Polyhymnia ni Hyll Mendoza

Polyhymnia ni Hyll Mendoza

Bumalik ang interes ko sa pagsusulat nang sumakabilang-buhay ang nanay ko noong 2024. Nag-iwan ng malaking espasyo ang kanyang pagpanaw hindi lamang sa aking pagkatao kung hindi pati na rin sa aming tahanan. Ang dating maaliwalas at laging nasa ayos na pamamahay ay naging makalat. Pakiwari ko rin, dumilim ang loob ng bahay kahit buksan ko ang lahat ng mga bintana. Tila nagdadamot ang liwanag at nag-aalangang pumasok sa mga lagusan. May porsiyento ng liwanag na tinangay si Mama nang lumisan. 

Noong panahon ng COVID-19, kaming dalawa lang ang magkasama sa bahay. Sa unang dalawang buwan ng pandemya, maliban sa mga alagang aso, literal na kaming mag-ina lang ang nagkikita sa loob ng 24 oras. Naglulubha na noon ang kanyang karamdaman kaya may mga kapatid akong dadalaw sana sa kanya kaso walang nangyari. Napakahigpit ng mga opisyal ng barangay dahil maya’t maya’y may kumakatok para tiyakin kung ang nakatira sa mga bahay ay ang mismong mga nakarehistro sa barangay. Walang makakapasok at makakalabas ng bayan.

Mabuti na lamang at mahilig sa halaman si Mama kaya nauubos ang oras niya sa pag-aalaga sa kanyang mga orkidyas at iba pang halamang ornamental. Sa unang linggo ng pandemya, nagdesisyon siyang magtanim ng mga buto ng gulay dahil daw inaasahan niyang magtatagal ang lockdown. At nagkatotoo naman. Nang mamunga ang mga sitaw, mongo, sigarilyas, kamatis at talong, nag-imbita siya ng mga kapitbahay naming halos wala nang maiulam dahil talagang napakahigpit ng mga awtoridad. Bawal kahit mangisda kahit sa di-kalayuang tugpahan ng aming bayan. 

Dahil sa lockdown, naging dahilan ang pandemya na muli akong mahilig sa pagbabasa. Mula sa Bulacan ay may naiuwi akong mga libro ng tula at maikling kuwento at ang mga iyon ang paulit-ulit kong binasa habang nagpapatay ng oras sa maghapon araw-araw. Malaki ang naging papel ng mga librong iyon para malampasan ko ang inip ng lockdown habang unti-unti naman nilang ibinabalik ang pagmamahal ko sa tula at kuwento. 

Ang problema: paano ako magsusulat muli? Bagama’t hindi nawala ang hilig ko sa pagbabasa, mahigit dalawang dekada na akong hindi nakagawa ng kuwento o tula. Kinalawang na ika nga ang lahat.

2002 nang maisip kong maglabas ng libro ng tula o maikling kuwento. Masasabi kong kaya kong magsulat sa dalawang genre na ito at patunay ang mga pagkilala sa mga timpalak-pampanitikan sa tula at maikling kuwento na aking napagwagian. Tinitipon ko na lang. Sa tantya ko noon, mas lamang ang posibilidad na aklat ng maikling kuwento ang aking mailabas dahil maramirami na rin ang aking mga nasulat. Nagsimula akong magpabasa sa mga kaibigang nagsusulat din ng maikling kuwento.

2003, isang taon matapos ang plano kong magkalibro, sa hindi inaasahang dahilan, ipinasya kong tumigil ang pagsusulat. Permanente. Hindi ang mga rebyu at kritisismo ng mga tropa sa mga kuwento ko ang dahilan. Sanay na ako sa sakit ng banat sa mga obra ko. Dalawang beses akong naging fellow sa UPNSWW kaya manhid na ako sa mga pintas o puri. Malaki kasi ang paniniwala ko noon na para mas maging maganda ang tula o kuwento kailangang dumaan ito sa suri ng ibang makata o kuwentista na mas magaling sa akin. Parang sa pagpanday lang ng itak, hindi ito tatalas kung hindi isusugba sa matinding init at mabibigat na hampas ng panday.

Basta umayaw lang ako sa pagsusulat. May kasama pa ngang mura ‘yun e. May poot.

Hindi ko inakala na pagkaraan ng higit dalawang dekada, muli akong magtatangkang dumaong sa pantalan ng pagsusulat. Muli akong dadalawin ng isang musa na una kong inibig. Ang problema, masyadong mahaba ang panahong dumaan simula nang tumigil ako. Napakaraming lumampas o nag-overtake sa akin. 

Dalawang linggo pagkalibing kay Mama, naramdaman ko na ang ibayong kalungkutan at ipinaramdam nito sa akin kung paano maging ulila. Lumaki nang husto ang bahay dahil mag-isa na lang ako. Sobrang tahimik lalo sa gabi. Isinama ko na rin sa loob ng bahay ang mga aso ko at sa labis na katahimikan, ultimong ang hilik nila ay gumigising sa akin. Sa mga ganoong sandali, babangon ako’t mag-aapuhap ng libro para magbasa hanggang umaga. Hanggang maengganyo akong muling magsulat. 

