Mothering
Uso ngayon ang mothering. Palaging nasa drag shows ang mga kanta ni RuPaul lalo na ang Call Me Mother. Simulan ba naman ito ng “Guess who’s back in the house, heels click clackin’ about. Fine, fresh, feminine, style to eleven. I’m divine.” Mothering, ika nga nila. Itinaas ka kaagad sa pedestal bilang entrada ng pagpapatunay, pagpapatotoo, at pagpapatibay ng mga karanasan ng isang ina.
Masasabi kong isa akong fan ng drag. Nakikita ko ito bilang isang anyo ng sining na mapagpalaya. Sa kasikatan nito, marami nang tumayong drag mom sa mga drag queens na hindi tanggap sa sarili nilang bahay o hindi na kinikilala ng mga pamilya nila. Itinayo ang mga drag house tulad ng House of Edwards, House of Colby, House of Avalon, etc. Ang dami nila. Sa Pinas naman, drag mom din kay Zymba Ding at Bomba Ding ang winner ng Slaysian Drag Race Royale na si Brigiding. Drag mom din ang 1st runner up na si Vinas de Luxxe kay Tiny de Luxxe.
Sa pelikula naman, ginamit din ang pamagat ng kanta ni RuPaul na Call Me Mother (2025) bilang isang pelikulang dinirek ni Jun Lana sa pangunguna ni Vice Ganda bilang si Twinkle kung saan nanalo siyang Best Actor sa Metro Manila Film Festival. Nagawa na rin ito nang bahagya sa Die Beautiful (2016) ng parehas na direktor na pinagbidahan naman ni Paolo Ballesteros bilang si Trisha Echevarria. Tagos sa puso ang konsepto ng pamilya na itinaguyod ni Trisha bilang nanay at pageant queen kahit na pinalayas ng tunay niyang tatay. Inuga rin tayo ng pelikula ni Rod Singh na Mamu and A Mother Too (2018) kung saan nanalo bilang Best Actress ang bidang si Iyah Mina sa Cinema One Originals. Kahit na mas kilala si Iyah bilang isang komedyante sa mga comedy bar, matagumpay niyang nagampanan ang kaniyang karakter na Mamu. Paulit-ulit na sinasabi ang linyang “Pera lang ‘yan, kikitain din ‘yan.” Nagamit ito sa maraming pagkakataon kung saan handang ubusin ng ina ang lahat ng kaniyang pagmamahal matustusan lang ang pangangailangan ng kaniyang anak.
Ang mga ganitong naratibo ay nagpadadag diskusyon sa nakagisnan nating konsepto ng ina sa mga nagdaang taon tulad ng Anak (2000) na tungkol sa relasyon ni Claudine Barreto bilang anak ni Vilma Santos na isang OFW. Iconic ‘yung eksena na nag-eempake si Vilma para mangibang-bansa ulit pero nagkasagutan sila ni Claudine. Pinaulanan ni Vilma si Claudine nang sampal sabay sabing “Sana hindi na lang ako ang naging ina mo, sana hindi rin kita naging anak. Ngayon kung iniisip mong hindi mo ako pinili bilang ina mo, sana maisip mo rin na hindi ito ang buhay na pinili ko para sa inyong mga anak ko.”
Sa kolehiyo ko pinaglihian ang teatro. May paunti-unting pagtatanghal nung hayksul pero sa The Thespian Society na theater organization ng Philippine Normal University ako nakipagniig sa entablado. “Bilog” ang tawag namin sa general assembly dahil sa palagiang nakaupo ang lahat sa hugis bilog. May kakaibang mahika ito na humihila sa’kin kahit na nakapila ang gawaing akademiko. Nagkaroon din kami ng mga nanay sa loob ng bilog na itinuring naming mentor sa loob at labas ng organisasyon. Apprentice ako noong itinanghal namin ang “Titser ng Bayan” ni Glecy Atienza at Bobet Mendoza. Nakapokus ito sa karakter ni Luisa na isang guro at kalaunan ay naging isa ring ina. Tinalakay ng dula ang mga karanasan ng mga guro bilang uring manggagawa na aktibong kasapi ng lipunan. Bilang ensemble, naranasan kong maging iba’t ibang karakter pero iba ang sipa kapag huling kanta na at paulit-ulit ang linyang “Titser ng bayan, guro ng kasaysayan. Titser ng bayan, salamin ng katotohanan.” Parang ramdam na ramdam ko ang maging isang guro kahit na unang taon ko pa lang kay inang pamantasan. Para sa’kin, isa itong paalala para sa mga naging nanay ko rin sa loob ng klasrum noong hayskul at elementarya.
