Day 2 of the 10th ALBWW: Session 6, Djinn sa Aking Ngipin, John Maverick B. Alviar

Session 6: Ang Djinn Sa Aking Ngipin
Fellow: John Maverick B. Alviar
Moderated by: Lalaine Yanilla-Aquino

“A good story should at least succeed on the formalist level.” Ito ang pambungad ni Lalaine Yanilla-Aquino sa pagtalakay ng “Ang Djinn sa Aking Ngipin” ni John Maverick Alviar. Nilatag niya ang pagpapakahulugan sa naratibo ni Michael J. Toolan: isang teksto na nagdudulot ng signipikanteng pagbabago sa kinakausap o mambabasa at may kalidad ng pagiging “interesting at interestingly told”. 

Para sa moderator, sentral na elemento ng naratibo ang conflict o tunggalian. “At the heart of the plot is conflict.” Paalala niya, napakahalaga rin sa piksiyong pambata at young adult ng humor.

Diniinan niya ang konsepto ng accessibility sa young adult fiction. Aniya, dapat maging accessible ang akda upang mabigyan ng kapangyarihan ang mga batang mambabasa na paganahin ang kanilang imahinasyon. 

Sang-ayon ang mga panelista at fellow na pinakatampok sa katha ang siste o humor nito. Marami ang pumuri sa gaan ng pagkakasulat ng kuwento, gaya ni Erik Pingol na pinansin ang napakanatural na pananalita ng mga tauhan. Pero napuna rin ang mga pagkakataong lumalalim ang pagsasalaysay, ang “adult tone” na biglang lumilitaw, tala ni Will Ortiz. May ilang nalito sa kasarian ng bidang si Trinita dahil sa mga diyalogo. Dagdag ni Yanilla-Aquino, ang pananalita ng bida ay ipinahihiwatig na matagal na siyang naninirahan sa Pilipinas bagaman sa Oman siya lumaki. Inusisa ni Jupiter Dumlao Cabig Jr. ang siyentipikong lohika ng pagrehabilitate sa binunot na ngipin.

Prinoblematisa din ang pigura ng djinn at ang halaga nito sa naratibo. Para kay Christopher Rosales, tila napadaan lang ang entidad at hindi nabigyan ng mas mahalagang papel. Mungkahi ni Ashley Cua na bigyan siya ng backstory. Naging matapat sina Eugene Evasco at Elyrah Salanga-Torralba sa pagsabing tatayo ang kuwento kahit wala ang djinn.

Ayon kay Jupiter Cabig, Jr., naging maganda ang pagtatahi ng mga kuwento ng diaspora, pamilya, pangarap, at pag-ugat sa Filipino identity. Pero tinanong ni Peter Grumo Jr. kung ano ba talaga ang nais na pokus ng kuwento. Para kay Caris Avendano Cruz, tila panay internal ang conflict na umiiral sa kuwento. 

Sa pagsipat naman ni Pingol, may nananalaytay na tema ng paglaya sa katha: paglaya ng nabubulok na ngipin, paglaya ng anak sa ina, paglaya sa dayuhang bansa. Pinuri naman ni Alpine Moldez ang perspektiba ng anak ng OFW na lumaki sa dayuhang bansa na bihira niyang mabasa.

Nagustuhan ni Luna Sicat Cleto ang ngipin bilang metapora. Tila ipinahihiwatig nito ang proseso ng “Oman-isasyon” at kung paano tinatanggal ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang mga trabaho tulad ng mga bulok na ngipin. Sinuhayan ito ni Rosales na sinabing ang dental imagery ay itinatawid ang relasyon at tunggalian sa pagitan ng ina at anak 

Sa pagsasara ng palihan, ipinaliwanag ni Alviar na hinalaw niya ang djinn sa paniniwala ng mga nasa Arabian Peninsula. Tila raw may ibang elementong sumusanib kapag pumupunta sa ibang lupa at ina-acquire ang kanilang paniniwala. Kinilala niya ang mga “bungi’ ng kuwento at tinanggap ang mga hamon sa kaniyang akda.

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101