Paano ako babalik sa pagsusulat? Ito ang tanong sa sarili noon. Kailan at paano ko gagawin ang unang hakbang para lusungin muli ang mapanghamong mundo ng panitikan? Ang dami kong batong bubuklatin para tumuklas ng mga bagong teknik kung meron man. Makapal na ang titiktikin kong kalawang para lumitaw ang dating antas ng talas. Lilitaw pero sigurado pa rin ako na mapurol at kailangang hasaing muli. 

Ano ang isusulat ko? Ito ang ikalawang katanungang nahihihirapan akong sagutin. Marami akong maisusulat pero ano ang tema na pagsisimulan. Maraming gabi ang ginugol ko sa pag-iisip kung tula o maikling kuwento. Alam kong napakarami kong materyales para muling magtayo ng pundasyong panulat. Hanggang maligaw sa isip ko na atakehin ang personal na sanaysay. Napakaliit ng karanasan ko sa genre na ito pero alam kong hindi ako mahihirapan dahil kapatid ito ng maikling kuwento.

At ang unang hakbang na ginawa ko ay ang pagtawid sa landas pabalik sa aking buhay mula elementarya hanggang hayskul. 

Nakasentro sa ideya ng pagbabalik sa nakaraan ang koleksyong binubuo ko. Dahil halos naman ng mga sumikat na pelikula o nobela maging tula ay nakaugat sa pag-alala sa nakaraan, ang landas na iyon ang kinatigan ko. Dahil nasa isla at kapos sa suplay ng mga babasahin, sa pelikula ako humingi ng tulong. Salamat sa Netflix, Prime at YouTube. Pinanood ko muli ang The Pianist, Memoirs of A Geisha, Crouching, Hidden Dragon, Heaven and Earth, Saving Private Ryan at iba pang pelikula ukol sa mapapait na karanasan at pinag-aralan ko ang estilo ng paglalahad ng mga istorya. Umubos din ako sa panonood ng mga dokumentaryo ukol sa kasaysayan ng mga bansa. Pinanood ko uli ang House of the Spirits dahil panguhaning impluwensya sa estilo ng aking pagsusulat ng kuwento ang Magic Realism ng Latin America. Muli kong binasa ang One Hundred Years of Solitude at iba pang mga kuwento ni Gabriel Garcia Marquez. Binasa ko ring muli ang pinakamalaking impluwensya kung bakit ko pinasok ang maikling kuwento, ang Utos ng Hari ng dating guro sa kuwento na si Jun Cruz Reyes at hinanap sa internet ang mga luma at bagong mga tula ni Rio Alma, guro at tanging idolo ko sa pagtula.

Mahirap ang prosesong tinangka kong lampasan dahil pawang burado na sa aking memorya ang mga karanasang inilantad sa bawat piyesa. Mapanghamon din ang pag-alala sa mga detalyeng hindi ko naman noon alam na mahalaga pala pero sa loob ng mga sanaysay sa koleksyong binubuo ay pilit kong isiniksik ang idea ng “ibinabalik/binabalikan” upang higit na maging matapat at malaman ang bawat sanaysay. Apat na dekada ang kailangan kong muling tawirin pabalik para muling manumbalik ang mga danas ng kamusmusan sa isang lugar na minsa’y tinawag kong pinakahuling parte ng mundo. Lumaki ako sa isang islang walang ibang natatanaw kundi ang paglubog ng araw, ang paghahanda at pagsasasaayos sa pagdating at pag-alis ng malalakas na bagyo, at ang araw-araw na sampal ng kahirapan. Malayo kami sa “kabihasnan.” Malawak ang dagat na naghihiwalay sa island at mainland. Mararanasan lamang namin ang kabihasnan kung makakasakay ng lantsa para pumunta sa kabisera ng lalawigan. Pero bago makasakay, kailangan munang siguruhing may dalang sapat na pera para tiyak na makababalik sa isla. Kaya karaniwan nang kapag umalis ang isang kalugar, asahang matagal bago muli itong makabalik. Ang paglisan sa aming bayan ay pagtupad sa mga hamong makatikim ng mas maalwang buhay sa ibang lugar.

May isa pang hamon sa akin para buuin ang koleksyong ito. Gaya ng nabanggit na, higit dalawang dekada kong iniwan ang pagsusulat, makakabalik ba ako sa mundong ito na una kong minahal? Ito ang tanong ko bago simulan ang paglakad pabalik sa nakaraan. Wala akong mga makabagong armas ng pagsususulat, pagbabasa at pagsusuri sa aking mga sanaysay upang mas maging katanggap-tanggap ang mga ito. Wala kundi talas lang ng memorya at katapatan ng mga detalye. Sa totoo, nakasentro sa tema ng pagbabalik ang mga sanaysay na sinulat at sinusulat ko. Dahil napakalinaw pa at habang malinaw pa ang mga detalye ng aking kamusmusan at kabataan, isusulat ko ang mga iyon nang may katapatan at katotohanan.

