PAGMAMAPA SA MARATABAT SA PROSESO NG PAG-AAKDA
Konsepto ng Maratabat at Danas sa Palihan
“Kaya lang naman nanalo sa Palanca ang akdang ito ay dahil walang tinig ang mga Moro-Maguindanaon.” Ito ang tumatak na pahayag sa akin nang minsan ay mapasama ako sa mga napiling fellow para sa national writing workshop noong 2018. Ang pahayag na iyon mula sa hindi ko kilalang filmmaker ay naging bahagi na ng aking eksistensya bilang tao— nagsusulat at tangan-tangan araw-araw ang pagiging Moro-Maguindanaon. Oo, aaminin kong nakaramdam ako ng pagkadismaya at pagkalungkot lalo’t wala namang inihain at ipinamanang dunong ang panel na iyon kung papaano ko pa malililok ang estetika ng aking akda sa pinakadakilang paraan. Sa isip ko, nametabatan aku: naapakan ang aking maratabat. Walang tiyak na direktang katumbas ang kultural na salita na ito, ngunit malinaw itong tumutukoy sa dangal, dignidad, at reputasyon ng isang Moro, na kapag naapakan ay kinakailangan niya muling iangat ang kanyang sarili sa anumang pamaraan: masama man o mabuti, mabawi at mailigtas lamang ang kanyang sarili mula sa pagtanggal ng maratabat na iyon. Hindi nakapagtataka, ang kultural na konsepto na ito ay salalayan ng patuloy na rido sa ibang bayan sa Mindanao— clan war.
Nagpapakatao pa rin naman ako sa maraming pagkakataon lalo na sa larangan ng pagsusulat, kahit na minsan ay ninanakaw ng mga salita at titik ang mga totoong danas ko. Mas pinipili kong umanib sa kung ano ang tama habang hindi nakakalimutang hindi silipin ang bintana ng imoralidad: bumabalanse ito sa realidad ng buhay at kapwa enerhiyang nagpapaikot sa daigdig. Ang mga salitang binitawan ng panel na iyon ay ginamit ko upang magpatuloy sa kung ano ang nasimulan ko sa pagsusulat. Hantungan ang mabibigat na salitang iyon upang bihisan ng bagong konsepto at kahulugan ang salitang maratabat, hindi bilang dimensyon ng pagkakasala: mata sa mata, ngipin sa ngipin na batas. “Kumusta ka na?” ang unang tanong sa akin ni Dr. Noel Pinggoy satuwing nagkikita kami. Siguro adbentahe sa kanya ang pagiging doktor maliban sa siya ay manunulat, lagi’t laging may pagsasaalang-alang sa damdamin ng isang tao. Hindi para suriin ang kalamnan at iba pang bahagi ng katawan ko, ngunit saglit na bisitahin ang damdamin ng isang nagsisimulang magsulat. Nalalaman niya kung ano ang mental na dulot ng mga bagay na hindi inaasahang maging bahagi ng danas ng isang tao, sa isang nagsusulat, sa manunulat. Marahil ay mas may higit pang karumaldumal na kritisismong natanggap ang ibang nagsisimulang magsulat kaysa sa pinagdaanan ko, ngunit naniniwala akong may bigat iyon sa akin, may iniwang peklat.
Makabuluhan at masagana ang taong 2018 sa akin lalo na sa patuloy na eksplorasyon sa pagpapahusay sa sarili sa larangan ng pagsusulat. Sa taong iyon ay nagbukas ang pinto ng oportunnidad, muling naging fellow sa pambansang palihan na Palihang Rogelio Sicat na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas – Baguio. “Bigyan mo ng tinig ang iyong kuwento gamit ang iyong kultura, ang iyong wika. Isa iyon sa mga pamaraan upang maging bahagi ng danas mo, ng kuwento, ng lipunan sa kuwento ang iyong mambabasa,” komento ng isang panel. Nakinig ako. Malaya kong tinanggap ang mga salita nila. Hindi nakipagtunggali ang aking maratabat sa kung ano ang kahinaan ng aking akda, ng estilo at estratehiya ng aking pagsusulat. Sa mga sumunod na akda na aking binuo ay tiniyak kong maging lunsaran at tahanan ng lipunang Moro ang bawat pahina sa pagpapakilala at paglalantad ng naratibo ng aking pinagmulang inged—bayan.
