Workshop Session 10, 65th UPNWW: A Letter to Sulus, From Layag Sug by Nelson Dino, Fellow for Creative Nonfiction

 

WORKSHOP SESSION 10: “A Letter to Sulus, From Layag Sug” ni Nelson Dino
Isinulat ni Jasper Villasis

Academia asks for distance, structure, and theory. My community asks for closeness, sincerity, and truth. This is how my way of writing teaches me: not from distance, but from immersion; not from abstraction, but from lived reality.

– Nelson Dino; on the importance of community immersion in his writing

Sa pagsipat ng ebolusyon ng porma ng epistolaryo sinimulan ni Dr. Rolando Tolentino ang pagpapakilala kay Nelson Dino sa ika-65 UP National Writers Workshop. Sa kaniyang lekturang Ang Sulat, Manunulat at Panulat, binaybay niya ang simulain nito sa peminismo, ang utilidad nito sa pakikipag-ugnayan, hanggang sa mga gamit nito sa mga intensiyonal na paghahayag sa panlipunang danas. Itinawid niya ito sa pagtalakay na ang porma ay mahalagang matingnan din sa posisyon ng liminalidad, kultura, at praktikang sikoanalitiko tungo sa pag-unawa ng sarili at komunidad. Aniya, kailangan alalahin na ang panulat ay may tunguhin sa pormasyon at transformasyon. Gayunpaman, pinaalala niyang “hindi mo kailangang sulatin ang lahat. Mamili ka. Usapin [pa rin] ito ng subject-positionality kung saan mai-illuminate mo pa rin ang mundong kinagisnan sa tekstong isinusulat mo.”

Inilahad ni Dino na sa paghahangad na makasulat labas sa porma ng maikling kuwento at tula, sinimulan niya ang koleksyong A Letter to Sulus, From Layag Sug. Ang pagsusulat ng epistolaryong sanaysay na ito ay bahagi ng kanyang eksperimento upang tingnan kung mas relatable ang porma sa mga mambabasa sa social media. Sa pagtutuloy-tuloy ng eksperimento, nakaipon siya ng hanggang 300 na liham. Sentral sa mga liham ang espasyo ng Sulu Sea at ang karanasang buhay sa kaligiran nito— mula sa mga alaalang domestiko at akademiko hanggang sa pang-araw-araw na mga gawi sa kaligiran ng arkipelago. Naging partikular din sa simulain ng kainyang akda ang mga alaala sa mga babae sa kaniyang kaligiran: ang kaniyang ina, mga  tiyahin, mga manghahabi, at mga kuwentista. Nais niyang ipreserba ang mga ito. Sa pagsulat ng mga buhay karanasang ito, batid niya ang pag-iiba ng mga impluwensya sa panulat at nababatid niyang kahilingan ng komunidad. Aniya, “academia asks for distance, structure, and theory. My community asks for closeness, sincerity, and truth. This is how my way of writing teaches me: not from distance, but from immersion; not from abstraction, but from lived reality.” Kaya tinitingnan niya ang proyekto bilang tungkulin sa wika, kasaysayan, at kaalamang-bayan ng Sulu. Pahayag niya: “speaking [and writing] Sinug is to say: I remember. I belong. I continue. I exist!”

Sa naging talakayan sa akda, lumitaw ang mga punto sa anyo, tinig, at ugnayang personal-kolektibo. Para kay Katherine Sabatte, personal man ang anyo ng epistolaryo, nanatili itong bukas at inclusive sapagkat inanyayahan nito ang mambabasa na sumilip sa buhay ng may-akda. “Nagiging mas malapit, mas totoo, at mas dama ang salaysay,” diin niya. Kung ihahanay/isasaayos naman ang koleksyon, iminungkahi ni Allene Allanigue na gawin itong chronological nang sa gayon ay nakikita rin ang paglalakbay ng mismong may-akda sa panahon. Sa kabilang banda, nakikita naman ni Andrew Bonifacio Clete ang posibilidad ng thematic na pagkakaayos upang maiwasan ang pag-uulit ng mga liham. Pinuri naman ng kapulungan ang pagiging bukas at banayad ng koleksyon. Wika ni Dr. Ramon G. Guillermo, “ang bukas at mapagkaibigan na pamamaraan ng paglalahad ay mahalaga” dahil napapalakas nito ang tunguhing umugnay.

Nakita naman ng kapulungan ang higit na pangangailangan sa pagpapalitaw ng persona at tinig nito sa akda. Para kay Gita Labrador, kailangan pang palayagin ang Layag Sug mula sa “ako” patungong “tayo”. Gayundin, nakikita niya at ng ilan pa sa lupon ang pagpapatampok sa mga kuwento ng kaniyang ina sa pang-araw-araw nitong buhay. Binigyang-diin naman ni Dr. Eugene Evasco ang halaga ng kaalamang-bayan bilang mahalagang salik sa mga ganitong proyekto. Aniya, “Erasure ang kinakatakot ko. Sana mayroong kalakip na kaalamang bayan. Nasisiguro nito na maipapasa ang mga ito sa mga bata at kabataang mambabasa.”

Sa kabuuan, naging mahalagang tanong ang mismong anyo ng mga liham. Sinuma ni Tolentino sa pagsabing maaaring ituring bilang retrospective ang mga akda at sa halip na saluhin ang pagpasok ng lahat sa proyekto, iminungkahi niyang salain ang mga ito. Pinaalala niya ang kahalagahan ng pagbabad at pagninilay sa curation nito. Wika niya, “Writing is a form of understanding the self and the community towards formation and transformation. Pero hindi mo kailangang sulatin ang lahat. Mamili ka. Usapin ito ng subject-positionality kung saan mai-illuinate mo pa rin ang mundong kinagisnan sa tekstong isinusulat mo.”

Nagpasalamat naman si Dino sa lahat ng pagbasang at pagkilatis na ginawa sa kaniyang panukalang manuskrito. Pinahalagahan ni Dino ang bawat punto at babalikan lalo ang mga sikolohikal, emosyonal, kultural, at pormal na aspekto nito. Sa dulo, tinukoy niya ang kahalagahan ng mga palihan at ang matignan ang akda mula sa lente ng ibang mambabasa para sa pagpapabuti nito. 

I Write A Letter to Sulus, From Layag Sug by Nelson Dino

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101