Nabanggit noon ng kaibigang manunulat na si Niles Jordan Breis na ang sanaysay ang genre na wala kang obligasyon sa anyo. Parang tatsulok na bilog o bilog na tatsulok. May kontradiksiyon pero may nagkakahugis, may mga nabubuo. Sa ganitong paraan, ang bawat sanaysay ay nagiging makapangyarihang kasangkapan sa paghubog ng pambansang kamalayan at pagkakaisa. Ang mga kontradiksiyon na ito ay nagiging bahagi ng isang mas malalim na pag-unawa sa ating sarili at sa ating lipunan. Sa bawat pagsasalaysay, nagkakaroon tayo ng pagkakataong masilayan ang masalimuot na katotohanan ng buhay at pagkatao.

Pawang mga karanasan ukol sa buhay at pamumuhay sa isla ang pokus ng mga sanaysay ko. Hindi lamang paglalahad sa buhay namin doon ang misyon ko kundi pagtatanghal na rin ng aming kultura, wika at ibang kaugaliang nakagisnan ko at nakasanayan. Sa Timog Katagalugan halimbawa, napansin kong kami ang may pinakamatigas na puntong Quezonian. Kaya noong nasa Maynila ako, sensitibo ako sa pagbigkas ng mga salitang may “e” at “o” dahil madalas napagtatawanan ako ng aking mga kausap at pinagkakamalang Bisaya. Naniniwala rin akong malaki ang maiiambag ng mga karanasan namin bilang taga-isla sa pangkalahatang pagsulong ng panitikan ng bansa dahil sa mga salitang ginagamit namin doon. Bagama’t nakasilong sa isang pangkalahatang karanasan bilang isang bansa, may kaibahan ang aming karanasan halimbawa sa isyu ng kahirapan. Mahirap ang buhay namin sa isla, pero hindi kami dumadanas ng labis na gutom dahil may lupa kaming maaasahang umagapay upang hindi lumangoy sa gutom. Malalim ang pagkapit namin sa pananampalataya dahil busog kami sa mga aral ng simbahan at mga tagapagtaguyod nito pero naranasan ko kung gaano kahigpit ang mga paring diocesan. Nakasaksi ako ng mga balagtasan, harana sa nililigawang nasa kabundukan, at paghuhudiyo ng mga matatanda kapag Semana Santa. Dahil taga-isla, napakalawak ng papel ng dagat sa buhay namin. Araw-araw sa loob ng dalawampu’t apat na oras, inilalantad sa amin ng dagat ang biyaya at malas. Marami. Napakaraming maisusulat o maibibigay na mga kuwento, tula at mga sanaysay ang aking bayan, ang aming isla.

Sa huli, ang koleksiyong mabubuo ko ang isa sa matinding dahilan kung bakit nalampasan ko ang krisis ng COVID-19. Ang mahabang pag-iisip ng titipain sa keyboard ng computer ang naging sanhi upang makaligtas sa panganib ng pandemya at manatiling nasa loob ng bahay habang umiiwas sa hipo ng kamatayan. 

Sa ganoong sitwasyon ako dinalaw ni Polyhymnia, ang minsa’y iniwan kong musa ng aking panulat.

 

 

ABOUT THE AUTHOR

Isinilang sa Pasacao, Camarines Sur pero nagkaisip at nag-aral ng elementarya at high school si Gil O. Mendoza sa Perez, isa sa tatlong bayang bumubuo sa Isla ng Alabat, sa lalawigan ng Quezon. Nagtapos ng BA Araling Pilipino sa UP Diliman. Naging Fellow sa Tula at Maikling Kuwento sa UP National Summer Writers Workshop (26th and 28th). Nakasama ang kanyang mga kuwento sa mga antolohiya ng KATHA. Naging Kasaping Tagapagtatag ng Tumbang Preso Multimedia Artists at Oragon, isang grupo ng mga makata sa UP. Nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa Kuwento na Gantimpalang Ani ng Gapas Foundation, Inc. noong 1996. Napagwagian niya ang kauna-uanahang Timpalak Panitik ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at tinanghal na Unang Gantimpala sa Tula at Maikling Kuwento noong 1997. Nagwagi din ng Unang Gantimpala sa Kuwento sa UP Quill Literary Contest noong 1997. Noong 2001, tinanghal na Ikatlong Gantimpala ang kanyang maikling kuwento ng Carlos Palanca Memorial Awards at noong 2002, ginawaran ng Special Award ng New York Festivals for Radio Drama ang sinulat niyang isang dulang pangradyo na inere sa Radio Veritas.

 

Workshop Session 1, 65th UPNWW: “Aswang” ni Hyll Mendoza, Fellow sa Sanaysay

 

 

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101