Sa organisasyon din na ito ako nagbuntis ng mumunting dula na kumakalkal sa mga sugat ng lipunan. Nagbunga ang paulit-ulit kong pakikipagniig sa mga itinatanghal na dula. Kakaunti lamang kaming nagsusulat noon kaya wala rin masyadong workshop para rito. Noong huling taon ko sa kolehiyo ipinalabas ang Four Sisters and A Wedding (2013). Talagang pinanood ko ito nang ilang beses dahil sa impact na ginawa nito sa mga manonood. Sabi ng karakter ni Coney Reyes na si Grace Salazar na tumatayong matriarch ng kanilang pamilya nung nagtatalo na ang mga anak niya, “I’m not perfect, but I am your mother, and I will always love you the best way I know how.” Para ko rin itong linya sa mga dula ko kaso baka sagutin lang nila ako ng popular na linya ng karakter ni Bea Alonzo sa parehong pelikula na si Bobbie Salazar, “Bakit parang kasalanan ko? Bakit parang galit ka?”
Sa usapin ng writers workshop, bininyagan ako ng Ateneo. Naalala ko pa kung paanong isinalang sa mga panelistang nagsilbing ninong at ninang ang mga iniluwal kong dula. Baby pa ako noon sa mga palihan. Naghahanap pa ng paraan kung paanong tuluyang makatayo sa sariling mga paa. Nagpasa ako dahil gusto ko nang seryosohin ang pagsusulat. Natuwa naman ako at sinunod-sunod ang iba pang workshop. Inaamin kong naging workshop-hopper ako sa puntong ito. Hanggang sa tuluyan kong pinasok ang mundo ng MFA Creative Writing sa De La Salle University-Manila. Nagpatianod ako sa mga institusyon at hinayaan ang sarili na malunod sa iba’t ibang perspektibo at pananaw.
Ang sabi ng professor ko sa playwriting, simulan ko raw sa what-if ang eksena. Pinaglilihian ko muna ang ideya na magsisilbing binhi ng katanungan na manganganak ng kwento. What If may isang nanay na nangungulit sa anak niyang mag-text sa tatay niya dahil sa kutob na nambababae na naman ito, what if nag-alsabalutan ang isang nanay dahil pinagbuhatan siya ng kamay ng kaniyang kinakasama, what if isang nanay ang hindi makauwi sa probinsya dahil itinakwil na siya ng kaniyang pamilya pagkatapos mabuntis, what if isang nanay ang pinagtutulungan ng kaniyang mga katrabaho dahil sa hindi ito sang-ayon sa mga trip nila sa buhay, what if isang nanay ang hindi kayang samahan sa enrollment ang kaniyang anak na nasa Grade 3 pa lang dahil mahina ang kaniyang loob? Mga tanong ito na aalagaan mo at aarugain para palakihin. Pa-aaralin mo sila at bibihisan. Pakakainin para lumusog at kung kaya na niya ang kaniyang sarili ay palalayain nang matiwasay. Mga simpleng what if ng buhay na nasaksihan ko rin sa sarili naming tahanan.
Sa panahong naglipana ang mga influencers at social media, isa sa palaging viral ang mga videos ni Sassa Girl na isa ring host ng Drag Den ng direktor na si Rod Singh. Mas inilapit ng show na ito ang drag sa sarili nating duyan, sa sarili nating konteksto at kultura. Sumikat si Sassa sa putok na putok niyang blush on habang umaarte sa kaniyang mga videos. Siya yata ang nagpauso ng “mima” (binaligtad na “mami” o “mommy”) bilang tawag ito sa kaniya ng karamihan, “nakshit” naman ang tawag niya sa mga alaga niya. Kay Sassa ko rin narinig ulit and dead-mother dead-all na mahalaga sa larong ten-twenty o chinese garter. Ibig sabihin ay simula pagkabata, alam na natin na malaking gampanin at responsibilidad ang katumbas ng salitang ina. Dala-dala mo ang buhay bahay kahit saan ka man magpunta at nasa sa kamay mo ang kinabukasan ng pamilya.
Noong hayskul, naranasan ko ring maging mima. May mga nakshit din ako noon na laging lumalapit sa’kin tuwing may problema sila o ‘di naman kaya ay kasama ko sa inuman, galaan, awayan, iyakan, at tawanan. Kung may pagkakataon, kinakanta namin palagi sa videoke ang We Belong Together ni Mariah Carey na mother din sa kaniyang mga Lambily (pinaghalong lambs at family) bilang tawag niya sa kaniyang mga fans. Sabi nga ng kanta niya, “Who else I’m gonna lean on when times get rough? Who’s gonna talk to me on the phone ‘til the sun comes up?” Parang kaming mga nakshit na nangangailan ng aruga at kalinga ng isang mima.
