Workshop Session 5: What the Chart Cannot Hold ni Leonard Javier
Isinulat ni Jasper Villasis
To write carefully is to refuse carelessness with other people’s lives.
– Leonard Javier; hinggil sa pagkatha ng sanaysay bilang doktor
Masiglang inumpisahan ni Prop. Katherine Sabate ang ikalimang sesyon ng 65th UP National Writers Workshop tampok ang doktor at manunulat na si Leonard Javier. Sa kaniyang presentasyong Ang Pagsasalin Bilang Tulay ng Iba’t Ibang Mundo, pinansin ni Sabate ang pagkakatulad ng gawain niya sa dramaturhiya sa pagkatha ng karanasan ni Javier. Parehong nagsusumikap ang dramaturgo at ang manunulat na pagtagpuin ang samu’t saring wika at subhetibong danas upang maitawid ito sa pagtatanghal— sa mga espasyo man ng entablado o sa mga titik sa pahina. Itinutulay ng mga sining na ito ang mga mundong pinaghihiwalay ng mga karanasan kaya “dapat sinasagot ang bakit, kailan, paano, at para kanino ito ginagawa.” Dagdag niya, responsibilidad ang pagiging malay sa instensyonalidad at pag-unawa na nagpapataw ng halaga at saysay sa ating mga pinipiling isalaysay.
Sa pagbubulay-bulay ng etika ng pagsulat at pagsasalin ng karanasan bilang doktor nagsimulang magpakilala si Leonard Javier. Isinalaysay niya ang kalunos-lunos na sitwasyong medikal sa bansa: ang ‘di nagtutugmang bilang ng doktor sa pasyente, ang kawalan ng akses sa ospital lalo sa mga rehiyon, at ang trahedya ng pagiging “datos” lamang ng mga pasyente. Dagdag niya, testamento ang kaniyang propesyon sa matinding di-pagkakapantay-pantay sa lipunan. Sa pagitan ng abalang mga araw, naisisingit niya ang pagtatala bilang bahagi ng pagpoproseso ng karanasan. Ito ang naging mitsa ng kaniyang sanaysay na What the Chart Cannot Hold. Inilahad din niya ang mga katanungan at agam-agam sa pagsulat: “I have become suspicious of beauty that anesthetizes. A nice sentence can make terrible things surprisingly easy to read.” Ipinahayag niya sa kaniyang poetika na may responsibilidad ang doktor bilang mangangatha ng danas ng iba.
Pinuri ng lupon ang kawili-wiling wika, tono, at mga eksena sa sanaysay ni Javier. Naging tampok ang magaan na paggamit ng mga salita sa kabila ng kalunos-lunos na mga sitwasyon. Pinansin din ang kakayanan ni Javier na magtampok ng kabalintunaan at ang husay niya sa pananalinhaga. Ebidente ang mayamang balon ng karanasang pinaghahalawan ng may-akda. Tala ni Allene Allanigue: “nasisiyahan ako tuwing nagsusulat ang mga doktor kasi siguradong naroroon ang kuwento ng mga tunay na tao.” Hinggil sa bisa ng pag-asa sa sanaysay, sinabi ni Andrew Bonifacio Clete na “dinadala kami [ng akda] sa iba’t ibang parte ng health care system sa Pilipinas. Gayunpaman, inaangat pa rin kami nito sa huli.”
Ibinahagi ng kapulungan ang ilang puna at pagtatasa tungkol sa wika at direksiyon ng akda. Iminungkahing linawin ng may-akda kung sino ang mga kinakausap na mambabasa. May mosyon si Prop. Will Ortiz na isalin ang sanaysay sa wikang Filipino. Ani Jan Dennis Destajo, “mahirap isulat ang muni ng nagsusulat tungkol sa trabaho kasi kabuhayan niya rin ang nakasalalay.” Mahalagang ang lakas ng loob, kung gayon, sa ganitong proyekto. Sinuhayan ni Amanda Echanis ang hamong ito at iminungkahi ang pagkatig sa mga kapwa aktibista at doktor na bilanggong pulitikal. Bilang payo sa pagrerebisa, iminungkahi ni Dr. Eugene Evasco ang mas matinding pagninilay sa mga nararamdaman. Paalala niya, “sa sanaysay, mahalaga ang insight o kislap-diwa. ‘Wag matakot na suriin ang mga eksena sa pamamgitan ng pagmumuni-muni.”
Ipinahiwatig ng kapulungan ang pagkasabik sa transpormasyon ng sanaysay patungo sa isang ganap na koleksiyon ng mga kuwento. Masayang tumugon si Javier na naitala niya ang lahat ng komento at pabirong idineklarang isasalibro niya na kaagad ang koleksiyon.