May Maratabat sa Pagsusulat
Anim na taon na ang nakalilipas. Wala pa rin akong natanggap na ni isang kopya ng Kulintangan at Gandigan: Mga Tunog ng Panitikan sa BARMM. Taong 2018 nang maanyayahan ako bilang tagapagsalita sa ginanap na Pambansang Kumperensya sa Panitikang Moro na pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino, na ginanap sa isla ng Tawi-Tawi. Pagkaraan ng ilang linggo ay naatasan akong maging editor ng kalipunan ng mga pananaliksik sa panitikan ng BARMM. Inayos ko ang manuskrito batay sa kahingian at pangangailangan ng KWF. Isinumite ko ito batay sa itinakda nilang panahon. “Maaari po ba akong humingi ng kopya mula sa inyong tanggapan?” ang paulit-ulit kong tanong sa kung kani-kanino na lamang na staff ng KWF. Sa kasamaang palad ay inabot na ng ilang taon, nakasali na sa mga taunang book fair ang aklat ngunit wala pa rin akong natatanggap na kopya hanggang sa nagbago na ang administrasyon nito. Sumuko na ako. Hindi na ako nangulit pa. Buti na lamang ay may nakita at nahanap akong kopya sa Shopee. Pinatulan ko na ang 600 pesos na inedit kong aklat kahit na ang totoo, hindi lalagpas ng 100 piso ang halaga nito sa KWF. Kaya kahit na guro ako sa wikang Filipino at panitikan, hindi ko maipagkakaila na may hinanakit at lumayo ang puso ko sa tanggapan na nagtataguyod ng wikang pambansa dahil sa kanilang sistema.
Dulot ng mga pangyayaring iyon ay hindi ko ipinagkatiwala ang aking nabuong aklat ng mga kuwento mula sa taong 2014 hanggang sa 2022 na binubuo ng 12 maikling kuwento na umiikot sa lipunan ng Moro-Maguindanaon. Ang ilan sa mga ito ay nailathala at naging bahagi na rin ng mga antolohiya at dyornal gaya ng Ang Pulbura sa Hangin at ang Mga Tala sa Gabi (2019) at Nalalanta Rin ang Mga Luntiang Dahon (2021) na kapwa bahagi ng taunang paglalathala ng Likhaan Journal ng UP Institute of Creative Writing. Binigyan ko ng pamagat ang kauna-unahan kong aklat ng Sílong. Naisip kong ito ang magiging pamagat lalo’t halos lahat ng tagpuan ay umiikot sa buhay-probinsya sa bayan ng Maguindanao. Para sa akin, ang mga kuwento na ito ay nagsilbing imbakan ng naratibo ng aking bayan, nagsilbing tinig, kahit na itinuturing ito ng iba na walang tinig. Sa unang aklat ko na iyon mas lalong nagliyab ang aking maratabat sa pagsusulat. Hindi man ganap at buo, ngunit sinikap kong kalingain sa mga akda ko ang mga dunong na nakuha ko mula sa mga naunang mga palihan na aking dinaluhan.
Limitado at kung mayroon man, ay bilang lamang sa mga daliri ang mga manunulat mula sa pangkat ng mga Moro-Maguindanaoan. Maliban sa kilalang direktor ng pelikula at manunulat na si Guttierez “Teng” Mangansakan ay wala na akong maisip pa na manunulat mula sa pangkat na kinabibilangan ko. Sa isip ko, isa sa mga salik kung bakit hindi umuunlad at yumayabong ang panitikang Moro-Maguindanaoan ay dahil sa sosyo-politikal na kaligiran nito. Masalimuot ang lipunang Moro mula historikal, politikal, sosyo-kultural, at esperituwal na aspekto. Hindi tuon ng buong sistema ang pagpapahalaga at pagsuporta sa mga manunulat na Moro-Maguindanaon lalo’t bagong bihis lamang ang pangalan ng ARMM, na sa kasalukuyan ay tinatawag na BARMM. Mas nakatuon ang politikal na sistema sa usaping pangkapayapaan at ekonomiya. Magwawalong taon na mula nang nagpalit ng pangalan ang bayan ngunit ni isang programang pampanitikan gaya ng mga rehiyonal na palihan o hindi naman kaya ay paglalathala ng mga malikhaing akda ay wala akong narinig. Usapin pa rin ito ng maratabat. Dahil ang pagsasawalambahala sa akdang pampanitikan ng isang rehiyon ay direktang paglibing sa naratibo ng lipunan nito. Kaya minsan, naging bahagi na ng sistema ng aking dila ang pagsambit ng katagang “Kawan ta na inam bun kanu inged ta” (Nakakawala ng pag-asa sa sariling bayan).
