Workshop Session 8, 65th UPNWW: Su Kabedsalimbagu Nu Gináwà Endu Ingëd (Ang Pagbabanyuhay ng Sarili at Bayan) ni Mubarak Tahir, Fellow sa Sanaysay

Workshop Session 8
Su Kabedsalimbagu Nu Gináwà Endu Ingëd (Ang Pagbabanyuhay ng Sarili at Bayan) ni Mubarak M. Tahir
Isinulat ni Jasper Villasis

Ang tanong at hamon sa atin: Handa ba ang mga publikasyon, editor, at mga institusyon na makinig, basahin, at magbigay ng espasyo sa aming mga danas nang hindi [ito] kinakahon sa mga kategoryang alam na natin dati pa?
           – Ralph Jade Tampal; hinggil sa paglalathala ng panitikan mula sa mga rehiyon

Sa tungkulin ng “pagbubukas ng mga diskursong umiiral ngunit hindi laging pinag-uusapan” sinimulan ni Prop. Ralph Jade Tampal ng Guang Ming College ang ikawalong sesyon ng ika-65 na UP National Writers Workshop. Ang session ay nakalaan sa mga sanaysay ng Moro-Maguindanaon na manunulat na si Mubarak M. Tahir. Inugnay ni Tampal ang panulat ni Tahir sa mismong karanasan niya bilang kapwa Moro-Maguindanawon. Aniya, natural ang mahabang paglalahad kapag nagsusulat ng personal na danas mula sa isang komunidad. Gayunpaman, kailangang timbangin kung alin ang isusulat at isasantabi. Nararapat na tukuyin kung “kailan magsasabi, kailan magtatanong, at [kung] anu-ano ang tutuligsain”. Primarya ito lalo na sa mga sensitibong usapin. Dahil magkaiba ang karanasan ng manunulat at ng mambabasa, tungkulin ang pagtatawid ng mga danas na ito: “Kailangan ng pagtitimpi at maingat na pagpili.”

Emosyonal na ibinahagi ni Mubarak M. Tahir ang batayan ng kaniyang mga sanaysay. Inalala niya ang isa sa pinakamadugong pangyayari sa Mindanao noong Batas Militar — ang Palimbang Massacre — 52 taon na ang nakalilipas. Iniugnay niya ito sa kaniyang malikhaing pilosopiya: ang Salimbagu (banyuhay) at ang Maratabat (dalawahang panig sa lahat e.g. positibo at negatibo). Dahil sa kaniyang mga karanasan, organikong lumilitaw sa panulat niya ang mga tema ng sosyo-politikal na kalagayan, kasarian, kultura, buhay-Bangsamoro, at ang mga tunggaliang nakapaloob sa mga ito. Dugtong niya, tinitignan niyang responsibilidad ang pagsusulat tungkol sa kanyang pinagmulan dahil “ang pagsasawalambahala sa akda ng isang rehiyon ay direktang paglibing sa naratibo ng lipunan.” Koleksyon ng mga sanaysay na pinamagatang “Su Kabedsalimbagu nu Gináwà endu Ingëd (Ang Pagbabanyuhay ng Sarili at Bayan)” ang isinalang niya sa palihan.

Sinubukang gagapin ng kapulungan ang pagsasalabid ng mga usapin sa akda ni Tahir. Pinuri ni Pia Montalban ang paghahalo ng usapin sa kasarian, uri, at kasaysayan. “Hindi hinihiwalay [ng sanaysay] ang banyuhay ng personal at ng bayan. Lumalawak ito mula sa mga kontradiksyong personal tungo mga usapin ng lupa, bayan, kapangyarihan, [at maging] ng karapatang magkuwento.” Tumatak sa marami ang isang eksena sa kuwento— ang pagsusuot ng inaul ng isang batang karakter. Para kay Leonard Javier, “ang eskena ng pagsuot ng inaul ay sumasalamin sa danas ng isang batang bading na nagsisimulang kilalanin ang sarili niya.” 

Inurirat din naman ang usapin ng posisyonalidad ng akda at may-akda kaugnay ng pagsulat tungkol sa komunidad. Ipinaalala ni Dr. Rolando Tolentino ang pagiging maingat sa pagtukoy  ng tinatarget na kausapin ng panulat. Aniya, likas na karugtong nito ang wika, katangiang espasyo, ang talabang metropole-rehiyon at personal-publiko. “Ang daming nalalagas na core items na napakahalaga sa community kapag nilulundagan natin ang primary audience. Kailangang malinaw kung saan ka nanggagaling. [Ang sanaysay] ay reconstitution of the self and the public.” Hinambing naman ni Dr. Ramon B. Guillermo ang isang paksa sa sanaysay sa kuwentong “Circumcision” ng Indonesian na manunulat na si Pramoedya Ananta Toer. Hinamon ni Dr. Luna Sicat Cleto na gamitin ng may-akda ang kaniyang husay sa pagkukwento sa pagtatahi ng mga paksa. Sumang-ayon ang kapulungan na nagbubukas si Tahir ng maraming posibilidad sa kaniyang proyekto, kabilang ang pagsasapelikula nito.

Taos-pusong nagpasalamat si Tahir sa pagtatapos ng sesyon. Ibinahagi niya ang pangakong pagrerebisa ng proyekto bilang bahagi ng kaniyang disertasyon bilang mag-aaral ng PhD Malikhaing Pagsulat.

Pagmamapa sa Maratabat sa Proseso ng Pag-aakda ni Mubarak M. Tahir

Recent Posts

About this Site

It is UP Likhaan’s mission to stimulate writers from all parts of the Philippines to create and contribute to national cultural development; and to assert the leadership of the UP in creative writing and in the formation of policies and programs related to the development of Philippine culture and literature.

Find Us

Likhaan: the UP Institute of Creative Writing
Room 3200, Pavilion 3, Palma Hall
Roxas Street, UP Diliman, Quezon City 1101