Session 1: Ang Panggabing Pansiterya
Fellow: Christopher S. Rosales
Moderator: Eugene Y. Evasco
Nagbukas ang unang sesyon sa pagtalakay ni Eugene Evasco sa mga K.S.A. (Knoweldge, Skills, Attitudes) o mga kaalaman, kasanayan, at asal sa pagsusulat. Ang kaalaman ay nakatutok sa mga elemento ng panitikan (banghay, tauhan, tunggalian, diyalogo, tagpuan, tema, POV) at sa pagkilala sa target audience. Sa kasanayan, binigyang diin ang pananaliksik, ang “pitching skills”, ang pagma-market ng kuwento at ng may-akda sa sarili. Ipinatimo rin ang halaga ng asal ng “grit” at growth mindset— ang kahandaang humarap sa rejection at ang pagtitiwala na laging may puwang para sa pagpapakahusay.
Pinuri ni Maverick Alviar ang kuwento ni Christopher Rosales at ang mayaman nitong paglalarawan, lalo na sa pandama ng pang-amoy. Pinansin din ni Lari Sabangan ang husay sa paglalarawan, hindi lamang sa amoy ng pagkain, kundi sa mga espasyo tulad ng lumang bahay na “ginagalis”. Pinuri ni Luna Sicat Cleto ang ganda na wika at ang ingat sa pagkakasulat ng kuwento.
Ipinaalala naman ni Evasco ang pagtitimpi sa paglalarawan upang mabigyan ng espasyo ang posibilidad ng ilustrasyon.
Sa punto-de-bista ng isang ilustrador, nagustuhan ni Erik Pingol ang biswal na naratibo. Aniya, mabilis niyang nahiraya ang mga potensiyal na imahen at kulay ng ilustrasyon. Sumang-ayon dito si Alma Tucay at sinabing masarap i-illustrate ang katha.
Tinalakay rin ang pagkain bilang sentral na tema. Para kay Sicat Cleto, ang pagkain ay nagiging elemento ng isang imagined community. Para kina Kalay Brillo at Khristina Alvarez, signipikante ang kultural na pamana at “lost history” na itinuturo sa mga bata.
Prinoblematisa naman ang lohika ng hiwaga ng Panggabing Pansiterya. Bakit sa gabi lamang ito lumilitaw? Bakit ang mag-ama lamang ang nakararanas nito? Ano ang motibasyon sa pagsagip nito?
Importanteng mungkahi rin ang pagtukoy sa target audience ng akda. Para kina Tucay at Pingol, kailangang linawin ang edad ng bidang bata. Iminungkahi rin nina Brillo at Araceli Baygan na dagdagan ang mga karakter na bata upang mapalawig ang hiwaga ng pansiterya. Payo ni Lalaine Yanilla-Aquino, maraming katanungan ang masasagot kung magiging consistent ang paggamit sa limited omniscient point-of-view. Para kay Caris Avendano Cruz, dapat pagtuunan ang “drop”: ang paglilimita sa exposition at ang pagtitiwala sa mambabasa na matutukoy ang kontekstong ipinahihiwatig. Parehong ipinayo nina Cruz at Pingol ang pag-iiwan ng “breadcrumbs”, ang pagtanim ng impormasyon bilang paghahanda sa pagbubunyag sa dulo. Hiling ni Elyrah Salaga-Torrlba na paunlarin ang elemento ng oras na maaaring maging paraan sa halaga ng pagtuklas ng kasaysayan.
Sa pagtatapos, tinalakay ni Eugene Evasco ang kaakmaan ng katha bilang nobelang pambata. Hinikayat ni Evasco si Christoper at mga fellow na panahon na upang magsulat ng mas maraming nobelang pambata. Hamon niya kay Christopher na sagutin ang tatlong tanong sa kaniyang kuwento: Paano nakikinabang dito ang bata? Paano ito magiging makabata? Paano nagiging bida ang bata sa kuwento?
Tumugon si Christopher at ipinahayag ang pagkokonseptuwalisa niya sa pansit langlang bilang intangible heritage. Bukas niyang tinanggap ang mga mungkahi at mga hamon.