Ang Maratabat sa Bagong Yugto
Noong Agosto 2025 ay napadpad ako sa Maynila. Hindi ito ang unang beses ngunit nakatitiyak akong ito na ang pinakamahabang panahon na pananatili ko. Hindi ito ang mga araw na mapapadpad lamang ako sa Maynila upang dumalo sa mga seminar, kumperensya, o hindi naman kaya ay gumala sa Luneta Park at Venice Grand Canal sa McKinley Hill, Taguig. Itinulak ako ng aking maratabat na ipagpatuloy ang pagpapaunlad sa sarili akademikong larangan. Hindi ko ganap na tatanggapin ang pariralang “pagpapaunlad sa sarili”. Oo, maaring personal na hangarin ngunit ang bagong yugto na ito ay nakaangkla pa rin sa hangarin na hindi lamang pagpapabuti sa sarili, ngunit nakaugat dito ang hangarin para sa bayan. Napaka-OA. Napaka-cliché. Gasgas na linyahan ng mga manunulat na nagsusulat para sa kanilang bayan. Gasgas man at kung minsan ay magsasalubungan ang kilay ng mga makaritinig, ngunit totoo lalo’t alam ko na marami pang dapat maging hakbangin sa pagpapaunlad ng panitikan sa Maguindanao. Sa panahon kung kailan dahan-dahang kinikitil ng esperituwal na sistema ang mga kaadátan o kaugalian ng mga Moro-Maguindanaon, nararapat lamang na isatitik ang mga ito. Wala nang naniniwala sa mga hula. Ipinagbabawal na rin ang pagtugtog at pagsayaw ng mga katutubong musika at awitin gaya ng Sagayan at Kambáyok. Hindi na rin pinapahintulutan ang pagkukuwento ng mga bagay na makakapagdulot ng fitnah o temptasyon gaya ng usapin sa homosekswalidad, korapsyon, at iba pang seryoso at mabigat na mga isyu ngunit taboo, kahit na ang totoo, ang lahat ng ito ay umuusbong sa lipunang Moro—isang hakbangin sa pagpapatingkad ng maratabat ng isang lipunan sa pamamagitan ng pagtalikod sa katotohanan.
Mula pa man noon ay naramdaman ko na ang kapanatagan sa prosa. Mas lalo ko pa itong minahal nang mailathala ang aking kauna-unahang kuwento sa wikang Maguindanaoan na Su Migkalama a Inged na kalaunan ay isinalin sa wikang Ingles na The Dried Land para sa aklat na Agam Book (2014) kasama sina Merlie Alunan, Romulo Baquiran, Merlinda Bobis, Regina Abuyuan, Renato Constantino, Honorio De Dios, Criselda Yabes, at iba pang tanyag na mga manunulat sa bansa. Mula sa humigit sa 20 akda na aking naisulat at nailathala, dalawa lamang sa mga ito ang tula. Kaya mas pinipi kong itali na lamang ang sarili: kamay at haraya sa prosa lalo na sa pagsulat ng maikling kuwento at personal na sanaysay. Nagatungan pa ito nang kumuha ako ng dalawang foundation courses ng Malikhaing Pagsulat na programa kung saan ang mga binasa kong akda ay pawang nasa anyong prosa na mas lalong nakapagpatatag ng pundasyon ng aking pagsulat.
Sa kasalukuyan, ay nakatuon ang aking mga proyekto sa pagsulat ng mga personal na sanaysay lalo’t malaki ang impluwensya ng mga nabasang akda sa klase sa unang semestre ko sa Malikhaing Pagsulat na pawang sanaysay. May nakaimbak na akong kaalaman sa personal na sanaysay bilang sa pinakamalapit na pagpapakahulugan nito ay personal na dánas. Ngunit bagong yugto na ito ng pagpapaunlad ng aking sarili, sa pagsulat ay mas lalong lumawak at lumalim ang aking pagkakaunawa sa sanaysay: mula sa mga uri, estilo at estratehiya, at mga bagay na dapat taglayin ng isang personal na sanaysay upang matawag na “sanay sa pagsasalaysay”. Nabigyan ako ng pagkakataon na maging bahagi ng mga personal na dánas at kuwento ng manunulat: Sa Dáko Pa Roón, Sa Dáko Paroón: Mga Piling Sanaysay Mula Palawan Hanggang Gunita ni Eli Rueda Guieb III at ang The Turn for Home ni Jenny Ortuose. Natatangi ang mga personal na sanaysay na ito. Dito ko napagtanto na ang pagsulat ng sanaysay ay hindi lamang pagsisiping ng mga talata sa bawat pahina kundi may karapatan ang manunulat na hatiin ang mga talata na ito: hindi lumalayo sa kabuuan ng akda na tinatawag na braiding technique.
