mundo itong sensitibo sa kapaligiran— mula sa sukat at taas ng mga hand railing sa kalye, halimbawa ni Dennis Destajo, o sa pagbibilang ng mga baitang sa hagdan, dagdag ni Leonard Javier. Prinoblematisa ito bilang “tiranya ng mga nakakakita” ni Sicat Cleto.
Para kay Allene Allanigue, kailangan ng malinaw na distinksiyon ng proyekto sa nonfiction. Primarya ang moda ng komentaryo sa kabanata kaya ang hamon niya: “Paano ito ililipat sa antas ng fiction?” Sinuhayan ito ni Eugene Evasco na pinunang ang kasanayan ni Dela Peña sa sanaysay ang naging hadlang sa kaniyang paraan ng pagkukuwento.
Nagmungkahi si Vladimeir Gonzales hinggil sa eksperimentasyon sa disturbance at distraction kung pipiliing gawing audiobook ang nobela tungo sa pagiging mas aksesible nito.
Hinggil sa puna sa “male perspective” ng Bulágan, sumang-ayon si Dela Peña at naghabagi bilang pagtatapos sa karanasan ng mga kababaihang bulag na ayaw mag-asawa dahil sa pangambang magiging bulag din ang kanilang magiging supling.
Bulágan: Ang Pamayanan ng mga may Kapansanan bilang Nobela ni Gerome Nicolas Dela Peña