Kaya siguro kailangan natin nang mas marami pang naratibo na ibinibida ang mga nanay. Iba ang pag-unawa at pakikinig ng isang ina. Palagi itong may diin pero hindi nalilimutan ang lambing. Palagi itong nakabibingi pero hindi nalilimutang humaplos. Sa mundong pinagkakait ang pagkalinga, ang pagmamahal ng isang nanay ang kasagutan. Kaya dapat lang siguro na ibalik na ang segment na Balitang Ina nina Chariz Solomon at Valeen Montenegro sa Bubble Gang dahil ang programang ito ay para sa mga ilaw ng tahanan. May iba’t ibang paksa na naka-ayon sa mga karanasan ng ina sa pang-araw-araw katulad ng Mapag-alipustang Ina, Cooking Ina, Tarantang Ina, Makatang Ina, Glutang Ina, Key ng Ina, Titang Ina, Hiking Ina, Pautang Ina. Ang tagline nito ay: “Nag-iisang news program para sa mga mommies.” Tinalakay na rin nila ang pagiging isang ina ng mga bakla at tinawag nila itong Baliktang Ina.
Limitado ang kaalaman ko sa pagiging isang ina pero pinanghuhugutan ko ang mga panahong madalas kaming magkwentuhan ni mama. Naisip kong sa kaniya nanggaling ang mga karakter na isinusulat ko sa dula na palaging may tumatayong nanay. Nanay na nagrereklamo sa module ng anak niya sa school, nanay na naglalaba sa isang batis, nanay na nasa kalagitnaan ng sunog, nanay sa panahon ng pandemya, nanay na malayo sa kaniyang asawa sa gitna ng lockdown, etc. Sa mga dulang ito siguro paulit-ulit ko siyang aalalahanin. Isa itong pagpupugay dahil pinalaki tayo ng libo-libong nanay, ina, mima, mommy, at nanay-nanayan natin.
Nanay siguro ang kailangan ng bansang ito na lubog sa korapsyon. Nanay siguro ang kailangang mamuno dahil hindi rin naman gumana ang kamay na bakal. Tumiklop din ito sa mga may-kapangyarihan. Ang kaya lang nilang sugpuin ay ang mga nasa laylayan. Nanay siguro ang kailangang rumonda gabi-gabi para magdala ng tsinelas at pauwiin ang mga kulang sa aruga sa kalsada pabalik sa mga sarili nilang ina. Hindi rin naman kasi gumana ang dahas at inabuso lang nang iilan para sa sarili nilang kapakanan. Naiwan lang sa kalsada ang mga tsinelas na may mantsa ng dugo. Umalingawngaw lang ang iyak ng napakaraming nanay dahil sa pagkawala ng kanilang mga anak.
Nanay tayong mga manunulat na paulit-ulit na nagpupuyat para magrebisa at mag-alaga ng mga akda. Katulad ng pagsusulat, ang pagiging nanay ay hindi natatapos sa iisang upuan lang. Kasama na rin dito ang pagtitiis, pagpupuyat, pangungutang, pag-iisip ng baon kinabukasan, pagbabantay sa pagbibinata at pagdadalaga ng mga anak, paghahatid nito sa altar sa oras na ikasal, at pag-alala kung hindi pa umuuwi nang hatinggabi.Patatandain natin sila sa pagrerebisa hanggang sa lumabas ang saysay nito. Sa pagkakataong tuluyan nating ihimlay ito sa entablado, matagumpay kung sasapi ang kaluluwa nito sa mga manonood. Sila naman ang magpapaka-nanay sa susunod dahil dakila ang maging isang ina sa mundong nangangailangan ng pag-aaruga.

ABOUT THE AUTHOR
Si Andrew Bonifacio Clete ay isang guro at playwright na nakabase sa Cavite. Nagtapos siya ng Master of Fine Arts in Creative Writing sa De La Salle University-Manila. Dumalo siya sa iba’t ibang pambansang palihan sa pagsulat para sa kaniyang mga dula na nagsisilbing kaniyang komentaryong panlipunan. Ang kaniyang dulang “Punks Not Dead” ay itinanghal sa Virgin LabFest 17 at 18 na nagwagi rin ng Unang Gantimpala sa 70th Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Inilathala na ang kaniyang mga dula sa Ani: Literary Journal of the Cultural Center of the Philippines, Katitikan: Literary Journal of the Philippine South, at Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature. Miyembero rin siya ng The Writer’s Bloc.
Workshop Session 7, 65th UPNWW: “Drags Ol Ober Da World” ni Andrew Clete, Fellow sa Dula


