WORKSHOP SESSION 1: “ASWANG” NI HYLL MENDOZA
Isinulat ni Jasper Villasis
Paano ako babalik sa pagsusulat? Kailan at paano ko gagawin ang unang hakbang para lusungin ang mapanghamong mundo ng panitikan?
– Hyll Mendoza; sa pagbabalik niya sa pagsusulat matapos ang dalawang dekada
Sa usapin ng alaala at memorya sinimulan ni Dr. Will P. Ortiz ang pagpapakilala sa unang sesyon ng ika-65 na UP National Writers Workshop tampok ang writing fellow na si Hyll Mendoza. Sa kaniyang craft lecture, sinuri ni Dr. Ortiz ang komplikasyon ng gawaing memorya sa pagsulat: ang mga pagtatangka sa paggalugad ng mga nakatala sa katawan, ang mga pagtatampok at pagbubura sa mga alaala, ang paglalahad at paglilihis sa mga ito, at ang hamon ng transpormasyon ng personal na danas tungo sa mas malawak na danas ng humanidad. Ipinaalala ni Dr. Ortiz na ang manunulat ay isa ring arkeyologo na kailangang ukilkilin ang alaala para masiwalat ang katotohanan at muling makabangon— isang mahalagang palala rin sa ika-54 taong paggunita sa pagpataw ng Batas Militar.
Sinundan ito ng paglalahad ni Hyll Mendoza sa kaniyang poetika at ng pagpapakilala sa koleksyon ng kaniyang mga sanaysay tungkol sa isla. Ibinahagi niyang lampas dalawampung taon siyang nagpahinga sa pagsusulat kaya’t may pangamba sa muling pagbabalik sa dagat ng pagkukuwento. Gaano man kahirap, lumusong siya at kinaagapay ang mga alaala ng pamilya, kamusmusan, at kabataan para muling itanghal ang nakagisnan, kabilang ang wika, kultura, at pamumuhay ng mga tao sa isla. Aniya, “mapanghamon ang pag-alala sa mga detalyeng hindi ko naman alam noon na mahalaga pala. Isinisiksik ko ang ideya ng “ibinabalik/binabalikan” upang higit na maging matapat at malaman ang bawat sanaysay.” Dalawa ang inihain niyang sanaysay sa palihan.
Pumalaot ang talakayan sa ikalawang sanaysay ni Mendoza na pinamagatang “Aswang”. Tinukoy bilang kalakasan ang kagandahan ng wika, ang pagsasariwa sa mga alaala, at ang mahusay na metapora ng takot. Banggit ng kaniyang co-fellow na si Leonard Javier, “natuwa ako sa mga metapora at mga detalye kagaya ng sasakyan, lantsa, at pangingisda. Habang binabasa ko ito ay para na rin akong dumaong sa pag-aalala ng buhay sa isla.” Kabigha-bighani rin (bagaman nakabibitin para sa iba) ang wakas ng sanaysay. Sa paglilimi ni Dr. Jun Cruz Reyes sa usapin ng alaala, napagtanto niyang “lahat tayo ay may [mga espesipikong] memorya na nag-uumpisa ng maraming uri ng awakening.” Dugtong niya, mainam na sisirin ang mga ito para sa ganap na paglalahad ng mundo at muling pagbibigay-buhay sa danas. Sa usapin ng “personal” sa sanaysay, idineklara ni Dr. Eugene Evasco na hindi kailangan na laging maghubad sa pagsusulat. Prinoblematisa niya ang terminong “personal na sanaysay” at iminugkahi ang anyo ng “braided essay” na naghahabi ng iba’t ibang dulog at danas.
Ang pigura naman ng aswang at ang tinutukan ng ibang panelista at co-fellows. Para kay Andrew Bonifacio Clete, buhay ang konsepto ng aswang sa buong panig ng bansa, lalo na sa mga bata. Kaya naman kailangang tukuyin ang tipo/kaibahan ng aswang sa sanaysay ni Mendoza at ang relasyon nito sa kaniyang bayang pinagmulan. Ito ay hamon na sinuhayan ng maraming panaliesta at co-fellows. Ibinahagi naman ni Dr. Luna Sicat Cleto na mahalagang matukoy ng awtor ang deeper subject ng “Aswang” (lagpas pa sa apparent subject) at sipatin ang mga potensiyal na komentaryo nito sa ating bayan.
Pinukot ni Dr. Will P. Ortiz ang sesyon sa pagpapaalala ng mapagpalayang tungkulin ng sanaysay: “kung ako ay magbabasa ng personal na sanaysay, gusto kong dalhin ako [nito] sa pinakamadilim na parte ng buhay ng isang tao at ibangon ako sa dulo nito.”
Sa huli, nagpasalamat si Hyll Mendoza sa pag-agapay ng kapulungan sa hamon ng muling pagsagwan at pagsulat sa isla.