Minsan kaming tinanong ng aming propesor sa isa sa mga klase ko sa Malikhaing Paguslat. “Sino ang hinahangaan ninyong mananalaysay?” bungad niya sa unang araw ng aming klase sa online. Naalala ko noon, hindi ako agad nakasagot kaya nagtawag na lamang siya ng iba pang mag-aaral. Napaisip ako sa tanong na iyon. Sino nga ba ang inspirasyon ko sa pagsusulat? Isa-isa kong inalala ang mga nabasa kong akda. “Hindi po ganoon ka aksesibol ang mga babasahin sa Mindanao,” ang naging tugon ko. Alam kong hindi ko nasagot ang tanong niya. Ang totoo, pantay ang pagtingin at pagpapahalaga ko sa mga manunulat: walang superyor, walang imperyor. Lahat ay may kanya-kanyang hangarin at estilo sa pagsusulat. Hindi ko tinatakdaan ang sarili sa isang tiyak na manunulat lamang sa tiyak na anyo at uri ng akda. Sa patuloy na pagbabasa ko ng mga personal na sanaysay ay mas naging bukas ang aking isipan sa mga estilo nito. Hindi lamang ito umiikot sa iisang paraan ng pagpapahayag na pagsasalaysay, mas lalong hindi lamang ito isang eksposisyon. Kung may natutuhan man akong isang bagay na estilo sa pagsusulat ng personal na sanaysay, iyon ay ang konsepto ng pag-aarko o arc sa isang akda. Hindi ito nalalayo sa mga elemento ng pagkukuwento habang nag-iiwan ng natatanging kislap-diwa o insights sa mga mambabasa.
Nitong Disyembre 2025, bakasyon, umuwi ako sa Mindanao. Binisita ko ang aking nanay sa bayan ng Maguindanao kung saan siya namamalagi nang kinakailangan ko siyang iwan nang matanggap ako sa programang Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Unang beses kong mapunta sa Bente Kuwatro, Datu Unsay, Maguindanao. Nakilala ko si Kuray, isang dalagita na naging kaibigan ni nanay. Itinuturing na naiiba at kakaiba si Kuray: hindi siya normal sa mata ng iilan sa lugar na iyon dahil sa kanyang kalagayan. May “pedu” kung tawagin siya dahil sa ideyang may kakulangan siya pag-iisip. Naisip ko, sa bayan na mas nakatuon ang pagmamapa sa kapayapaan at sosyo-ekonomikong kalagayan nito, walang puwang ang usapin sa lusog-isip o mental health na kalagayan na mamamayan nito gaya ni Kuray. Noong umuwi ako ay nabuo ko ang naratibo ni Kuray na ang Daigdig ni Kuray bilang isang paglalakbay na sanaysay. Ang kuwento ni Kuray ay ilan lamang sa mga naratibo ng Moro na marhinalisado at hindi pa naisasatitik. Ang karanasan ng pangkat ng mga bakla sa isang maliit na bayan ng Maguindanao sa Upi ay hindi na kulay ng bahaghari dahil sa mariin pagkondena sa kanila ng sistema dahil sa kanilang kasarian. Marami pang dapat na isulat mula sa isang bayan ng mga Moro-Muslim bilang muling pag-aangat sa maratabat— dignidad, dangal, at reputasyon sa pag-aakda.

ABOUT THE AUTHOR
Si Mubarak M. Tahir ay isang Moro-Maguindanaon na edukador, mananaliksik, manunulat, at editor na mula sa Datu Piang, Maguindanao del Sur. Nanunungkulan siya bilang Assistant Proferssor sa Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades, Mindanao State University-Lungsod Heneral Santos. Naging fellow rin siya ng iba’t ibang rehiyonal at nasyonal na palihan sa malikhaing pagsulat. Siya rin ang kauna-unahang Moro-Maguindanaon na nagkamit ng Don Carlos Palanca Awards noong 2017 para sa kanyang personal na sanaysay. Nailathala na rin ang humigit sa 20 mga akdang pampanitikan niya sa sa iba’t ibang publikasyon sa Pilipinas. Sa kasalukuyan ay kumukuha siya ng PhD Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman.


